Home2020July“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong...

“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong ina at mga kapatid.”

“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong ina at mga kapatid.” (Mt 12:50)

Ginugunita sa Ebanghelyo ni Mateo ang isang kabanata sa buhay ni Hesus na tila hindi gaanong mahalaga. Nagtungo ang Kanyang ina at ilang kamag-anak sa Capernaum kung saan si Hesus, kasama ng Kanyang mga alagad, ay nagpapahayag ng pag.ibig ng Ama para sa lahat. Marahil ay malayo ang kanilang nilakad upang hanapin Siya at makausap. Hindi sila agad lumapit sa Kanya, sa halip ay nagpadala ng mensahe, “nais kang makausap ng Iyong ina at mga kapatid na naghihintay sa labas.”

Mahalaga sa pamayanan ng Israel ang pamilya. Ang pamayanang ito ay itinuturing bilang mga “anak” ng Diyos at tagapagmana ng Kanyang mga pangako.  Itinuturing din nila ang isa’t isa bilang mga “kapatid.”

Subalit isang di-inaasahang pananaw ang binuksan ni Hesus: sa isang makahulugang kilos ng kamay, itinuro Niya ang mga alagad at sinabing:

“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong ina at mga kapatid.”

Nagpahayag si Hesus ng isang bagong pamantayan. SInuman ay maaaring ituring na bahagi ng pamilyang ito kung siya ay nagtatalagang alamin at tupdin ang kalooban ng Ama sa langit.

Sinuman: matanda o bata, lalaki o babae, malusog o maysakit, anumang lahi o katayuan sa lipunan. Sinuman: bawat isa ay nilikha bilang kawangis ng Diyos na Pag-ibig kaya’t maaaring makipag-ugnay bilang kakilala at kaibigan.

Samakatuwid, sinuman ay maaaring sumunod sa kalooban ng Diyos at ito ay ang mahalin ang Diyos at bawat kapwa. At kung tayo ay nagmamahal, kinikilala tayo ng Diyos bilang Kanyang pamilya, kanyang kapatid. Isang napakalaking pagkakataon ito na maaari nating ikamangha: pinalalaya tayo nito sa nakaraan, sa ating mga kinatatakutan at pananaw sa buhay. Sa ganitong paraan, kahit ang ating mga kakulangan at karupukan ay maaaring maging “tuntungan” na magsusulong sa atin tungo sa kaganapan. Kaya’t ang bawat hakbang ay may kakaibang kagandahan.

“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong ina at mga kapatid.”

Tayo rin ay maaaring maging “ina” ni Hesus, tulad ni si Maria na bukas at handang ibigay ang lahat sa Diyos mula ng sandaling nagpahayag sa kanya ang anghel hanggang sa kalbaryo, at nang isilang ang Simbahan. Maaari rin tayong magsilang at muling mabigay-buhay kay Hesus kung isasabuhay natin ang Ebanghelyo. Kung tayo ay nagmamahalan, makakatulong tayong bigyang buhay ang presensya ni Hesus sa ating pamayanan.

Minsan, si Chiara Lubich, ang nagtatag ng Focolare, ay nagsalita sa harap ng mga taong nagnanais magsabuhay ng Salita ng Diyos. Sinabi niya: “Maging isang pamilya. Mayroon ba sa inyo na dumaranas ng mga ispirituwal at moral na pagsubok? Unawain ninyo sila tulad ng isang ina at higit pa. Gabayan ninyo sila sa pamamagitan ng inyong mga salita at halimbawa. Huwag hayaang magkulang sila sa pagmamahal ng isang pamilya bagkus pag-alabin pa ito. Mayroon ba sa inyong maysakit? Higit ninyong bigyang pansin sila. Huwag nating ipagkaila ang pagmamahal ng isang pamilya sa ating mga kasamahan. Saan man tayo magtungo upang dalhin ang mithiing ito ni Kristo (…), sikaping maging maingat at mahinahon ngunit may matibay na paniniwala, maging isang pamilya. Ibig sabihin ay maging mapagkumbaba, naghahangad ng kabutihan ng bawat isa, hindi mapagmataas. Ito ang tunay na pagmamahal na galing sa Diyos.”

“Sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ay siya kong ina at mga kapatid.”

Sa ating pang araw-araw na buhay, maaari nating matuklasan ang tungkuling iniatas ng Ama sa bawat isa sa atin upang bumuo ng isang malaking pamilya.

Sa isang lugar sa Homs sa Syria, mahigit 150 na bata na karamihan ay Muslim ang nagpupunta sa isang gusaling pag-aari ng Simbahang Greek Orthodox upang magpatulong sa kanilang pag-aaral. Kwento ni Sandra, ang director: “Isa kaming grupo ng mga guro at propesyonal na naglalayong bumuo ng isang pamilya kung saan lahat ay tinatanggap at kinakalinga. Ang aming gawain ay nakaugat sa diyalogo at pagpapahalaga sa lahat. Maraming bata ay may tandâ ng trauma at paghihirap na kanilang naranasan. Ang ilan ay walang bahala samantalang ang iba ay marahas. Nais naming magkaroon muli sila ng tiwala sa sarili at sa kapwa. Habang maraming pamilya ang dumaranas ng labis na paghihirap o pagkakawatak-watak dahil sa digmaan, dito ay matatagpuan nila ang lakas ng loob at pag-asa na magsimulang muli.”

Letizia Magri


Andito po ang bersyon ng Kataga ng Buhay na pwede po ninyong i-download at ibahagi sa inyong pamilya at mga kaibigan 😊

[embeddoc url=”https://newcityph.net/wp-content/uploads/KB-2020-07-final.docx” viewer=”microsoft” ]

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read