“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. Natutulog man siya o gumigising sa gabi‘t araw, sumisibol at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano.” (Marcos 4:26-27)
Nais ng Ebanghelyo ayon kay San Marcos na ibahagi ang mabuting balita na ipinahayag ni Hesus, at ang kaharian ng Diyos ay nasa pinakasentro nito.
Inilarawan ito sa isang maikling talinghaga sa pamamagitan ng paghahalintulad nito sa larawan ng isang binhi na, pagkahagis sa lupa, ay naglalabas ng puwersa ng buhay nito at namumunga.
Ngunit ano ang kaharian ng Diyos para sa atin ngayon? Ano ang pagkakapareho nito sa ating personal at sama-samang kasaysayan at ang patuloy ng pakiramdam na nakabitin tayo sa pagitan ng pag-asa at pagkabigo? Kung ito’y naihasik na, bakit hindi natin nakikita ang mga bunga nitong kapayapaan, katiwasayan at kaligayahan?
“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. Natutulog man siya o gumigising sa gabi‘t araw, sumisibol at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano.”
Hatid sa atin nitong Salita ng Diyos ang lubos na pagtitiwala ni Hesus sa plano ng Diyos para sa sangkatauhan: ‘… Dahil si Hesus ay dumating sa mundo at nagtagumpay laban dito, naririto na sa lupa ang kahariang ito, at nakatitiyak na tayo sa katuparan nito sa katapusan ng kasaysayan. Ang Simbahan ang komunidad ng mga mananampalataya sa kahariang ito at ang pundasyon nito.’ 1
Sa lahat ng tumatanggap sa Simbahan, ipinagkatiwala nito ang gawain ng paghahanda ng lupa upang matanggap ang kaloob ng Diyos at pahalagahan ang pag-asa sa pag-ibig nito.
‘… Sapagkat walang pagsisikap ng tao, walang paglimot sa sarili, walang pag-aaral o pananaliksik na magbibigay sa iyo ng karapatang makapasok sa Kaharian ng Diyos. Ang Diyos mismo ang dumarating upang salubungin ka, na nagpapakita ng Kanyang sarili sa Kanyang liwanag at umaantig sa iyong puso sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.
‘At walang kabutihan o galìng na maaari mong ipagmalaki o maaasahan na magagawa kang karapat-dapat sa gayong kaloob ng Diyos. Ang kaharian ay malayang iniaalay sa iyo. 2
“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. Natutulog man siya o gumigising sa gabi‘t araw, sumisibol at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano.”
Binabanggit sa talinghaga ang pagsasabog ng binhi. Sa madaling salita, hindi ang pagkapit dito; bagkus ang paghasik nito sa isang malawak na lugar. ‘Sa gabi’t araw’: ang kaharian ay lumalago nang tahimik, kahit sa kadiliman ng gabi.
Maaari rin nating hilingin araw-araw, ‘Magsimula nawa ang iyong Kaharian.’
Hindi kailangang palaging suriin ng magsasaka ang binhi ngunit kailangang matiyaga siyang maghintay sa pagkilos ng kalikasan.
Itong Kataga ng Buhay ay nagtuturo sa atin na magtiwala sa kapangyarihan ng pag-ibig na magbubunga sa sarili nitong panahon. Itinuturo nito sa atin ang sining ng matiyagang pagsama’t pagpatnubay sa anumang maaaring lumago sa kanyang sarili, na hindi nag-aalala sa kahihinatnan nito; ito’y nagpapalaya sa atin upang tanggapin ang ibang tao sa kasalukuyang sandali, na pinahahalagahan ang kanyang kakayahan habang iginagalang ang takdang panahon nito.
‘… Isang buwan bago ang kanyang kasal, tumawag sa amin ang anak naming lalaki. Lubos ang kanyang pangangamba dahil ang kanyang kasintahan ay nagsimulang gumamit muli ng droga. Humingi siya ng payo kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi namin alam kung ano ang sasabihin namin sa kanya. Maaari sana naming samantalahin ang sitwasyon at kumbinsihin siyang iwan na lang ang babaeng iyon ngunit napagtanto naming hindi ito tama. Kaya iminungkahi namin na sundin niya ang sinasabi ng kanyang puso … Sumunod ang mahabang katahimikan. Pagkaraa’y sinabi niya, ‘Sa tingin ko’y maaari pa akong magmahal pa.’ Pagkatapos ng kanilang kasal, nakatagpo sila ng mahusay na rehabilitation center na tumutulong sa mga bumibisitang pasyente. Labing-apat na buwan ang lumipas kung saan nagawa niyang tuparin ang kanyang pangako na ‘huwag gumamit ng droga.’ Ito’y isang mahabang lakbayin para sa lahat, ngunit ang pagmamahal sa Mabuting Balita na sinisikap naming dalawang isabuhay – kahit na may mga pagkakataong kami’y luhaan – ito ang nagbibigay sa amin ng lakas na mahalin ang aming anak sa sitwasyong ito. Marahil ito’y isang pag-ibig na nakakatulong sa kanya upang maunawaan kung paano mahalin ang kanyang asawa.’
Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
1 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Agosto 1983
2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 1979


