Home2021Mga Gawang Tumatagal

Mga Gawang Tumatagal

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw, at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Kung isinasabuhay mo ang kasalukuyan, at isinasabuhay mo ito nang mabuti, nakagagawa ka ng mga gawang tumatagal, kahit na nakipag-usap ka lamang sa isang tao o sa isang klase ng mga tao. Sa pakikitagpo mo sa isang tao o sa isang grupo lamang, nakakatagpo mo ang buong sangkatauhan. Katulad ng mahusay na paggawa natin ng isang partikular na gawain, tinutupad natin ang buong kalooban ng Diyos. Lubos kang nasisiyahan sa pagdanas nito, dahil niyayakap mo ang kawalang-hanggan.

Nangangahulugan ito ng mabuting paggawa ng ninanais ng Diyos sa kasalukuyan, at ng paggawa nito gaya ng nais mangyari ng Diyos, ayon sa kanyang sistema at mga layunin. Halimbawa, kung naghahanda ka ng talumpati sa harap ng publiko, gawin mo ito gamit ang lahat ng tulong ng Espiritu Santo na nasa iyo. Pagkatapos, imungkahi mo ito sa iyong mga kaibigan sa paraang namamayani ang pagmamahal sa isa’t isa. Maging mapagpakumbaba at handang ‘kalimutan’ ang iyong ideya upang ito ay ‘mamatay,’ mabulok, at muling isilang mula sa pagkakaisa… Sa ganitong paraan, ang iyong mga salita ay mananatili at magbubunga. At anumang bagay na sa ibang paraan ay maaaring makagawa ng mabuti sa isang tao at mawala pagkatapos, ay makakabuti sa marami at magpapatuloy na gawin ito.

Ang pagsasabuhay ng kasalukuyan sa ganitong paraan ay nagbibigay ng katangian ng kaganapan, dahil ito ay naaayon sa buhay ni Hesus sa atin. Siya na nasa atin ang nakagagawa ng mga gawang nananatili.

Kung mapagtanto mo na hindi mo nagawa nang maayos o bahagya mo lang nagawa ang iyong parte, ihabilin mo ito sa puso ni Hesus nang may malaking pagtitiwala. Magkaroon ng kamalayan na anumang sandali ay maaaring huling sandali na natin (at na maaaring kailanganin nating iwan ang mga bagay na hindi natin nagawa nang mabuti). Ngunit pakatandaan mo na nais lamang ni Hesus na mahalin ka at sa mga konkretong paraan. Handa siyang punan ano man ang kulang, patawarin ang ating mga pagkakamali at itago ito sa iba. Tulad ng gagawin ng isang ina, at higit pa!

Kaya kahit na sa kasong ito, makatitiyak ka: nagawa na ang lahat; natupad na ang lahat.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 54-55.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read