Home2023“Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan.” (Isaias 1:17)

“Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan.” (Isaias 1:17)

Kung walang pag-ibig, hindi magkakaroon ng tunay na katarungan, ang mga pag-aaring materyal ay hindi maibabahagi sa pagitan ng mayaman at mahirap, at hindi mabibigyan ng pansin ang buhay at ang mga pangangailangan ng bawat tao.

Ang Kataga ng Buhay para sa buwan ng Enero ay hango sa unang kabanata ng aklat ni propeta Isaias. Ang pangungusap na ito ay pinili para sa Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano, na ipinagdiriwang sa buong hilagang parte ng mundo mula ika-18 hanggang sa ika-25 ng Enero. Ang mga salitang ito ay inihanda ng isang grupo ng mga Kristiyano mula sa Minnesota, USA.1 Ang katarungan ay isang mainit na paksa. Ang hindi pagkakapantay-pantay, karahasan at diskriminasyon ay lumalala sa isang lipunan na nahihirapang sumaksi sa isang kultura ng kapayapaan at pagkakaisa.

Ngunit ang panahon ni Isaias ay hindi gaanong naiiba sa atin. Ang mga digmaan, ang mga himagsikan, ang paghahangad ng kayamanan at kapangyarihan, ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at ang pagwawalang-bahala sa mga mahihirap ay humantong sa pagkaligaw ng bayan ng Israel. Gumamit ang propeta ng matitinding salita para tawagin ang kanyang bayan na bumalik sa landas ng pagbabalik-loob sa Diyos at ituro ang daan patungo sa pagbabalik sa orihinal na diwa ng tipang ginawa ng Diyos kay Abraham.

“Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan.

Ano ang ibig sabihin ng matutong gumawa ng mabuti? Kailangan nating maging bukas para matuto, bukas sa pagbabago, at nangangailangan ito ng pagsisikap natin. Bawat araw, mayroon laging dapat unawain o pagbutihin: Maaari tayong magsimulang muli kung tayo’y nagkamali.

Ano ang ibig sabihin ng paghahanap ng katarungan? Ito’y isang kayamanan na dapat nating hanapin at hangarin bilang layunin ng ating mga ginagawa’t kinikilos. Ang pagsasagawa ng katarungan ay tumutulong sa atin na matutong gumawa ng mabuti dahil nangangahulugan ito na mas nauunawaan natin ang kalooban ng Diyos, na siyang ikabubuti natin.

Nagbigay si Isaias ng mga konkretong halimbawa. Ang mga mahina, ang mga inaapi, ang mga ulila’t balo ang mga taong higit na tinatangi ng Diyos dahil hindi nila maipagtanggol ang kanilang sarili. Inaanyayahan ng Diyos ang Kanyang bayan na pangalagaan ang iba sa konkretong paraan, lalo na ang mga hindi kayang igiit ang kanilang mga karapatan. Ang mga gawaing panrelihiyon, ritwal, sakripisyo at panalangin ay hindi nakalulugod sa Kanya kung ang mga ito’y hindi naaayon sa paghahangad at pagsasabuhay ng kabutihan at katarungan.

“Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan.

Hinihimok tayo ng Kataga ng Buhay na ito na tumulong sa iba, maging sensitibo sa pinagdadaanan nila, at tugunan ang kanilang mga nangangailangan. Sa ating paglalakbay patungo sa pagbabalik-loob sa Diyos, kailangan nating buksan ang ating puso, isipan at mga kamay sa iba, lalo na sa mga nagdurusa.

“Ang pagnanais at paghahanap ng katarungan ay nakaukit, noon pa man, sa konsensya ng tao. Ang Diyos mismo ang naglagay nito sa ating mga puso. Ngunit sa kabila ng mga pagtatagumpay at pag-unlad na narating sa buong kasaysayan, kay layo pa rin natin sa pagsasakatuparan sa plano ng Diyos! Ang mga digmaang patuloy na nananalanta ngayon, tulad ng terorismo at tunggalian ng mga pangkat etniko, ay tanda ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at ekonomiya, kawalang-katarungan, at pagkapoot… Maaaring tila maayos ang mga personal na ugnayan, subali’t kung walang pagmamahal at paggalang sa indibidwal at kaukulang pansin sa kanyang mga pangangailangan, maaari rin itong maging masyadong nakatuon sa mga tuntunin at pamamaraan, at hindi lubusang natutugunan ang mga pangangailangan ng tao. Kung walang pag-ibig, hindi magkakaroon ng tunay na katarungan, ang mga pag-aaring materyal ay hindi maibabahagi sa pagitan ng mayaman at mahirap, at hindi mabibigyan ng pansin ang buhay at ang mga pangangailangan ng bawat tao.2

“Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan.

Ang mamuhay para sa isang mundong nagkakaisa ay nangangahulugang dalhin ang mga pasanin at hilumin ang mga sugat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng paggawa ng mga munting bagay na makatutulong sa pagbuo ng pamilya ng tao.

Isang araw, nakasalubong ni J. na taga-Argentina ang punong-guro ng paaralang dati niyang pinagtuturuan at ang naging dahilan kung bakit siya nawalan ng trabaho. Nang makilala siya ng punong-guro, sinubukan nitong lumayo, ngunit linapitan siya ni J. Kinumusta niya ito at pagkatapos, ikinuwento ng punong-guro ang kanyang mga pinagdadaanan: na siya’y nakatira na sa ibang lungsod at kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Nag-alok si J. na tulungan siya, at kinabukasan, ipinakalat niya sa kanyang mga kakilala na naghahanap siya ng trabaho para sa isang tao. Hindi nagtagal, nakatangap siya ng sagot. Nang matanggap ng punong-guro ang balita ng isang posibleng trabaho, halos hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig! Tinanggap niya ang trabaho na nagpapasalamat. Lubos na naantig ang kanyang damdamin dahil ang mismong tao na tinanggal niya sa trabaho noon ang nagkaroon pa ng malasakit sa kanya.

Pagkatapos, natanggap ni J. ang ‘makaisandaang’ gantimpala dahil, sa mga sandaling iyon, nakatanggap siya ng alok na dalawang trabaho na gusto na niya mula pa noong nagsimula siyang mag-aral sa unibersidad. Siya rin ay namangha at naantig sa konkretong pagmamahal na ito ng Diyos.3

Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Noong 2020, sa Minneapolis, Minnesota (USA), pinaslang si George Floyd. Ang trahedyang ito ay nagsimula ng isang kilusan para sa pag-aalis ng lahat ng uri ng diskriminasyon sa lahi.

2 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 2006

3 Hango sa Il Vangelo del giorno, Città Nuova, taon VIII, b. 1, Enero-Pebrero 2022

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read