Nakikita ang Pag-ibig sa Gawa
Kung isasabuhay natin ang Salita ng Diyos at gagawin itong sariling atin, mararanasan natin ang makapangyarihang buhay na dulot nito sa atin at sa paligid natin.
“Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili.” (Santiago 1:22)
Iginigiit ng may-akda ng talatang pinili para sa buwang ito ang pangunahing tema ng pakikinig at pagsasagawa. Sa katunayan, patuloy na sinasaad ng liham: “Ngunit sinumang nakatuon ang tingin sa sakdal na batas, ang batas ng kalayaan, at nananatiling tapat dito – hindi tulad ng isang malilimuting tagapakinig kundi isang nagsasabuhay nito – pagpapalain siya sa pagsasagawa nito” (Santiago 1:25). At ito mismong tungkulin na alamin at isabuhay ang Kanyang mga salita ang nagpapalaya at nagbibigay sa atin ng kagalakan.
Masasabing ang talata ng Bibliya para sa buwang ito ang dahilan kung bakit ang pagsasabuhay ng Kataga ng Buhay ay lumaganap sa buong mundo. Minsan sa isang linggo, at pagkatapos, isang beses sa isang buwan, pumipili dati si Chiara Lubich ng isang sipi o pangungusap mula sa Banal na Kasulatan at nagbibigay ng komento dito. Nagtitipon sila, nagbabahaginan ng mga bungang natamo sa pamamagitan ng mga karanasan sa buhay, at lumilikha ng isang nagkakaisang komunidad na nagpapakita sa panimula nito ng pagbabagong kaya nitong gawin sa lipunan.
“Sa kabila ng pagiging payak nito, naghandog ito ng isang mahalagang kontribusyon sa muling pagtuklas sa Salita ng Diyos sa mundong Kristiyano noong ika-dalawampung siglo,” 1 na naghahatid ng isang “paraan” para sa pagsasabuhay ng Mabuting Balita at pagbabahagi ng mga epekto nito.
“Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili.”
Kinuha ng sulat ni Santiago ang ipinahayag ni Hesus upang maisabuhay at maranasan natin ang Kaharian ng langit sa piling natin: tinatawag nitong mapalad ang sinumang nakikinig sa Kanyang salita at tumutupad nito 2; kinikilala bilang ina at kapatid ang mga nakikinig at nagsasabuhay nito 3; inihahambing niya ito sa binhi na kung ito’y mahulog sa matabang lupa – sa ibang salita, sa mga nakikinig dito nang may mabuti’t marangal na puso at tinutupad ito – nagbubunga sila dahil sa kanilang pagtitiyaga.4
Isinulat ni Chiara Lubich: “Sa bawat salita ni Hesus, ipinapahayag Niya ang Kanyang buong pagmamahal sa atin. Kung isasabuhay natin ang Salita ng Diyos at gagawin itong sariling atin, mararanasan natin ang makapangyarihang buhay na dulot nito sa atin at sa paligid natin. Mahalin natin ang Mabuting Balita hanggang sa mabago nito ang ating sarili at kumalat sa iba. […] Mararanasan natin ang maging malaya sa ating sarili, sa ating mga kahinaan, sa ating pagkaalipin. At gayundin, makikita natin ang rebolusyon ng pag-ibig dahil babaguhin ni Hesus, na malayang namumuhay sa atin, ang lipunang ating ginagalawan.5
“Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili.”
Paano natin maisasabuhay itong Salita ng Diyos? Masdan natin ang ating kapaligiran at gawin ang lahat ng ating makakaya upang maglingkod sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng munti’t malaking pagkalinga sa isa’t isa, na binabago ang mga hindi makatarungang istruktura ng lipunan, linalabanan ang karahasan, tinataguyod ang kapayapaan at muling pagkakasunduan, at pinapaigting ang pagrespeto’t pag-alaga sa ating planeta.
Maaari nitong simulan ang isang tunay na rebolusyon sa ating buhay, sa trabaho, at sa mga komunidad na ating ginagalawan.
Nakikita ang pag-ibig sa mga aksyon sa lipunan at pulitika na naglalayong bumuo ng isang mas mabuting mundo. Dahil sa pagtatalaga ng isang munting komunidad ng Focolare para sa mga higit na nangangailangan ng pangangalaga sa lipunan, isang sentro para sa mga matatanda na pinangalanang “Chiara Lubich” ay pinasinayaan sa Lámud, isang lungsod sa kagubatan ng Amazon sa Peru, na may taas na 2,330 metro.
“Nagbukas ang Sentro sa gitna ng krisis ng pandemya at nag-aalaga sa limampung matatanda. Ang bahay, ang mga muwebles, ang mga pinggan at maging ang pagkain ay niregalo ng karatig na komunidad. Isa itong pakikipagsapalaran, na may kalakip na mga paghihirap at hadlang, ngunit noong Marso 2022, ipinagdiwang ng Sentro ang unang anibersaryo nito. Binuksan nito ang kanyang pintuan sa buong lungsod; maging ang mga awtoridad sa politika ay dumalo. Ang dalawang araw na pagdiriwang ay nagtala ng mga bagong boluntaryo, mga matatanda’t bata, na nais alagaan ang mga nalulumbay na lolo’t lola, upang sa gayon ay palawakin ang kanilang pamilya.” 6
Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
1 C. Lubich, Parole di vita, Panimula, sa pamamatnugot ni Fabio Ciardi, (Opere di Chiara Lubich 5), Città Nuova, Rome 2017, p. 9.
2 Cf. Lucas 11:28.
3 Cf. Lucas 8:21.
4 Cf. Lucas 8:15.
5 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Setyembre 2006.
6 Communion Balance Sheet 2022. Focolare Movement, sa https://www.focolare.org/wp-content/uploads/2024/01/BdC-2022-2.pdf, p. 67.


