Home2022December“Magtiwala kayong lagi sa Panginoon; dahil siya ang ating bato na kanlungan...

“Magtiwala kayong lagi sa Panginoon; dahil siya ang ating bato na kanlungan magpakailanman.” (Isaias 26:4)

Paano natin mapagtatagumpayan ang tuksong magpagapi sa mga paghihirap na kinakaharap natin ngayon? “Muling buuin” nang may lakas ng loob ang pagtitiwala sa ating ugnayan sa Diyos na kay Hesus ay naging kapwa natin sa ating paglalakbay sa buhay… at maging mga aktibo, malikhain at responsableng tagapanguna sa pagbuo ng isang ‘bagong lungsod’ na nakabase sa batas ng pagmamahal sa isa’t isa.

“Magtiwala kayong lagi sa Panginoon; dahil siya ang ating bato na kanlungan magpakailanman.” (Isaias 26:4)

Ang Kataga ng Buhay na nais nating isabuhay sa buwang ito ay hango sa aklat ni propeta Isaias, isang malawak at mayamang salaysay na napakahalaga sa tradisyong Kristiyano. Sa katunayan, naglalaman ito ng mga sulating labis na tinatangi’t pinapahalagahan, gaya ng pagpapahayag tungkol sa Emmanuel, “ang Diyos na kasama natin”1 at ang pigura ng Nagdurusang Lingkod2 na naging batayan ng mga pagsasalaysay ng pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus.

Ang talatang ito ay bahagi ng isang awit ng pasasalamat na inilagay ng propeta sa mga labi ng bayan ng Israel nang malagpasan nila ang napakahirap na pagsubok ng pagkatapon nila sa Babilonya, at sa wakas, makababalik na sila sa Jerusalem. Ang kanyang mga salita’y nagbibigay ng pag-asa sa puso dahil ang presensya ng Diyos sa Israel ay tapat at hindi natitinag tulad ng isang bato; Ang Diyos mismo ang susuporta sa bawat pagsisikap ng mga tao sa muling pagbubuo ng kanilang buhay panlipunan, pulitika at pananampalataya.

Habang ang lungsod na pinaniniwalaang ‘matayog’ ay guguho3 dahil hindi ito itinayo ayon sa plano ng pag-ibig ng Diyos, ang itinayo sa bato ng pagiging malapìt sa Diyos ay magtatamasa ng kapayapaan at kasaganaan.

Paano natin mapagtatagumpayan ang tuksong magpagapi sa mga paghihirap na kinakaharap natin ngayon na maaaring magbigay-daan sa pagsasara natin sa ating sarili at pagkimkim ng pagdududa at kawalan ng tiwala sa iba?

Bilang mga Kristiyano, tiyak na ang sagot ay “muling buuin” nang may lakas ng loob ang pagtitiwala sa ating ugnayan sa Diyos na kay Jesus ay naging kapwa natin sa ating paglalakbay sa buhay, kahit sa pagdaan natin sa pinakamadilim, pinakamakipot, pinakamatarik at pinakapaliku-likong mga landas.

Gayunpaman, ang pananampalatayang ito ay hindi nangangahulugang paghihintay na walang ginagawa. Bagkus, hinihiling nito sa atin na maging mga aktibo, malikhain at responsableng tagapanguna sa pagbuo ng isang ‘bagong lungsod’ na nakabase sa batas ng pagmamahal sa isa’t isa. Bukas ang mga pintuan ng lungsod na ito at tinatanggap ang lahat, lalo na ang mga “dukha at inaapi”4 na noon pa ma’y ang mga itinatangi ng Panginoon.

Habang naglalakbay tayo sa landas na ito, tiyak na masisiyahan tayo sa piling ng maraming lalaki at babae na pinanghahawakan at pinapahalagahan ang mga pangkalahatang prinsipyo ng pakikiisa sa iba at dignidad ng bawat tao, gayundin ang paggalang sa nilikha, ang ating “iisang tahanan.”

“Magtiwala kayong lagi sa Panginoon; dahil siya ang ating bato na kanlungan magpakailanman.”

Sa nayon ng Aljucer sa Espanya, ang isang buong komunidad ay nakatuon sa pagbuo ng mga pangkapatirang ugnayan batay sa pakikisalamuhang bukas sa lahat at isinasama ang lahat.

Sabi nila sa amin: “Noong tag-araw ng 2008, nagtayo kami ng isang pangkulturang samahan, na naglalayong magsagawa ng iba’t ibang uri ng mga aktibidad na pinasimulan namin at kung saan kami nakipagtulungan sa iba pang samahan sa lugar namin. Ang layunin namin: itaguyod ang mga lugar para sa pag-uusap at mga mapagkawanggawang proyekto sa iba’t ibang bansa.

“Halimbawa, bawat taon mula noon, nag-organisa kami ng isang solidarity dinner para sa proyektong Fraternity with Africa, upang matustusan ang mga gastusin sa pagpapaaral sa mga kabataang Afrikanong magtatrabaho sa kanilang bansa nang limang taon. Ang mga hapunang ito ay nagtitipon ng humigit-kumulang dalawang daang katao at sinusuportahan ng mga nagmamay-ari ng mga tindahan at iba pang grupo.

“Natutuwa rin kaming makipagtulungan sa isa pang samahan sa loob ng maraming taon. Sama-sama kaming nag-organisa ng isang taunang aktibidad na bukas sa mga taong mula sa mundo ng kultura, musika, pagpipinta, at panitikan, gayundin sa mga kinatawan sa larangan ng pulitika, negosyo, at medisina. Ito’y isang pagkakataon para sa kanilang lahat na magbahaginan ng mga karanasan sa trabaho at ng mga mas malalim na dahilan ng kanilang mga desisyon sa buhay.”5

“Magtiwala kayong lagi sa Panginoon; dahil siya ang ating bato na kanlungan magpakailanman.”

Nananabik na kami sa Pasko. Magsimula na tayong maghanda para rito sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesus sa kanyang mga salita.

Siya rin ang bato kung saan itatayo ang lungsod para sa lahat ng tao: “Nawa’y maging diwa tayo ng lungsod na ito, gawin natin itong atin, na nararanasan ang kapangyarihang inilalabas nito sa atin at sa ating paligid, kung mamumuhay tayo nang ganito. Mapamahal nawa sa atin ang Mabuting Balita hanggang sa puntong hayaan ang ating sarili na mabago nito at sa gayo’y mapalaganap ito sa iba. … Hindi na tayo ang mabubuhay: Si Kristo ang mabubuo sa atin. Magiging malaya tayo sa ating sarili, sa ating mga limitasyon, sa lahat ng umaalipin sa atin. At makikita natin ang pagsiklab ng rebolusyon ng pag-ibig – ang rebolusyon na pagniningasin ni Hesus na malayang mabubuhay sa atin sa lipunang ginagalawan natin.”6

Letizia Magri


1 Cf. Isaias 7:14 at Mateo 1:23

2 Cf. Isaias 52:13 – 53:12

3 Cf. Isaias 26:5

4 Cf. Isaias 26:6

5 www.focolare.org.

6 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Setyembre 2006

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read