Ang Pagmamahal ay Paglilingkod
Ang kabuuan ng Mabuting Balita ay pagmamahal. At ang pagmamahal ay nangangahulugang paglilingkod… ang pagiging kapwa sa bawat tao, sa anumang kalagayan nito, sa lipunan o sa anumang kultura.
Sa ikatlong pagkakataon, inihahanda ni Hesus, habang patungong Jerusalem, ang Kanyang mga alagad sa Kanyang masalimuot na pagpapakasakit at kamatayan, ngunit hindi ito makuhang maunawaan ng Kanyang mga alagad.
Sa katunayan, sumiklab ang tunggalian sa mga apostol: hiniling nina Santiago at Juan ang mga mataas na posisyon “sa Kanyang kaluwalhatian,” 1 nagalit at nagreklamo ang ibang mga alagad, at ang grupo’y nahati.
Kaya’t matiyagang tinawag silang lahat ni Hesus, at minsan pa’y ipinahayag ang bago at nakagigimbal sa Kanyang mensahe:
“Ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod, at ang sinumang nais maging una sa inyo ay kailangang maging alipin ng lahat.”
Sa pangungusap na ito ng Mabuting Balita ayon kay Marcos, unti-unting nabubuo ang larawan ng lingkod-alipin. Ginagabayan tayo ni Hesus mula sa simpleng pagiging bukas at handang maglingkod sa mga munting grupong nakakapanatag ng loob, patungo sa isang ganap na pagbibigay ng sarili sa lahat, na walang pinipili.
Ito’y isang panukalang lubos na naiiba at salungat sa agos ng mundo, kung ikukumpara sa pagkaunawa ng tao sa mga may kapangyarihan at sa pamahalaan, na maaring nakaakit sa mga apostol at nakakaimpluwensiya rin sa atin.
Ito kaya ang sikreto ng maka-Kristiyanong pagmamahal?
“Ang paglilingkod ay isang salitang hindi masyadong binibigyang-diin nating mga Kristiyano. Maaring sa tingin natin ito’y luma’t di na napapanahon, at di nararapat sa dignidad ng tao na nagbibigay at tumatanggap. Subalit narito ang kabuuan ng Mabuting Balita, dahil ito’y pagmamahal. At ang pagmamahal ay nangangahulugang paglilingkod. Hindi naparito si Hesus upang mag-utos kundi upang maglingkod. […] Ang maglingkod, ang maglingkod sa isa’t isa’y pagiging Kristiyano at sinumang nagsasagawa nito – at kaya itong gawin ng lahat – nagawa na niya ang lahat; at hindi ito isang bagay na nananatiling nag-iisa, bagkus kumakalat sa lahat ng dako dahil ito ang tunay na diwa ng buhay Kristiyano.” 2
“Ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod, at ang sinumang nais maging una sa inyo ay kailangang maging alipin ng lahat.”
Ang pakikipagtagpo natin kay Hesus sa Kanyang Salita ay nagbubukas ng ating mga mata, tulad ng nangyari sa bulag na si Bartimeo na matatagpuan natin sa mga sumusunod na taludtod.3 Pinapalaya tayo sa kakitiran ng ating pagtingin at ipinapahintulot na pagmasdan natin ang abot-tanaw ng Diyos, ng Kanyang plano para sa isang “bagong langit at bagong lupa.” 4
Ang Panginoong Hesus ay naghugas ng mga paa ng Kanyang mga alagad5 at, sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa, sumalungat Siya sa makitid na pagtingin ng mga nasa pamahalaan, at kahit ng mga nasa mundo ng relihiyon sa tungkulin ng paglilingkod, na kadalasa’y inilalaan sa mga taong itinuturing na mas mababa ang antas sa lipunan.
Samakatuwid, ang paglilingkod ng Kristiyano ay upang tularan ang halimbawa ni Hesus, upang matuto sa Kanya ng isang bagong istilo ng pakikisalamuha: ang pagiging kapwa sa bawat tao, sa anumang kalagayan nito, sa lipunan o sa anumang kultura.
Gaya ng iminumungkahi ni Giovanni Anziani, isang Methodist na pastor ng Simbahang Waldensian, “[…] Sa pamamagitan ng pagtuon ng ating pagtitiwala’t pag-asa sa Panginoon na siyang lingkod ng nakararami, hinihiling sa atin ng Salita ng Diyos na kumilos sa gitna ng lahat ng mga pagkakasalungat sa ating mundo at, bilang mga tagataguyod ng kapayapaan at katarungan, bilang mga tagapagtayo ng mga tulay para sa muling pagkakasundo ng mga tao.” 6
Ganito nabuhay si Igino Giordani, isang manunulat, mamamahayag, politiko at pamilyadong tao, noong panahon ng diktadura sa Italya. Upang ipahayag ang kanyang karanasan, isinulat niya: “Sa pinakamarangal at maka-Kristiyano nitong kahulugan, ang politika ay lingkod at hindi dapat “maghari-harian”: hindi ito dapat mang-abuso, mangibabaw sa lahat o maging mapagmataas. Narito ang tungkulin at dignidad nito: maging isang serbisyo sa lipunan, pagmamahal na kumikilos: ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal sa sariling bayan.” 7
Sa pagpapatotoo ng Kanyang buhay, nagmumungkahi si Hesus ng isang mulat at malayang pagdedesisyon: hindi na namumuhay na sarado sa sarili at sa sariling interes, ngunit “namumuhay sa kapwa,” sa mga nadarama nito, na dinadala ang kanyang mga pasanin at nakikibahagi sa kanyang kagalakan.
Lahat tayo’y may munti o malaking responsibilidad at kapangyarihan: sa pulitika at sa lipunan, gayundin sa pamilya, sa paaralan, at sa komunidad ng mga mananampalataya. Samantalahin natin ang ating “mataas na posisyon” upang ilaan ang sarili sa pagseserbisyo para sa kapakanan ng lahat, na bumubuo ng mga ugnayang makatarungan at nagmamalasakit sa iba.
Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
1 Cf. Marcos 10:37.
2 C. Lubich, Servire, sa “Città Nuova” 17 (1973/12), p. 13.
3 Cf. Marcos 10:46-52.
4 Cf. Isaia 65:17 at 66:22, ipinagpatuloy sa 2 Pedro 3:13.
5 Cf. Juan 13:14
6 https://www.chiesavaldese.org/aria_covers.php?ref=111
7 P. Mazzola (patnugot), Perle di Igino Giordani, Effatà Editrice, Turin 2019, p. 112.


