Home2024July“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.” (Awit 23:1)"

“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.” (Awit 23:1)”

Sa Tuwina’y Kasama Ka

Ang susi sa pagbibigay-kahulugan sa talatang ito ay nasa bahagi kung saan mababasa natin “sapagkat ika’y kasama ko” (Awit 23:4). Tinutukoy nito ang katiyakan sa pag-ibig ng isang Diyos na lagi tayong sinasamahan at nagbibigay-daan upang magkaroon tayo ng kakaibang pamumuhay.

Ang ika-23 Awit ay isa sa pinakakilala at pinakatinatangi sa mga salmo. Ito’y isang awit ng pananalig at maligayang pagpapahayag ng pananampalataya ng isang kabilang sa bayan ng Israel. Sa pamamagitan ng mga propeta, nangako ang Panginoon na Siya ang magiging pastol nila. Ipinapahayag ng salmista ang kanyang kaligayahan dahil alam niyang ligtas siya sa Templo,1 isang kanlungan at pook ng biyaya. Subalit, humuhugot sa kanyang karanasan, nais niya ring hikayatin ang iba na magtiwala sa presensya ng Panginoon.

“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.”

Ang larawan ng pastol at ng kawan ay napakahalaga sa lahat ng panitikan sa Bibliya. Upang lubos na maunawaan ito, dapat nating isipin ang tigang at mabatong disyerto sa Gitnang Silangan. Marahang ginagabayan ng pastol ang kanyang kawan, sapagkat kung wala siya’y maaari silang maligaw at mamatay. Dapat matuto ang mga tupa na umasa sa kanya, na nakikinig sa kanyang tinig. Siya’y kasama nila sa tuwina.

“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.”

Inaanyayahan tayo ng awit na ito na patibayin ang ating ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng karanasan natin ng Kanyang pag-ibig. Maaaring magtaka ang ilan: Bakit nasabi ng may-akda na ‘hindi ako magkukulang’? Sa panahong ito, bahagi na ng buhay sa araw-araw ang mga problema at hamon sa kalusugan, pamilya, trabaho, at iba pa. At nariyan pa ang matinding pagdurusa na nararanasan ng napakarami nating mga kapatid dahil sa digmaan, mga epekto ng pagbabago ng klima, ang pangingibang-bayan, karahasan, at iba pa.

“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.”

Marahil ang susi sa pagbibigay-kahulugan sa talatang ito ay nasa bahagi kung saan mababasa natin “sapagkat ika’y kasama ko” (Awit 23:4). Tinutukoy nito ang katiyakan sa pag-ibig ng isang Diyos na lagi tayong sinasamahan at nagbibigay-daan upang magkaroon tayo ng kakaibang pamumuhay. Isinulat ni Chiara Lubich: “Isang bagay ang malaman na maaari tayong humingi ng tulong sa Diyos, na may habag sa atin, na tinubos tayo sa ating mga kasalanan, at isa pang bagay ang mabuhay at madama na tinatangi tayo ng Diyos, at dahil ito, ang maging malaya sa lahat ng takot na pumipigil sa atin, lahat ng kalungkutan, pangungulila at kawalan ng katiyakan sa buhay… Maaaring malaman ng mga tao na sila’y minamahal at manalig nang lubusan sa pag-ibig na ito. Maaari nilang ihabilin nang buong pagtitiwala ang kanilang sarili dito at sundin ito. Lahat ng nangyayari sa buhay, malungkot man o masaya, ay naliliwanagan sa pamamagitan ng pag-alam na ninais o pinahintulutan ng pag-ibig ang lahat ng ito.”

“Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang.”

Tinupad ni Hesus ang pagpapahayag na ito: sa Mabuting Balita ayon kay San Juan, hindi Siya nag-atubiling tawagin ang Kanyang sarili na ‘mabuting pastol.’ Personal at malapìt ang katangian ng mga pakikipag-ugnayan sa pastol na ito. “Ako ang mabuting pastol, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y kilala nila” (Juan 10:14-15). Sila’y inaakay Niya sa mga pastulan ng Kanyang Salita na búhay, lalo’t higit ang Salita na naglalaman ng mensaheng nakapaloob sa “bagong utos,” na, kung isasabuhay, “makikita” ang presensya ng Nabuhay na Mag-uli sa komunidad na natitipon sa Kanyang pangalan, sa Kanyang pag-ibig. 2

Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

1 Awit 23:6

2 Cf. Mateo 18:20

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read