Home2021“Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin” (Lc 6:36)

“Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin” (Lc 6:36)

Nagustuhang gamitin ng ebanghelistang si Lucas ang salitang “habag” upang bigyang-diin ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos.

Maaaring sabihin na, sa Banal na Kasulatan, ang salitang ito ay nagpapahayag ng maka-inang pagmamahal ng Diyos. Ipinapakita nito kung paano Niya nililingap ang Kanyang mga nilikha, itinataguyod, inaaliw, at walang sawa silang tinatanggap. Ayon kay propeta Isaias, ito ang pangako ng Panginoon sa Kanyang sambayanan, “Kung paanong inaaliw ng ina ang kanyang anak, gayon ko kayo aaliwin.”[1]

Ang habag ay isang katangiang kinikilala at ipinapahayag ng tradisyong Islam. Kasama sa siyamnapu’t siyam na Magagandang Pangalan ng Diyos, ang madalas na gamitin ng mga Muslim ay ang “Pinakamahabagin” at ang ‘’Pinakamaawain.”

Sa mga katagang ito ng Mabuting Balita, ipinapakita si Hesus na nagpapahayag ng isang walang takot at mapaghamong mungkahi sa harap ng maraming taong nagmula sa malalapit at malalayong bayan. Sinasabi Niya sa lahat na tularan ang Diyos Ama sa mahabaging pagmamahal nito.

Ngunit tila imposible at  mahirap maabot ang hangaring ito!

“Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Sa pananaw ng Mabuting Balita, kung nais nating tularan ang Ama, kailangan nating sundan si Hesus araw-araw at matutunan sa Kanya na maunang magmahal. Ito ang ginagawa ng Diyos sa atin.

Ito ang karanasan ni Bonhoeffer (1905-1945), isang teologong Lutheran: “Araw-araw, ang sambayanang Kristiyano ay umaawit, ‘Nakatanggap ako ng habag.’ Natanggap ko rin ang biyayang ito nang sarhan ko ang aking puso sa Diyos; noong ako ay naligaw at hindi matagpuan kung paano makabalik sa Kanya. At doon, sinalubong ako ng salita ng Panginoon. Naunawaan ko na mahal Niya ako. Natagpuan ako ni Hesus: Siya’ymalapit sa akin, Siya lamang. Inaliw Niya ako, pinatawad ang aking mga pagkakamali at hindi ako sinisi sa aking kasamaan. Noong ako ay Kanyang kaaway at kinalimutan ang Kanyang mga utos, itinuring Niya ako bilang kaibigan. Di ko maunawaan kung bakit ganoon na lang ako kamahal ng Panginoon, kung bakit ako ay mahalaga sa Kanya. Hindi ko maunawaan kung bakit Niya ninais at napagtagumpayang makuha ang aking puso sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal. Ito lang ang masasabi ko: ‘Nakatanggap ako ng habag.’”[2]

“Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Inaanyayahan tayo ng mga katagang ito na gumawa ng isang kapansin-pansing pagbabago sa ating buhay. Sa tuwing haharap tayo sa isang situwasyong makakasakit sa atin, sa halip na pairalin natin ang pagtanggi, ang di mapabubulaan ang paghusga o paghihiganti, maaari nating piliin ang pagpapatawad at habag.

Hindi naman sa ginagawa natin ito upang sumunod sa isang tungkulin kundi bilang pagtanggap sa paanyaya ni Hesus na lagpasan ang kadiliman ng pagkamakasarili tungo sa tunay na buhay ng pagkakaisa at magandang samahan. Matutuwa tayo sa pagtuklas na ang DNA (katangian) natin ay tulad din sa Ama, na hindi hinahatulan ang sinuman bagkus nagbibigay ng pangalawang pagkakataon at nagpapalawak ng pag-asa sa buhay.

Ang gayong pagpili sa pagpapatawad at habag ang maghahanda ng lupang pagtataniman ng kapatirang ugnayan kung saan lalago ang sambayanan tungo sa mapayapa at nakabubuo ng pamumuhay nang sama-sama.

“Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin”

Ito ang mungkahi ni Chiara Lubich, ang nagtatag ng Kilusang Focolare, kapag pinagninilayan ang mga kataga sa Mabuting Balita ayon kay Mateo[3] tungkol sa kaligayahan ng mga nagsasabuhay ng awa ng Diyos, “Ang habag at pagpapatawad ay mga paksang laganap sa buong Mabuting Balita… Ang habag ay ang pangunahing pamamaraan ng pagpapahayag ng pag-ibig, ng pagmamahal, ang siyang nagsasakatuparan nito at ginagawa itong ganap… Kaya’t sikapin nating isabuhay ang pagmamahal sa kapwa sa anyo ng habag sa lahat ng ating ugnayan. Ang habag ay pagmamahal na marunong tumanggap sa bawat kapwa, lalo na sa mga pinakadukha at labis na nangangailangan. Ito ay pagmamahal na walang sukat, sagana, pangkalahatan at kongkreto. Isang pagmamahal na nagiging tugunan na huling adhikain ng habag. Kung wala ito, magkakaroon lamang ng katarungan na bumubuo ng pagkakapantay-pantay ngunit hindi ng kapatiran… Kahit animo’y mahirap at mapangahas, tanungin natin ang ating sarili, sa harap ng bawat kapwa, ‘Paano makikitungo sa taong ito ang kanyang ina?’ Ito ang makatutulong sa atin upang maunawaan at magsabuhay ayon sa puso ng Diyos.”[4]

Letizia Magri


[1] Isaias 66:13

[2] D. Bonhoeffer,” La Fragilità del Male,” 23 January 1938 (Piemme, 2015)

[3] Mateo 5:7

[4] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 2000

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read