Sumaksi sa Ating Huling Tahanan
Kapag tila binabalot tayo ng kadiliman, alalahanin natin ang panahong niliwanagan tayo ng Panginoon. Tulad ng Kanyang mga alagad at kaibigan, kakayanin nating harapin nang buong tapang ang hinaharap. Nariyan Siya lagi para sa atin: sapat nang maglakbay tayo kasama Niya at mapagpakumbabang makinig sa Kanya.
“Panginoon, mabuti’t naririto tayo.” (Mateo 17:4)
Patungo sa Jerusalem si Hesus at ang Kanyang mga alagad. Nang ipahayag Niya na ito ang lugar kung saan siya magdurusa, mamamatay at muling mabubuhay, tumutol si Pedro at nagpahayag ng pagkabalisa at kawalan ng pag-unawa. Pagkatapos, isinama siya ng Guro (si Hesus), kasama sina Santiago at Juan, at umakyat sa ‘isang mataas na bundok’ kung saan Siya nagpakita sa tatlo na nababalot ng kakaibang liwanag. Ang mukha ni Hesus ay ‘nagliwanag na tulad ng araw,’ at si Moises at ang propetang si Elias ay nakikipag-usap sa Kanya. Pinarinig ng Ama ang Kanyang tinig mula sa isang maliwanag na ulap at inanyayahan silang makinig kay Hesus, ang Kanyang minamahal na Anak. Nang masaksihan ni Pedro ang nakamamanghang pangyayaring ito, ayaw na niyang umalis, at napabulalas:
“Panginoon, mabuti’t naririto tayo.”
Inanyayahan ni Hesus ang Kanyang pinakamalalapít na kaibigan na magkaroon ng isang di-malilimutang karanasan na lagi nilang pahahalagahan.
Marahil tayo rin ay namangha’t naantig nang maranasan ang presensya at pagkilos ng Diyos sa ating buhay. Maaaring nagkamit tayo ng kagalakan, kapayapaan at liwanag, at ninais natin na sana’y hindi na matapos ang gayong mga sandali. Madalas tayong magkaroon ng mga ganitong karanasan kasama ang ibang tao o dahil sa kanila. Sa katunayan, ang tugunang pagmamahal ay umaakit sa presensya ng Diyos dahil, gaya ng ipinangako ni Hesus: ‘Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, naroroon ako sa piling nila’ (Mateo 18:20). Minsan, sa mga sandaling ito ng pagpapalagayang-loob sa Kanya, ipinakikita sa atin ng Diyos ang ating sarili at pinapaunawa sa atin ang mga pangyayari. Para bang nakikita natin ang mga bagay sa pamamagitan ng Kanyang mga mata.
Ibinibigay sa atin ang mga ganitong karanasan upang tayo’y magkaroon ng lakas na harapin ang mga paghihirap at hamon na ating nararanasan sa ating paglalakbay sa buhay. Nagbibigay ang mga ito ng katiyakan na tiningnan tayo ng Diyos at tinawag upang maging bahagi ng kasaysayan ng kaligtasan.
Sa katunayan, pagkababa ng mga alagad mula sa bundok, magkakasama silang pupunta sa Jerusalem kung saan naghihintay sa kanila ang maraming tao na puno ng pag-asa, subalit makatatagpo rin sila ng mga di-inaasahang problema, pagtutol, pagkapoot, at pagdurusa. Doon ‘sila’y ikakalat at ipadadala sa kadulu-duluhan ng mundo upang sumaksi sa ating huling tahanan, ang Kaharian’ [1] ng Diyos.
Masisimulan nilang buuin ang tahanan ng Diyos sa mga tao dahil sila’y ‘nakipamayan’ sa bundok kasama si Hesus.
“Panginoon, mabuti’t naririto tayo.”
‘Bumangon ka at huwag matakot’ (Mateo 17:7). Ito ang paanyaya ni Hesus sa pagtatapos ng mahiwagang karanasang ito. Ganyan din ang sinasabi Niya sa atin. Tulad ng Kanyang mga alagad at kaibigan, kakayanin nating harapin nang buong tapang ang hinaharap.
Ganito rin ang nangyari kay Chiara Lubich. Matapos ang isang bakasyong puno ng liwanag na inilarawan bilang ‘paraiso ng 1949’ (dahil sa isang kakaibang pag-unawa sa mga misteryo ng pananampalataya at malalim na kamalayan sa presensya ng Diyos sa munting komunidad na kasama niya sa pagpapahinga), ayaw rin niyang bumalik sa pang-araw-araw na buhay. Gayunpaman, buong sigasig pa rin niya itong ginawa dahil natanto niya na dahil mismo sa karanasang iyon ng kaliwanagan kailangan niyang ‘bumaba sa bundok’ at maging instrumento ni Hesus sa pagbuo ng Kanyang Kaharian. Nangangahulugan itong pagdala ng Kanyang pagmamahal at liwanag sa mga sitwasyon kung saan ito’y salat at pagharap din sa hirap at pagdurusa.
“Panginoon, mabuti’t naririto tayo.”
Kapag tila binabalot tayo ng kadiliman, alalahanin natin ang panahong niliwanagan tayo ng Panginoon. Kung hindi pa natin nararanasan ang Kanyang pagiging malapít sa atin, hanapin natin ito ngayon. Magsikap tayong ‘umakyat sa bundok’ upang makatagpo Siya sa ating kapwa, sambahin sa ating mga simbahan, at pagmasdan din sa kagandahan ng kalikasan.
Nariyan Siya lagi para sa atin: tulad nina Pedro, Santiago at Juan, sapat nang maglakbay tayo kasama Niya at mapagpakumbabang makinig sa Kanya.[2]
Silvano Malini at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] T. Radcliffe, OP, Pangalawang pagninilay sa XVI Pangkalahatang Pagtitipon ng Sinodo ng mga Obispo, Sacrofano, Oktubre 1, 2023
[2] Cf. Mateo 17:6


