HomeKATAGA NG BUHAY“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo.” (Juan 13:34)

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo.” (Juan 13:34)

Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa Huling Hapunan. Siya’y nasa hapag-kainan kasama ng kanyang mga alagad at katatapos lamang Niyang hugasan ang kanilang mga paa. Makalipas ang ilang oras, siya’y aarestuhin, hahatulan ng kamatayan, at ipapako sa krus. Kapag kakaunti lang ang oras at malapit na ang katapusan, sinasabi ang mga pinakamahalagang bagay, at ang isang tao ay nag-iiwan ng kanyang “habilin.”

Sa Mabuting Balita ayon kay San Juan, walang salaysay tungkol sa pagtatag ng Eukaristiya sa Huling Hapunan. Sa halip, ang paghuhugas ng mga paa ang mababasa natin. Nagbibigay ito ng natatanging liwanag sa ating pagkaunawa sa bagong utos. Ginagawa muna ni Hesus ang isang bagay bago Niya ito ituro, at dahil dito, may kapangyarihan ang Kanyang salita.

Nasa Lumang Tipan na ang utos na ibigin ang kapwa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili” (Lev 19:18). Gayunpaman, itinatampok dito ni Jesus ang isang bagong aspeto ng utos na ito: ang pagiging tugunan o kapwa pagbibigayan. Sa katunayan, ang pagmamahal sa isa’t isa ang lumilikha sa Kristiyanong komunidad at ang kakaibang katangian nito.

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Nakaugat ang utos na ito sa buhay ng Diyos mismo, sa lubos na aktibong buhay at ugnayan sa Banal na Santatlo, kung saan nakikibahagi na ang lahat ng tao dahil sa Anak ng Diyos. Inilarawan ito ng tagapagtatag ng Focolare na si Chiara Lubich sa pamamagitan ng paggamit ng isang imahe na maaaring makatulong sa atin upang maunawaan ito: “Nang pumarito si Hesus sa lupa, hindi siya nagmula sa wala gaya ng bawat isa sa atin; nanggaling Siya sa langit. At kung paano nakikibagay ang mga nangingibang-bayan sa kanilang bagong kapaligiran (ngunit dinadala rin ang kanilang mga sariling kaugalian at madalas patuloy na nagsasalita sa kanilang sariling wika), gayon din, nakibagay si Hesus sa buhay dito sa lupa ngunit – dahil siya ay Diyos – dinala niya ang buhay ng Banal na Santatlo sa lupa, at ang buhay na iyon ay ang pagmamahal sa isa’t isa.”1

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Dito tayo pumapasok sa pinakabuod ng mensahe ni Hesus at binabalik tayo nito sa bagong buhay na naranasan ng mga unang Kristiyanong komunidad at na maaari pa ring maging tanda ng lahat ng mga grupo’t samahan natin ngayon. Sa isang kapaligiran kung saan ang mga ugnayang tugunan ay isang buhày na katotohanan, naiintindihan natin ang kahulugan ng ating buhay, nakatatagpo tayo ng lakas upang magpatuloy sa oras ng hirap at pagdurusa, sinusuportahan tayo sa mga di-maiwasang paghihirap sa buhay, at nararanasan natin ang kagalakan.

Napakaraming hamon ang kinakaharap natin araw-araw: ang pandemya, ang pagkakahati ng lipunan, kahirapan, at tunggalian. Isipin natin sandali kung ano ang mangyayari kung maisasabuhay natin ang Kataga ng Buhay na ito sa araw-araw. Makakakita tayo ng mga bagong pagkakataon sa hinaharap, at maihahayag ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan, na nagbibigay sa atin ng pag-asa. Walang makapipigil sa atin na muling gisingin ang Buhay na ito sa atin, at muling pasiglahin ang mga ugnayan sa lahat ng kapatid natin sa buong mundo.

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Si Marta ay isang kabataang boluntaryo na tumutulong sa mga bilanggo na nag-aaral para sa mga pagsusulit sa unibersidad. “Sa unang pagkakataong pumasok ako sa bilangguan, nakilala ko ang mga taong may takot at kahinaan. Sinubukan kong bumuo ng isang ugnayan sa kanila na sa simula’y propesyonal ngunit nakikipagkaibigan din, at nakabatay sa paggalang at pakikinig. Di nagtagal, napagtanto ko na hindi lamang ako ang tumutulong sa mga bilanggo kundi ako mismo ay tinutulungan din nila. Minsan, noong naghahanda ang isa sa mga estudyante ko para sa pagsusulit, may namatay sa pamilya ko, at ang paghatol sa aking estudyante ay kinumpirma ng korte. Pareho kaming labis na nalungkot. Sa mga aralin namin, naramdaman ko ang sakit na kanyang pinagdadaanan, na naibahagi niya sa akin. Sama-samang dala ang bigat ng paghihirap na iyon, nagawa naming magpatuloy. Matapos ang pagsusulit, lumapit siya sa akin upang magpasalamat. Sinabi niya na hindi niya iyon magagawa kung hindi ko siya sinamahan. Kung sa isang banda, natapos ang isang buhay sa aming pamilya, sa kabilang banda naman, nadama kong isang buhay ang nailigtas ko. Napagtanto ko na ang ugnayang tugunan ay nakalilikha ng mga tunay na relasyon ng pagkakaibigan at paggalang.”2

Letizia Magri

1 C. Lubich, “Mary: The Transparency of God.” New York: New City Press, 2003

2 Cf. http://www.unitedworldproject.org/workshop/unesperienza-al-di-la-delle-sbarre-relazioni-di-cura-reciproca/

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read