Pananampalatayang Nakapagpapabago ng Buhay
Hinihingi sa atin ni Hesus na magkaroon ng matatag na pananalig sa Kanya at sumunod sa Kanyang paraan ng pamumuhay. Magiging ganap ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagtitiyaga, at ito’y lalakas, habang nakikita natin araw-araw na totoo ang mga salita ni Hesus kapag isinasabuhay.
“Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” (Juan 11:26)
Naglalakbay si Hesus sa Betania, ang bayan kung saan namatay si Lazaro apat na araw na ang nakalilipas. Nang mabalitaan ni Marta, na kapatid ni Lazaro, na papunta si Hesus, siya’y napuno ng pag-asa at tumakbo upang salubungin Siya. Pinapahiwatig ng Mabuting Balita ayon kay Juan na mahal na mahal ni Hesus sina Marta, Lazaro, at ang kanilang kapatid na si Maria.[1] Bagama’t nagdadalamhati si Marta, nagpakita siya ng malaking pagtitiwala sa Panginoon at kumbinsido siya na, kung naroon si Hesus, hindi sana namatay ang kanyang kapatid. Gayunpaman, anumang kahilingan niya‘y ipagkakaloob ng Diyos.
Sinabi ni Hesus, ‘Muling mabubuhay ang iyong kapatid.’ (Juan 11:23)
“Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Matapos linawin na ang tinutukoy Niya ay ang pagbabalik sa pisikal na buhay ni Lazaro doon mismo, at hindi ang buhay na naghihintay sa mananampalataya pagkatapos ng kamatayan, tinanong ni Hesus si Marta kung ganap ang kanyang na pananampalataya sa Kanya. Hindi lamang Siya magsasagawa ng isa sa Kanyang mga himala – na tinawag ng ebanghelistang si Juan na ‘mga tanda’ – nais Niya ring magbigay ng muling pagkabuhay at bagong buhay sa kanya at sa lahat ng mananampalataya.
Ipinahayag ni Hesus, ‘Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.’ (Juan 11:25) at ang pananampalatayang hinihingi niya kay Marta ay nakabatay sa isang personal na kaugnayan sa Kanya at sa aktibo at masiglang pagsunod. Ang pagtitiwala ay hindi tulad ng pagtanggap ng kontratang pinirmahan ng isang beses at pagkatapos, hindi na muling titingnan; ito’y isang bagay na nakapagpapabago at pumapasok sa ating pang-araw-araw na buhay.
“Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Inaanyayahan tayo ni Hesus na magbagong buhay dito at ngayon, na maranasan ito araw-araw, batid na, tulad ng ating muling natuklasan sa Pasko, Siya mismo ang nagdala ng buhay na ito sa atin sa Kanyang paggawa ng unang hakbang sa paghanap sa atin at pagparito upang manahan sa piling natin.
Paano natin sasagutin ang tanong Niya? Tingnan natin si Marta, kapatid ni Lazaro.
Sa pakikipag-usap kay Hesus, nagpahayag siya ng ganap na pananampaataya. Masidhing pinagpahayag ito ng orihinal na nasusulat sa Griyego. Ang ‘Naniniwala ako’ na kanyang binigkas ay nangangahulugang ‘Sumasampalataya ako,’ ‘Lubos akong naniniwala’ na ‘ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan,’ [2] kasama ang lahat ng mga kahihinatnang dala nito. Ito’y isang paninindigan na naging ganap sa paglipas ng panahon at nasubukan sa iba’t ibang mga kaganapan na hinarap Niya sa Kanyang buhay.
Ang katanungang ito’y ibinibigay rin sa atin ng Panginoon. Hinihingi Niya sa atin na magkaroon ng matatag na pananalig sa Kanya at sumunod sa Kanyangparaan ng pamumuhay, batay sa bukas-palad at konkretong pag-ibig para sa lahat. Magiging ganap angating pananampalataya sa pamamagitan ng pagtitiyaga, at ito’y lalakas, habang nakikita natin araw-araw na totoo ang mga salita ni Hesus kapag isinasabuhay. Higit pa rito, magkakaroon ito ng positibong epekto sa pang-araw-araw nating pakikitungo sa iba. Samantala, maaari nating gawing atin ang panalangin ng mga apostol kay Hesus: ‘Dagdagan mo ang aming pananampalataya’ (Lucas 17:6).
“Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Ikinuwento ni Patricia mula sa South America, ‘Nawalan ng trabaho ang isa sa mga anak kong babae dahil isinara ng gobyerno ang ahensya kung saan siya nagtatrabaho. Ganoon din ang nangyari sa kanyang mga kasamahan. Bilang kilos-protesta, nagtayo sila ng kampo sa harap ng opisina. Sinubukan kong tulungan sila sa pakikilahok sa ilan sa kanilang mga aktibidad, sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila ng pagkain o ang simpleng paghinto upang makipag-usap sa kanila.
‘Noong Huwebes Santo, isang grupo ng mga paring sumusuporta sa kanila ay nagpasyang magdaos ng isang seremonya kung saan mayroong oras ng pakikinig, isang pagbasa mula sa Mabuting Balita at isinagawa ang paghuhugas ng mga paa, bilang pag-alaala sa ginawa ni Hesus bago Siya ipinako sa krus. Karamihan sa mga naroroon ay hindi relihiyoso. Gayunpaman, naging mga sandali ito ng malalim na pagkakaisa, pagkakapatiran at pag-asa. Mainit silang tinanggap at naantig ang kanilang puso, habang pinasalamatan nila ang mga pari na sinamahan sila sa kanilang paghihirap at kawalan ng katiyakan sa buhay.’
Itong salita ni Hesus ay pinili bilang gabay para sa Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano 2025. Manalangin tayo’t kumilos upang ang ating iisang paniniwala ay maging puwersang magtutulak sa paghahanap ng daan patungo sa kapatiran ng lahat: ito ang iminumungkahi at hinahangad ng Diyos para sa lahat ng sangkatauhan, ngunit kinakailangan din natin gampanan ang ating parte. Magiging mabisa ang panalangin at pagkilos kung ito’y nagmumula sa pagtitiwala sa Diyos at kung tayo’y namumuhay ayon sa mga mithiing ito.
Silvano Malini at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Juan 11:5
[2] Cf. Juan 11:27


