Home2021“Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (Mateo...

“Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (Mateo 9:22)

Sa kanyang pananampalataya, ipinapakita ng tao na hindi siya umaasa sa sarili lamang, bagkus nagtitiwala siya sa Isang higit na makapangyarihan sa kanya...

Naglalakad si Hesus at napapaligiran ng maraming tao. Isang ama na wala nang ibang mapupuntahan ang nagsumamo sa Kanya na tulungan ang kanyang anak na babae na nasa bingit ng kamatayan. Habang nasa daan, mayroon Siyang nakatagpo: isang babaeng ilang taon nang inaagasan ng dugo na nagpilit na makadaan sa maraming tao. Malubha ang kanyang kalagayan at dahil dito, bihira na niyang makasalamuha ang kanyang pamilya at ibang tao. Hindi nagsalita ang babae, hindi niya tinawag si Hesus. Ngunit lumapit sa likuran ni Hesus ang babae at naglakas-loob na hawakan ang laylayan ng Kanyang damit. Malinaw ang nais niyang gawin: “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako [sa karamdamang nagpapahirap sa akin].”

Dahil dito, lumingon si Hesus, tiningnan siya at pinanatag ang kalooban: nakamit niya ang kaligtasan dahil sa kanyang pananampalataya. Hindi lamang ang mabuting pangangatawan ang nakamit niya. Ang titig ni Hesus ay nagbunga sa isang pakikipagtagpo sa pagmamahal ng Diyos.

“Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Sa di-inaasahang paraan, ang kabanatang ito mula sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo ay nagpapalawak sa ating pananaw: Ang Diyos ay laging patungo sa atin, subalit hinihintay din Niya na tayo ang gumawa ng unang hakbang upang di natin palampasin ang pagkakataon na makatagpo Siya. Ang ating paglalakbay sa pananampalataya, bagama’t masalimuot at puno ng pagkakamali, kahinaan at kabiguan, ay mayroong dakilang halaga. Siya ang Panginoon ng tunay na Buhay na nagnanais magbahagi ng buhay na ito sa ating lahat na Kanyang mga anak. Sa Kanyang mga mata, tayo’y puspos ng karangalan na di kayang pigilan ng anumang pangyayari. Dahil dito, sinasabi rin ni Hesus sa atin ngayon:

“Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Sa pagsasabuhay ng Katagang ito, matutulungan tayo ng sinulat ni Chiara Lubich, ang nagtatag ng Focolare, sa kanyang pagninilay sa mismong Katagang ito: “Sa kanyang pananampalataya, ipinapakita ng tao na hindi siya umaasa sa sarili lamang, bagkus nagtitiwala siya sa Isang higit na makapangyarihan sa kanya… Tinawag ni Hesus na “anak” ang babaeng pinagaling Niya upang ipakita na nais Niyang biyayaan ito hindi lamang ng mabuting pangangatawan ngunit pati rin ng buhay ng Diyos na kayang pagpanibaguhin siya nang lubusan. Sa katunayan, gumagawa si Hesus ng mga himala upang matanggap ng tao ang kaligtasang hatid Niya. Kinakatawan Niya ang pagpapatawad na kaloob ng Ama, na sa pagpapahayag nito sa tao, ay nagpapanibago sa kanya.

“Paano natin isasabuhay ang Katagang ito? Sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pagtitiwala sa Diyos sa tuwing nahaharap tayo sa matitinding pagsubok. Subalit hindi ito nangangahulugang wala na tayong dapat gawin o kaya’y inaalis na sa atin ang paggawa ng ating parte… Dito masusubok ang ating pananampalataya. Kitang-kita ito sa babaeng naghihirap na nagawang lampasan ang lupon ng mga taong humaharang sa kanya patungo sa Panginoon… Dapat tayong manalig, isang pananalig na hindi nag-aalinlangan sa harap ng mga pagsubok. At muli, ipakita natin kay Hesus na naunawaan natin ang kadakilaang hatid ng kaloob Niya, ang buhay ng Diyos, pasalamatan Siya, at mabuhay ng naaayon dito.”[1]

“Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Hinahayaan tayo nitong pagiging panatag sa Diyos na maghatid ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘haplos’ ng pagmamahal sa mga nagdurusa, sa nangangailangan, sa mga nasa kadiliman, at sa mga naliligaw ng landas.

Ito ang nangyari sa isang ina sa Venezuela na nakatagpo ng lakas para magpatawad: “Wala na akong mahanapan ng tulong nang dumalo ako sa isang pagpupulong ukol sa Mabuting Balita kung saan narinig ko ang mga salita ni Hesus: ‘Mapapalad ang mga tagapamayapa, tatawagin silang mga anak ng Diyos’[2] at ‘Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway.’[3] Mahalin ang kaaway? Paano ko mamahalin ang pumatay sa aking anak? Subalit may naipunla na sa akin at, sa huli, nanaig ang desisyong magpatawad. Ngayon, matatawag ko na ang aking sarili na ‘anak ng Diyos.’ Kamakailan lang, pinatawag ako upang harapin ang pumatay sa aking anak matapos itong madakip. Di naging madali sa akin ito, subalit sinagip ako ng grasya ng Diyos. Walang nang galit o poot sa aking puso; sa halip, isang malaking pagkahabag na lamang at ang hangaring ipagkatiwala siya sa awa ng Diyos.”

Letizia Magri


[1] Chiara Lubich, Kataga ng Buhay, Hulyo 1997

[2] Cf. Mateo 5:9

[3] Cf. Lucas 6:35

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read