Home2022“At patawarin mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad namin...

“At patawarin mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” (Mt 6:12)

Maaring nasaktan tayo ng mga kasama natin – sa ating pamilya, sa ating barangay, sa trabaho o sa paaralan – at mahirap ibalik ang magandang ugnayan sa kanila. Ano ang maaari nating gawin? Dito tayo maaaring humiling ng biyaya upang tularan ang ating Ama.

Ang Kataga ng Buhay para sa buwang ito ay hango sa panalanging itinuro ni Hesus sa kanyang mga alagad, ang Panalangin ng Panginoon. Ito ay isang panalangin na malalim na nakaugat sa tradisyon ng mga Hudyo. Tinatawag din ng mga Hudyo ang Diyos na ‘Ama Namin.’

Sa unang pagbasa, tila mapanghamon ang mga salita sa pahayag na ito: Maaari ba nating hilingin sa Diyos na patawarin ang ating mga pagkakasala (gaya ng ipinapahiwatig sa salitang Griyego) katulad ng kakayahan nating magpatawad sa sinumang may pagkukulang sa atin? Ang kakayahan nating magpatawad ay laging limitado, mababaw, at may kondisyon.

Kung tratatuhin tayo ng Diyos batay sa pamantayan natin, tiyak na tayo ay parurusahan!

“At patawarin mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.”

Ito’y mahahalagang salita na nagpapahayag, higit sa lahat, ng kamalayan sa pangangailangan natin ng kapatawaran ng Diyos. Si Hesus mismo ang nagbahagi nito sa kanyang mga alagad, at samakatuwid, sa lahat ng mga binyagan, upang sa pamamagitan nito taos-puso silang makabalik sa Ama.

Ang lahat ay nagmumula sa pagkatuklas sa ating pagiging mga anak sa Anak [ng Diyos], mga magkakapatid at mga tumutulad kay Hesus na Siyang unang gumawa sa Kanyang buhay bilang isang paglalakbay na isang patuloy na nagiging ganap na pagsunod sa mapagmahal na kalooban ng Ama.

Pagkatapos lang ng pagtanggap sa walang hangganang pag-ibig na kaloob ng Diyos natin maaaring hilingin ang lahat sa Ama. Maaari pa nga nating hilingin sa Kanya na gawin tayong higit na katulad Niya at, taglay ang pusong bukas-palad, magkaroon ng kakayahang patawarin ang ating mga kapatid, araw-araw.

Bawat pagpapatawad natin ay isang malaya at may kamalayang desisyon, na dapat laging pinapagpanibago nang may pagpapakumbaba. Hindi ito kailanman isang nakaugalian, bagkus isang landas na mahirap tahakin, kung kaya’t sinabi ni Hesus na ipanalangin ang pagpapatawad tulad ng iba nating pangangailangan sa araw-araw.

“At patawarin mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.”

Sa napakaraming pagkakataon, maaaring nasaktan tayo ng mga kasama natin – sa ating pamilya, sa ating barangay, sa trabaho o sa paaralan – at mahirap ibalik ang magandang ugnayan sa kanila. Ano ang maaari nating gawin? Dito tayo maaaring humiling ng biyaya upang tularan ang ating Ama:

“Bumangon tayo sa umaga na may ganap na “paglimot” sa ating puso, na may pag-ibig na tinatakpan ang lahat, na marunong tumanggap sa ibang tao, sino o ano man siya, kasama ang kanyang mga limitasyon, ang kanyang mga paghihirap, tulad ng gagawin ng isang ina sa kanyang anak na nagkamali: laging pinagbibigyan, laging pinatatawad, laging umaasa sa kanya… Lapitan natin ang bawat isa nang may bagong pagtingin, na para bang wala silang nagawang pagkakamali. Magsimula tayong muli sa bawat pagkakataon, batid na ang Diyos ay hindi lamang nagpapatawad, ngunit kinakalimutan ang lahat: ito rin ang pamantayang hinihiling niya sa atin.”1

Sa tulong ng panalanging may lubos na pagtitiwala sa Diyos, maaari tayong maglakbay patungo sa matayog na layuning ito.

“At patawarin mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.”

Makikita sa buong Panalangin ng Panginoon, ang Ama Namin, ang pananaw ng kapatiran. Sa katunayan, ‘tayo’ ang nananalangin. Hindi lamang ako humihingi para sa aking sarili kundi para sa iba at kasama ang iba. Ang pagmamahal ng iba ang nagbibigay-lakas sa aking kakayahang magpatawad, ngunit ang aking pagmamahal ay maaaring maapektuhan ng mga pagkakamaling nagawa ng aking kapwa. Marahil ito rin ay nakasalalay sa atin – marahil hindi ko pa nagawa ang lahat ng aking makakaya upang madama ng ibang tao na siya’y tinatanggap at nauunawaan…

Sa lungsod ng Palermo sa Italya, maraming karanasan ang mga Kristiyanong komunidad sa pakikipagtulungan, at pakikipag-usap at pakikinig sa isa’t isa, na nangangailangan ng paglampas sa iba’t ibang balakid. Ibinahagi ito nina Biagio at Zina: “Isang araw, inanyayahan kami ng isang kaibigang pastor sa tahanan ng ilang pamilya na kasapi sa kanilang Simbahan na hindi pa kami kilala. May dala kaming mapagsasaluhan para sa tanghalian ngunit nadama namin mula sa mga pamilyang iyon na hindi kami tanggap. Malugod silang inalok ni Zina na tikman ang espesyal na niluto niya at, sa huli, sabay-sabay kaming kumain. Pagkatapos mananghalian, sinimulan nilang banggitin sa amin ang mga kamaliang nakita nila sa aming Simbahan. Dahil di namin nais makipagtalo sa kanila, tinanong namin sila kung anong mga depekto o pagkakaiba sa pagitan ng aming mga Simbahan ang makahahadlang sa amin upang mahalin ang isa’t isa? Nasanay ang grupo sa patuloy na pagpuna at pagkondena kaya naman namangha at napayapa sila sa ganoong sagot. Nagsimula kaming mag-usap tungkol sa Mabuting Balita at kung ano ang nagbubuklod sa amin, at tiyak na ito’y higit pa sa anumang naghihiwalay sa amin. Nang oras na para magpaalam, ayaw na nila kaming paalisin. Sa puntong iyon, iminungkahi namin ang pagdarasal ng Panalangin ng Panginoon, kung saan naramdaman namin ang malakas na presensya ng Diyos. Hiniling nila na bumisita kami muli dahil nais nilang makilala namin ang iba pang kasapi sa kanilang komunidad, at ilang taon na naming ginagawa ito.”

Letizia Magri


1 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Disyembre 2004

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read