Home2023“Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag: sapagka’t ang bunga ng liwanag...

“Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag: sapagka’t ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti at matuwid at totoo.” (Efeso 5:8-9)

Kung tatanggapin natin ang Salita ng Diyos , higit tayong nakaayon sa Kanyang pag-iisip, damdamin at turo. Bibigyang-liwanag nito ang bawat gawa natin, at itinutuwid ang bawat pagpapahayag ng ating buhay. Kapag nag-aalab ang pag-ibig sa ating puso, magkakaroon tayo ng bagong pananaw.

Sinusulatan ni San Pablo ang komunidad ng mga Kristiyano sa Efeso, isang malaki at kahanga-hangang lungsod kung saan siya nanirahan habang nagbibinyag at nagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo.

Malamang siya’y nakakulong na sa Roma noong mga taong 62 AD. Siya’y balisa at gayon pa man, sumusulat siya sa mga Kristiyanong ito, hindi para lutasin ang mga problema ng komunidad, kundi para ipahayag sa kanila ang kagandahan ng plano ng Diyos para sa lumalagong Simbahan.

Ipinaaalala niya sa mga taga-Efeso na, sa pamamagitan ng kaloob na binyag at pananampalataya, sila’y dumaan na mula sa ‘pagiging kadiliman’ tungo sa ‘pagiging liwanag’ at hinihikayat niya silang kumilos sa paraang naaayon dito.

Para kay San Pablo, nangangahulugan itong pagtahak sa isang landas, isang patuloy na paglago sa kaalaman sa Diyos at sa Kanyang kalooban ng pag-ibig. Higit pa rito, nangangahulugan itong magsimula muli araw-araw.

Kaya naman, nais niyang hikayatin silang mamuhay lagi ayon sa tawag na kanilang natanggap: ‘tularan ang Ama’1 bilang ‘mga minamahal na anak’: banal at maawain.

“Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag: sapagka’t ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti at matuwid at totoo.”

Tayong mga Kristiyano ng ikadalawampu’t isang siglo ay tinatawag din na ‘maging liwanag,’ ngunit maaari nating maramdaman ang ating kakulangan, mahadlangan ng ating mga limitasyon o matangay ng mga pangyayari sa mundo.

Paano tayo lalakad nang may pag-asa, sa kabila ng kadiliman at kawalan ng katiyakan na kung minsa’y tila lumalamon sa atin?

Patuloy tayong hinihikayat ni San Pablo: Ang Salita ng Diyos na isinasabuhay ang nagbibigay liwanag sa atin at nagbibigay-daan upang tayo’y “magningning tulad ng mga bituin” sa sangkatauhang naliligaw ng landas.

“Bilang isa pang Kristo, bawat lalaki at babae ay maaaring magbigay ng kontribusyon … sa lahat ng larangan ng buhay ng tao: sa agham, sa sining, sa pulitika. … Kung tatanggapin natin ang Kanyang Salita, higit tayong nakaayon sa Kanyang pag-iisip, damdamin at turo. Binibigyang-liwanag nito ang bawat gawa natin, at itinutuwid ang bawat pagpapahayag ng ating buhay… Ngunit laging handang bumalik ang ating ‘dating pagkatao’ sa pansariling buhay at, dahil dito, maaari nating isulong ang ating mga sariling interes at kalimutan ang mga taong dumaraan sa tabi namin. Maaari pa nga tayong manatiling walang pakialam sa ikakabuti ng madla at sa mga pangangailangan ng mga taong nasa paligid natin. Kung gayon, muli nating pag-alabin ang pag-ibig sa ating puso at magkakaroon tayo ng bagong pananaw.”2

“Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag: sapagka’t ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti at matuwid at totoo.”

Ang liwanag ng Mabuting Balita, na isinasabuhay ng mga indibiduwal at komunidad, ay nagdudulot ng pag-asa at nagpapatibay sa mga ugnayan sa lipunan, kahit na sa gitna ng mga kalamidad tulad ng COVID na nagdudulot ng paghihirap at nagpapalala ng karukhaan.

Ikinuwento ni Jun na taga-Pilipinas na, sa kasagsagan ng pandemya, isang komunidad ang nasalanta ng apoy, at maraming pamilya ang nawalan ng lahat: “Kahit mahirap kami, gusto namin ng asawa kong si Flor na tumulong. Sinabi ko sa mga miyembro ng grupong nagmomotorsiklo kung saan ako kabilang tungkol sa sitwasyong ito, kahit na alam kong nahihirapan din sila gaya namin. Hindi ito naging hadlang sa mga kaibigan ko na kumilos; nakalikom kami ng mga delatang sardinas, mga pakete ng noodles, bigas at iba pang pagkain na aming naibigay sa mga biktima ng sunog.

“Kadalasan, ako at ang aking asawa ay pinanghihinaan ng loob sa pag-iisip kung ano ang maaaring maging kinabukasan namin, ngunit lagi naming naaalala ang mga salita sa Mabuting Balita na nagsasabing, Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay magkakamit nito.’ 3 Kahit na hindi kami mayaman, naniniwala kami na lagi kaming may maibabahagi dahil sa pagmamahal kay Hesus sa ibang tao, at ang pag-ibig na ito ang nag-uudyok sa amin na patuloy na magbigay nang taos-puso at magtiwala sa pagmamahal ng Diyos.”

Kaya’t kailangang maging bukas upang tayo’y maliwanagan sa kaibuturan ng ating puso. Ang mga bunga ng ganitong paraan ng pamumuhay – kabutihan, katarungan at katotohanan – ay nakalulugod sa mata ng Panginoon at sumasaksi sa Mabuting Balita kaysa anumang salita na maaari nating gamitin.

At huwag nating kalimutan ang suportang natatanggap natin mula sa lahat ng kasama natin sa banal na paglalakbay ng buhay. Ang kabutihan ng iba, ang pagpapatawad sa isa’t isa at ang pagbabahagi ng mga materyal at espirituwal na bagay ay mga mahalagang tulong upang tayo’y maging mga saksi ng pag-asa.

Nangako si Jesus, “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo, hanggang sa wakas ng panahon.” 4

Siya, ang Nabuhay na Mag-uli, ang pinagmumulan ng ating buhay Kristiyano, ay laging kasama natin sa panalangin ng bayan at sa pagmamahal natin sa isa’t isa, upang magpainit sa ating puso at magbigay-liwanag sa ating isipan.

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Cf. Filipos 2:15

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Setyembre 2005

3 Marcos 8:35

4 Mateo 28:20

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read