Home2020December“Ang Panginoon ang ilaw ko’t kaligtasan; sino ang aking katatakutan?” (Mga Awit...

“Ang Panginoon ang ilaw ko’t kaligtasan; sino ang aking katatakutan?” (Mga Awit 27:1)

“Nang isilang si Mariana, ipinaliwanag sa amin ng doktor na siya ay may matinding kapansanan sa utak dahilan upang hindi na siya kailanman makalalakad o makapagsasalita. Naramdaman namin na hinihingi ng Diyos na mahalin namin siya anuman ang kalagayan niya at inihabilin ang aming mga sarili sa Kanya.” Ibinahagi ito ni Alba, isang ina na taga-Brazil. Dagdag pa niya: “Nabuhay si Mariana ng apat na taon ngunit ang kanyang buhay ay nagpahayag ng pagmamahal sa lahat ng nakakilala sa kanya. Hindi namin narinig ang salitang “Nanay” o “Tatay” mula sa kanya subalit sa kanyang katahimikan, ang liwanag sa kanyang mga mata ang nangusap ng lahat ng kanyang nais sabihin. Hindi namin siya naturuang gumawa ng mga unang hakbang subalit tinuruan niya kami kung paano maunang magmahal at ilaan ang sarili upang makapagmahal. Isa siyang regalo ng pagmamahal mula sa Diyos para sa buong pamilya. Ang kabuuan ng kanyang pagkatao ay maisasaad sa isang pangungusap: ang pagmamahal ay hindi laging naipapaliwanag lamang sa salita.”

Ganito rin ang nangyayari ngayon sa bawat isa sa atin. Dahil hindi natin makayanang ayusin ng ganap ang ating buhay, kailangan natin ng liwanag – kahit kaunting sinag – upang mabanaag ang tatahaking landas at ang mga hakbang na dapat nating gawin ngayon, tungo sa kaligtasan ng isang bagong pamumuhay.

“Ang Panginoon ang ilaw ko’t kaligtasan; sino ang aking katatakutan?”

Ang sinaunang panalanging ito, na matatagpuan sa aklat ng mga Awit, ay nagsasabi na sa bawat sulok ng mundo at sa bawat yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan, nararanasan ng mga tao ang kadilimang hatid ng pagdurusa, pagkatakot, pag-aalinlangan at kalungkutan. Bukod dito, tila isang “kaaway” kung minsan ang mga pangyayari na nagpaplanong sirain ang mga pangarap natin para sa kinabukasan.

Marahil ang may-akda nito ay naparatangan ng walang katotohanan at tinalikdan ng lahat habang naghihintay ng hatol. Wala mang katiyakan ang kanyang kinabukasan, gayunpaman, umaasa siya sa Diyos na kailanma’y hindi pinabayaan ang Kanyang bayan sa panahon ng pagsubok at pagdurusa. Batid niya ang mga mapagpalayang pagkilos ng Diyos at makatatagpo ng liwanag at ligtas na kanlungan sa Kanya.

Sapagkat batid ng may-akda ang kanyang kahinaan, bukas siya sa Diyos, nagtitiwala sa Kanya at tinatanggap ang Kanyang presensya sa kanyang buhay. Buong pagtitiwala niyang hinihintay ang huling pagwawagi sa mga ‘di maisip na landasin ng Kanyang pagmamahal.

“Ang Panginoon ang ilaw ko’t kaligtasan; sino ang aking katatakutan?”

Ngayon ang tamang panahon upang muling pag-alabin ang ating tiwala sa pagmamahal ng Ama na ninanais lamang ang kaligayahan ng Kanyang mga anak. Handa Siyang akuin ang ating mga alalahanin (1 Pedro 5:7) upang hindi natin sarhan ang sarili, bagkus maging malaya sa pagbabahagi ng ating liwanag at pag-asa sa iba.

Noong Hulyo 2006, ito ang sinulat ni Chiara Lubich, ang nagtatag ng Kilusang Focolare: “Ang Kataga ng Buhay ay gumagabay sa atin sa daan mula sa kadiliman patungo sa liwanag, mula sa ‘ako’ patungo sa pagiging ‘tayo.’ Isa itong paanyaya na panibaguhin ang ating pananampalataya: Ang Diyos ay buhay at mahal Niya ako. May kakatagpuin ba akong tao? Kailangan kong maniwala na may nais ipabatid ang Diyos sa akin sa pamamagitan niya. Ako ba’y nasa trabaho? Ito’y panahon para patuloy na magtiwala sa Kanyang pagmamahal. Kapag may nagpapahirap sa akin, naniniwala akong mahal ako ng Diyos. Kapag may nagpapasaya sa akin, mahal ako ng Diyos. Narito Siya, kasama ko; palagi ko Siyang kasama. Batid Niya ang lahat tungkol sa akin, nakikiisa sa aking iniisip, sa bawat saya, sa bawat ninanais. Karamay ko Siya sa mga alalahanin at pagsubok na hinaharap ko sa buhay. Paano ko paninibaguhin ang aking pananampalataya? Sa pamamagitan ng paghanap ng Kanyang presensya sa piling natin. Ipinangako Niyang naroon Siya kung saan may dalawa o higit pang nagkakaisa sa ngalan Niya (Mateo 18:20). Magkaroon nawa tayo ng pagmamahal sa isa’t isa, tulad ng inilarawan sa Mabuting Balita, kapag nakatatagpo tayo ng ibang taong nagsasabuhay ng Kataga ng Buhay. Magbahaginan tayo ng mga karanasan at malalasap natin ang mga bunga ng Kanyang presensya – ang kaligayahan, kapayapaan, liwanag at lakas ng loob. Mananatili Siya sa bawat isa sa atin at mararamdaman natin Siyang malapit sa atin at kumikilos sa ating pang araw-araw na buhay.”

Letizia Magri

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read