“Maninirahan ang Diyos kasama nila, at sila’y magiging bayan niya” (Pahayag 21:3)
Kaya’t hindi napakalayo o maisip na hindi darating ang araw na magbibigay katuparan sa lahat ng mga pangako ng Lumang Tipan: “Ang aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan” (Ezekiel 37:27).
Natupad na ang lahat kay Hesus na patuloy na naroroon, higit pa sa kanyang pag-iral sa kasaysayan, kabilang sa mga nabubuhay ayon sa bagong batas ng tugunang pagmamahal, ang batas na bumubuo sa kanila bilang bayan, bilang bayan ng Diyos.
“Maninirahan ang Diyos kasama nila, at sila’y magiging bayan niya.”
Samakatuwid, itong Kataga ng Buhay ay isang napakahalagang tawag, lalo na para sa ating mga Kristiyano, isang tawag upang magpatotoo sa presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng ating pag-ibig. “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa” (Jn 13:35). Kung isinasabuhay ang bagong utos ni Jesus sa ganitong paraan, linalagay nito ang mga pundasyon para sa presensiya ni Jesus sa mga tao.
Wala tayong magagawa kung hindi tayo makakatiyak sa presensiyang ito. Ang Kanyang presensiya ang nagbibigay kahulugan sa maka-Diyos na kapatiran na dinala ni Jesus sa mundo para sa buong sangkatauhan.
“Maninirahan ang Diyos kasama nila, at sila’y magiging bayan niya.”
Ngunit nakasalalay ito, higit sa lahat, sa ating mga Kristiyano, kahit na kabilang tayo sa iba’t ibang mga pamayanan ng Simbahan, upang ipakita sa buong mundo ang pambihirang pagpapahayag ng iisang sambayanan, na binubuo ng bawat pangkat etniko, lahi at kultura, ng mga matatanda at bata, ng mga may sakit at malusog.
Ang iisang sambayanan kung saan maaaring sabihin, tulad ng sinabi tungkol sa mga unang Kristiyano: “Tingnan ninyo kung paano sila nagmamahalan at handang ibigay ang kanilang buhay para sa isa’t isa.”[1]
Ito ang himala na hinihintay ng sangkatauhan, upang magkaroon ito muli ng pag-asa. Ito ang kontribusyon na kinakailangan para sa pag-unlad ng ekumenikal na paglalakbay patungo sa isang buo at nakikitang pagkakaisa ng lahat ng mga Kristiyano.
Ito ay isang “himala” na maaabot natin o kaya’y maaabot Niya, na nanahan kasama ng Kanyang bayan na pinag-isa ng pag-ibig, Siya na maaaring magbago ng kapalaran ng mundo sa pamamagitan ng pag-akay sa buong sangkatauhan patungo sa pagkakaisa.
Isinalin ni Jonas Lardizabal mula sa Kataga ng Buhay, Enero 1999 na sinulat ni Chiara Lubich
[1] Tertullian, Apologeticum 39, 7