Lahat Magagawa Kapag Siya’y Kapiling Natin
Kapag kasama ng mga tao ang Diyos at malayang sumusunod sa Kanya, walang imposible. Palalimin natin ang ating pananalig sa Diyos na maaaring kumilos kahit sa kabila ng ating mga limitasyon at kahinaan.
“Sapagkat walang imposible sa Diyos.” (Lucas 1:37)
Nasa kwento tayo ng Pagpapahayag ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos. Nagtungo ang anghel na si Gabriel kay Maria ng Nazaret upang ipaalam sa kanya ang mga plano ng Diyos para sa kanya: siya’y maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki, si Hesus, na “magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” [1] Ang kabanatang ito’y nagpapatuloy sa iba pang mga kaganapan sa Lumang Tipan na humantong sa kahanga-hangang panganganak ng mga baog o mga napakatandang kababaihan. Ang mga anak nila’y magkakaroon ng mahalagang gagampanan sa kasaysayan ng kaligtasan. Dito, si Maria, sa kabila ng pagnanais na malayang sumunod sa misyon ng pagiging ina ng Mesiyas, ay nagtataka kung paano ito mangyayari, dahil siya’y isang birhen. Siniguro ni Gabriel na hindi ito magiging gawa ng tao: “Papanaog sa iyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan.” [2] At idinagdag niya: “Walang imposible sa Diyos.” [3]
“Sapagkat walang imposible sa Diyos.”
Ang katiyakang ito, na nangangahulugang walang ipinahayag o ipinangako ang Diyos na hindi matutupad – dahil walang imposible sa Kanya – ay maaari ring sabihin sa ganitong paraan: Walang imposible kapag kasama natin ang Diyos. Sa katunayan, binibigyang-pansin nitong kahulugan ng katagang Griyego na ‘sumasaatin ang Diyos, o malapìt sa Diyos, o kasama ang Diyos,’ ang Kanyang pagiging malapìt sa tao. Kapag kasama ng mga tao ang Diyos at malayang sumusunod sa Kanya, walang imposible.
“Sapagkat walang imposible sa Diyos.”
Paano natin maisasabuhay itong Kataga ng Buhay? Una sa lahat, sa pamamagitan ng malalim na pananalig sa Diyos na maaaring kumilos kahit sa kabila ng ating mga limitasyon at kahinaan, gayundin sa mga pinakamadilim na katayuan sa buhay.
Ito ang karanasan ni Dietrich Bonhoeffer. Sa bilangguan bago siya pinahirapan, sinulat niya: “Kailangan nating ibabad ang ating sarili nang paulit-ulit sa buhay, pananalita, pagkilos, pagdurusa at pagkamatay ni Hesus upang makilala kung ano ang ipinangako at tinutupad ng Diyos. Nakakatiyak tayo […] na wala nang imposible para sa atin, dahil walang imposible para sa Diyos; […] tiyak na wala dapat tayong asahan ngunit maaari pa rin tayong humingi ng anuman; tiyak na ang ating kagalakan ay nakatago sa pagdurusa at ang ating buhay sa kamatayan… Nagsabi ang Diyos ng ‘oo’ at ‘amen’ sa lahat ng ito kay Kristo. Itong ‘oo’ at ‘amen’ ang matibay na lupang kinatatayuan natin.” [4]
“Sapagkat walang imposible sa Diyos.”
Sa pagsisikap na malampasan ang mukhang ‘imposible’ sa ating mga kakulangan at makamit ang ‘posibilidad’ ng isang buhay na umaalinsunod sa mga mataas na prinsipyo, malaki ang papel na ginagampanan ng komunidad. Umunlad ito noong isinabuhay ng mga alagad ang bagong utos ni Hesus at pinahintulutan ang kapangyarihan ng Panginoong muling nabuhay na manahan sa kanila, bilang mga indibidwal at bilang komunidad. Sumulat si Chiara Lubich noong 1948 sa isang grupo ng mga kabataang relihiyoso: “Sulong! Hindi sa pamamagitan ng ating munting lakas, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkakaisa. Nakita ko’t nahawakan, na ang Diyos na sumasaatin ay nakagagawa ng imposible: ang himala! Kung mananatili tayong tapat sa ating tungkulin […] makikita ng mundo ang Pagkakaisa, at kasama nito, ang kabuuan ng Kaharian ng Diyos.” [5]
Ilang taon na ang nakalilipas mula noong nanirahan ako sa Africa. Madalas ako noong makatagpo ng mga kabataan na nagnanais mamuhay bilang mga Kristiyano at nagsabi sila sa akin ng maraming paghihirap na kinakaharap nila araw-araw, upang manatiling tapat sa pananampalataya at sa mga turo ng Mabuting Balita. Ilang oras namin ito pinag-uusapan at, sa huli, pareho lagi ang aming nagiging konklusyon: ‘Imposible ito kung gagawin nang mag-isa ngunit, kung magkasama tayo, magagawa natin ito.’ Sinisigurado ito ni Hesus mismo noong ipinangako niya: “Kung saan ang dalawa o tatlo ay nagkakatipon sa aking pangalan (sa aking pag-ibig), naroon ako sa piling nila.” [6] At sa Kanya, lahat ay posible.
Augusto Parody Reyes at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Lucas 1:32.
[2] Lucas 1:35.
[3] Lucas 1:37.
[4] D. Bonhoeffer, Resistenza e resa, pinamatnugot. San Paolo, Cinisello Balsamo 1988, p. 474. Si Dietrich Bonhoeffer (1906-1945) ay isang teologo at pastor na Lutheran ng Alemanya, isang pangunahing tauhan sa pakikibaka sa Nazismo.
[5] C. Lubich, Early Letters. New City, New York 2012, p. 104.
[6] Cf. Mateo 18:20.


