Home2026June“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng...

“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ […] Tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay rin nang walang bayad.” (Mateo 10:7)

Ang Kaharian: Kaloob na Dapat Ibahagi

Tulad ng mga apostoles, tinatawag rin tayo na tanggapin ang kaloob ng kaharian ng Diyos. Inaanyayahan tayo na ipahayag sa salita at gawa na malapit ang Kaharian, ipangaral ang mensahe ng pag-asa sa lahat ng nakakasalamuha natin.

“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ […] Tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay rin nang walang bayad.” (Mateo 10:7)

Sa kabanatang ito ng Mabuting Balita ayon kay Mateo, ang mga apostol ay pinili ni Hesus, na tinawag sila sa pangalan, binigyan ng mga natatanging kapangyarihan upang palayasin ang masasamang espiritu at ang kakakyahang magpagaling ng bawat sakit at karamdaman. Binigyan sila ni Hesus ng mga tagubilin kung saan at paano isasagawa ang kanilang unang misyon. Malinaw ang mensaheng kanilang ipahahayag: “Malapit na ang kaharian ng langit.” [1]

Ang tagubilin na ipahayag ang ipinagkatiwalang mensahe “samantalang sila’y naglalakbay” ay nagbibigay-diin sa dalawang bagay. Una sa lahat, ang mga tunay na alagad ay nagpapahayag na malapit na ang Kaharian ng Diyos, ngunit totoo rin na ang kanilang ugnayan, habang sama-sama silang sumusulong, ay kailangang magpatotoo sa mensaheng ito. Sa katunayan, sa Mabuting Balita ayon kay San Juan, kasunod ng paghahatid ng bagong utos, sinabi ni Hesus: “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa.” [2]

“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ […] Tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay rin nang walang bayad.”

Ang “kaharian ng langit” ang sentro ng mensahe ni Hesus. Ang katulad na pananalita na “kaharian ng Diyos” ay ginamit sa Lumang Tipan upang ipahiwatig ang pagkapanginoon, pamamahala, at pagliligtas ng Diyos sa kasaysayan ng tao. Siya ang naghahari sa mundo, lalo’t higit sa bayan ng Israel, na naghihintay sa isang inapo ni Haring David na magpapanumbalik ng natatanging posisyon ng Israel sa mga bansa. Sa Bagong Tipan, si Hesus mismo ay inihaharap bilang isang inapo ni David at samakatuwid ay hari. Hindi tulad ng isang kaharian sa lupa, ang “kaharian ng langit” ay isang kaharian ng kapayapaan at katarungan, kung saan ang pag-aalaga sa mga nangangailangan, ang kapatawaran at pagkakasundo ay naghahari, at nagdadala ng buhay at liwanag sa lahat ng mga bansa. Ito ay isang kaharian na nagsimula na sa mundo at sa mga puso ng mga tao ngunit lubos na maisasakatuparan lamang sa pagbabalik ni Hesus.

“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ […] Tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay rin nang walang bayad.”

Ipinahayag ni Hesus na ang kaharian ay malapit na, nalalapit na. Sa mga talinghaga, tulad ng tungkol sa buto ng mustasa o sa lebadura na nagpapaalsa sa buong masa, nauunawaan natin na ito’y lumalago sa tahimik at mahiwagang paraan ngunit lubos na matibay sa paglipas ng panahon.

Ang salitang “malapit” ay mayroon ding kahulugang pang-espasyo. Kapag ang mga alagad, na dala ang espiritu ng presensya ni Hesus, ay lumalapit, ang kaharian ng Diyos ay papalapit, at sa pagkakataong ito, sa Mabuting Balita ayon kay Marcos, sinabi ni Hesus sa eskriba, “Hindi ka nalalayo sa kaharian ng Diyos. [3] Malamang ang ibig niyang sabihin ay hindi lamang “Nagsimula ka nang makaunawa” kundi “Hindi ka malayo sa akin.”

“Sa inyong paghayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ […] Tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay rin nang walang bayad.”

Ang salitang “malaya” ay isinalin mula sa isang salita na sa orihinal na Griyego ay nangangahulugang “bilang isang kaloob.” Itinatampok nito na ang natanggap ng mga apostol ay hindi ibinigay sa kanila dahil karapat-dapat sila rito. Ang pinagmulan ay ang pagkabukas-palad ng Diyos at ang katotohanan na sila ay pinili para sa isang natatanging misyon.

Isinulat ni Chiara Lubich: “Samakatuwid ang kaharian ng Diyos ay dapat tanggapin. Ito’y isang kaloob na ibinibigay sa iyo ng Diyos. Sa katunayan, walang pagsisikap ng tao, walang pagsisikap na gumawa ng mahigpit na pagpepenitensiya, walang pag-aaral o pananaliksik na magpapahintulot sa iyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang Diyos mismo ang lumalapit upang salubungin ka, na nagpapakita ng Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang liwanag o kumikilos sa iyo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. At walang kang maaaring ipagmalaki o asahan upang maging karapat-dapat sa gayong kaloob mula sa Diyos. Ang Kaharian ay ibinibigay sa iyo nang walang bayad.” [4]

Tinatawag rin tayo na tanggapin ang kaloob na ito. Ngayon, inaanyayahan tayo na ipagpatuloy ang gawaing ipinagkatiwala ni Hesus sa mga apostol, upang ipahayag sa salita at gawa na malapit ang Kaharian. Tinatawag tayong ipahayag nang sama-sama, ang mensahe ng pag-asa sa bawat tao: mahal na mahal ng Diyos ang mundo at bawat isa sa atin.

Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

[1] Mateo 10:7-8.

[2] Juan 13:35.

[3] Marcos 12:34.

[4] Cf. C. Lubich, Words of Life, edited by Fabio Ciardi (Works of Chiara Lubich 5), New City, London 2022.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read