Home2021“Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon; ituro mo...

“Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4)

Ipinapakita sa atin ng salmong ito ang isang taong nahaharap sa isang banta at panganib. Kailangan niyang matagpuan ang tamang landas tungo sa kanyang kaligtasan. Kanino siya hihingi ng tulong?

Batid ang sariling karupukan, itinataas niya ang kanyang mga mata at nagsusumamo sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, na kailanma’y hindi pinabayaan ang Kanyang bayan, bagkus ginabayan sila sa mahabang lakbayin sa disyerto tungo sa Lupang Pangako.

Ang ‘paglakad kasama ang Diyos’ ay isang karanasang nagdudulot ng panibagong pag-asa sa manlalakbay. Isang natatanging pagkakataon ito na magkaroon ng pinagpanibagong ugnayan sa Diyos, ng mapagtiwalang pag-uubaya sa Kanyang tapat na pagmamahal sa kabila ng ipinakitang kataksilan.

Sa wikang ginagamit sa Bibliya, ang ‘paglakad kasama ang Diyos’ ay nagbibigay ng aral sa buhay. Isa itong panahon upang matutunang kilalanin ang Kanyang plano ng kaligtasan.

Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.

Kadalasan, tinatahak natin ang mga landas ng lubhang pagtitiwala sa sariling kakayanan hanggang sa puntong maranasan natin ang kawalan ng direksiyon sa buhay, ang pagkalito, at mapagtanto natin ang sariling limitasyon at pagkukulang. Nais nating makakita ng magtuturo sa atin ng tamang landasin sa buhay upang marating ang ating patutunguhan.

Malaking tulong sa atin ang salmong ito; hinihikayat tayo nito tungo sa isang bago, mas mabuti, isang pinagpanibagong ugnayan sa Diyos at pagtitiwala sa Kanya.

Binibigyan tayo nito ng lakas na tanggapin ang Kanyang mga aral, na palaging nag-aanyaya sa atin na iwasang magsara ng sarili, na sundan Siya sa daan ng pagmamahal, kung saan Siya ang naunang tumahak ng landas na ito upang tagpuin tayo.

Maaari itong maging isang panalanging sasamahan tayo sa buong maghapon. At ang bawat sandali, masaya man o malungkot, ay nagiging isang yugto sa ating paglalakbay.

Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.

Si Hedy na taga-Switzerland, ay may asawa at apat na anak, at matagal nang nagsisikap magsabuhay ng Salita ng Diyos. Malubha na ang kanyang sakit at batid niyang malapit na siya sa katapusan ng kanyang paglalakbay dito sa mundo.

Ang sabi ng kanyang mahal na kaibigang si Kati: “Sa bawat pagbisita sa kanya, kahit ng mga nurse, palaging iniisip ni Hedy ang iba – kahit na hirap na siyang magsalita. Pinasasalamatan niya ang lahat ng nandiyan para sa kanya at nagbabahagi siya ng kanyang mga karanasan sa kanila. Siya ay Pag-ibig lamang, isang buhay na pagtugon sa kalooban ng Diyos! Maraming tao ang naaakit niya – mga kaibigan, kamag-anak, at kaparian. Namamangha sila sa kanyang kakaibang lakas, sa pag-iintindi niya sa lahat ng kanyang mga bisita, bunga ng kanyang pananalig sa pagmamahal ng Diyos.”

Nagsabi si Chiara Lubich, ang nagtatag ng Kilusang Focolare, na ang buhay ay isang ‘banal na paglalakbay.’[1] “Ito ay sagisag ng landas na ating tinatahak patungo sa Diyos… Bakit hindi nating gawin ang ating natatanging buhay na isang paglalakbay, isang banal na paglalakbay, sapagkat Banal Siya na naghihintay sa atin… Kahit man ang mga taong walang paniniwala sa relihiyon, maaari nilang gawing obra maestra ang kanilang buhay at, taglay ang ganap na pagkamarangal, tahakin ang daan ng taos-pusong paninindigan sa kabutihan. Kung ang buhay ay isang ‘banal na paglalakbay’ sa iba’t ibang landas ng kalooban ng Diyos, dapat ay may pag-unlad tayo araw-araw. Subalit kung hihinto tayo? Iiwanan ba natin ang naumpisahan na dahil tayo’y pinanghinaan ng loob dahil sa ating mga pagkakamali? Hindi, sa ganitong mga sandali, ang dapat nating bukang-bibig ay ‘magsimulang muli’… sa pamamagitan ng lubos na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos higit sa ating sariling kakayanan… At mahalagang maglakbay tayo nang magkakasama, nagkakaisa sa pagmamahal, nagtutulungan. Ang Banal ay darating sa ating piling at Siya ang magiging ‘Daan’ natin. Mas malinaw Niyang ipauunawa sa atin ang kalooban ng Diyos at bibigyan tayo ng hangarin at kakayanang isakatuparan ito. Magiging mas madali ang lahat kung tayo ay nagkakaisa at mararanasan natin ang ipinangakong kaligayahan sa mga naghahangad magsagawa ng ‘banal na paglalakbay.’ ”[2]

Letizia Magri


[1] Cf. Awit 84:6 — “Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo, silang naghahangad makarating sa iyong templo (banal na paglalakbay)”

[2] C. Lubich, Kataga ng Buhay,  Disyembre 2006

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read