Kasama ang Espiritu sa Misyon
Dahil ginawa tayong mga anak sa Anak ng Diyos, samakatuwid, ang bokasyon natin ay tulad ng bokasyon ni Hesus: mula sa Ama, tayo’y tinatawag na bumalik sa Kanya, na inuulit ang Kanyang mga gawa at salita sa mundo, kasama ang biyaya ng Banal na Espiritu.
“Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” (Juan 20:21-22)
Matapos magpakita kay Maria Magdalena noong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, sa gabi ng araw ding iyon, nagpakita ang Nabuhay na Mag-uli sa Kanyang mga alagad. Ang kanilang reaksyon ay kagalakan, na pinayaman ng kapayapaan, ang tunay na kapayapaan na tanging Siya lamang ang makapagbibigay[1]: “Sumainyo ang kapayapaan” (v. 21). Ang kagalakan at kapayapaan ay mga bunga ng Espiritu.[2] Sa katunayan, agad na sinabi sa kanila ni Hesus: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo” (v. 22).
“Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”
Hindi lamang binigyan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang mga alagad para sa misyon gaya ng ibinigay ng Ama kay Hesus, sila’y “muling nilikha” at binago ang kanilang pagkatao. Ang paghinga ng Nabuhay na Mag-uli sa kanila ay katulad ng ginawa ng Maykapal sa taong hinubog mula sa alabok ng lupa.[3] Kung paanong ang sanilikha ang patuloy na pagkilos ng pag-ibig ng Ama na nagpapanatili sa buong sansinukob, sa ganitong paraan, ang bagong sanilikhang gawa ng Nabuhay na Mag-uli sa Banal na Espiritu ang patuloy na umaalalay sa sangkatauhan sa paglalakbay nito patungo sa Kaharian ng Diyos.
Ang Kataga ng Buhay ngayong buwan ay nagpapaalala sa atin na mayroon tayong pagkakataong maging katulad ni Hesus. Totoo ito para sa bawat isa sa atin, ngunit lalo’t higit bilang isang komunidad. Nakikipag-usap si Hesus sa lahat ng Kanyang mga alagad: tanging sa pagiging sama-sama lamang ng lahat ng mga kasapi, kasama ang kanilang mga partikular na katangian, nila mabubuo ang katawang mistiko ni Hesus.
“Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”
Dahil ginawa tayong mga anak sa Anak ng Diyos, samakatuwid, ang bokasyon natin ay tulad ng bokasyon ni Hesus: mula sa Ama, tayo’y tinatawag na bumalik sa Kanya, na inuulit ang Kanyang mga gawa at salita sa mundo, kasama ang biyaya ng Banal na Espiritu. Kung bubuksan natin ang ating sarili sa kaloob na ito, maaari rin nating sabihin tulad ni San Pablo: “Hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin.” [4]
Samakatuwid, inaanyayahan tayo nitong Kataga ng Buhay na palalimin ang ating ugnayan sa Banal na Espiritu, sa panalangin man o sa pang-araw-araw na buhay, na “nakikinig sa Kanyang tinig,” at ipinapaalala sa atin na: “Kung wala ang Banal na Espiritu, ang Diyos ay malayo, si Kristo’y nananatili sa nakaraan, ang Mabuting Balita’y isang bagay na wala nang halaga, ang Simbahan ay isang samahan lamang, ang misyon ay balitang may kinikilingan. Ngunit kasama ang Banal na Espiritu, ang sansinukob ay itinataas at umuulong sa pagbuo ng Kaharian, si Kristong muling nabuhay ay narito, ang Mabuting Balita’y isang puwersa ng buhay, ang Simbahan ay isang pakikipag-isa sa buhay ng Banal na Santatlo, ang misyon ay isang Pentekostes.” [5]
“Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”
Si Andres ay isang binatang nasa gitna ng isang krisis kung saan pakiramdam niya’y walang saysay ang kanyang buhay: mga pagdududa tungkol sa kahulugan ng buhay, mga takot tungkol sa hinaharap, at mga kahinaan na kanyang nararanasan, ang mga ito’y tila mga bundok na hindi malalampasan, at madalas siyang nasisiraan ng loob at nalulungkot. May nagmungkahi na kausapin niya si Chiara Lubich tungkol dito. Ilang sandali bago niya ito makatagpo, narinig ni Andres si Chiara na binubulong ang mga salitang “Banal na Espiritu” – at napagtanto niyang nananalangin si Chiara.
Sa panahon ng pag-uusap, naramdaman niyang lubos siyang nauunawaan, pinakikinggan, at tinatanggap kung sino siya. At nakatagpo siya ng kapayapaan: hindi dahil biglang nawala ang kanyang mga problema, kundi dahil ngayon mayroon na siyang mababahaginan ng mga ito.
“Mula kay Chiara, hindi lamang ako nakatanggap ng konkretong tulong,” pinagtapat niya pagkalipas ng ilang taon,” natuto rin ako ng isang istilo: ang maging malapít sa mga nagdurusa, nang may pag-iingat at pag-unawa, nang walang paghuhusga, tulad ng gagawin ni Hesus.”
Tanging ang Banal na Espiritu ang makakagawa nito, kung tatanggapin natin Siya at hahayaang kumilos sa atin.
Claudio Cianfaglioni at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Cf. Juan 14:27.
[2] “Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga…” (Galacia 5:22).
[3] Cf. Genesis 2:7.
[4] Galacia 2:20.
[5] Ignatius, Orthodox metropolitan ng Laodicea, Ikatlong Pagpupulong ng World Council of Churches, 5 Hulyo 1968, binanggit ni Papa Francisco sa kanyang Homiliya sa Dakilang Kapistahan ng Pentecostes, 31 Mayo 2020.


