Anong lungkot isipin na ang buhay ng maraming tao ay hindi nararanasan nang tunay! Hindi sila nabubuhay sapagkat hindi sila nakakakita. At hindi sila nakakakita dahil tinitingnan nila ang mundo, ang mga bagay, ang kanilang mga kamag-anak, at ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga sariling paningin.

 

Subalit upang makakita, sapat nang sundan ang bawat pangyayari, ang bawat bagay, ang bawat tao sa pamamagitan ng paningin ng Diyos. Tunay tayong nakakakita kung inilalagay natin ang ating mga sarili sa Diyos, kung nakikilala natin Siya bilang “Pag-ibig” at nananalig sa Kanyang pag-ibig at kung nakauunawa tayo tulad ng mga santo na, “Ang bawat bagay na niloloob o pinahihintulutan ng Diyos ay para sa ating pagpapakabanal.”

Samakatuwid, ang kagalakan at dalamhati, ang pagsilang at kamatayan, ang hapis at kasiyahan, ang kabiguan at tagumpay, ang mga pagtatagpo, ang mga pagkikilala, ang gawain, ang karamdaman, ang kawalang-hanapbuhay, ang mga digmaan at sakuna, ang mga ngiti ng mga bata, ang pagmamahal ng mga ina, ang bawat bagay, ang bawat bagay ay kasangkapan para sa ating kabanalan.

Sa paligid natin umiikot ang isang mundong binubuo ng iba’t ibang uri ng pamumuhay — isang mundo ng Diyos, isang mundo ng mga anghel, isang pangkapatirang mundo, isang kaibig-ibig na mundo, at kahit isang masamang mundo. Ang mga ito ay inihanda ng Diyos upang gawin tayong banal, ang ating tunay na layunin.

Ang bawat isa ay may pangunahing tungkulin sa daigdig na ito sapagkat ang batas ng bawat bagay ay pag-ibig.

Kailangan tayong magmahal para maging pantay ang banal at ang pantao sa ating buhay. Dapat tayong magmahal sapagkat ito ay kalooban ng Kataas-taasan. Kailangan nating mahalin ang Panginoon at ang ating mga kapatid, ang kalooban ng Diyos at ang mga bagay na pinahihintulot Niya. Batid man natin ito o hindi, ang iba ay gumagawa at kumikilos sa loob ng kanilang sariling mundo nang dahil sa pagmamahal sa atin.

Sa katunayan, ang bawat bagay ay nagsisilbi para sa kabutihan ng mga nagmamahal. Madalas, sa ating nanlalabo at nag- aalinlangang paningin, hindi natin nababatid na ang bawat isa ay nilikha bilang isang handog para sa atin, at tayo, bilang isang handog para sa iba.

Subalit ito ang katotohanan. Isang mahiwagang buklod ng pag-ibig ang nag-uugnay sa mga tao at bagay, pumapatnubay sa kasaysayan, nagpapasiya sa kapalaran ng bawat lahi at ng bawat tao, samantalang ginagalang nang lubusan ang kanilang kalayaan.

Pagkatapos ng mahabang panahon kung saan ipinaubaya na ng kaluluwa ang sarili sa Diyos at inaring sarili ang batas ng “pananalig sa pag-ibig,” ipinakikilala ng Diyos ang Kanyang sarili. Sa pagkakaroon ng panibagong paningin, nakikita ng taong ito na ang bawat pagsubok ay nagbubunga ng bago, na ang bawat pagsisikap ay sinusundan ng isang tagumpay, na ang bawat luha ay nagbibigay-daan sa isang bagong ngiti. Ito ay palagiang bago sapagkat ang Diyos ay Buhay, na nagpapahintulot ng pagdurusa, kasamaan, para sa isang nakahihigit na kabutihan.

Nauunawaan ng kaluluwa na ang daan ni Hesus ay hindi nagtatapos sa “daan ng krus” at sa kamatayan, kundi sa muling pagkabuhay at sa pag-akyat sa Langit.

Sa ganoong paraan, ang pantaong paraan ng pagkilala sa mga bagay ay lumilipas at nagiging walang kabuluhan. Hindi na nilalason ng kapaitan ang mga maiikling kasiyahan ng buhay dito sa lupa. Ang malungkot na kasabihan, “Walang rosas na walang tinik,” ay wala nang kahulugan sa kanyang kaluluwa. Dahil sa lakas ng rebolusyon ng pag-ibig kung saan inakit tayo ng Diyos, ang mismong kabaligtaran nito ay totoo: “Walang tinik na walang rosas.”

Chiara Lubich

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.