Ang Kanyang Nagpapanibagong Presensya sa Ating Buhay
Kumikilos ang Diyos sa buhay ng bawat tao at patuloy na gumagawa ng ‘mga bagong bagay.’ Kung hindi natin laging napapansin o nauunawaan ang kahulugan at saklaw ng mga ito, ito’y dahil sumisibol pa lang ang mga ito o dahil hindi natin handang kilalanin ang maliliit na usbong ng buhay na isang tunay na tanda ng Kanyang presensya. Gayunpaman, hindi Niya tayo pinababayaan at patuloy na nililikha at muling nililikha ang ating buhay.
“Masdan ninyo, gumagawa ako ng isang bagong bagay! Ito’y lumalabas na; hindi ba ninyo ito napapansin?” (Isaias 43:19)
Ang pagkatapon sa Babilonya at ang pagkawasak ng templo sa Jerusalem ay lumikha ng trauma para sa bayan ng Israel at nagbunga ng isang tanong tungkol sa pagkaunawa nila sa Diyos: tinanong nila ang kanilang sarili, ‘Kasama pa rin ba natin ang Diyos o iniwan na Niya tayo?’ Ang Kataga ng Buhay sa buwang ito ay kinuha mula sa bahagi ng aklat ni Isaias na nagsikap na tulungan ang mga tao upang maunawaan nila na patuloy ang pagkilos ng Diyos. Siya’y mapagkakatiwalaan nila at, sa kalaunan, makababalik sila sa kanilang bayan. Sa katunayan, ang mukha ng Diyos na manlilikha at tagapagligtas ay malinaw na inihayag sa karanasang ito ng pagkatapon.
“Masdan ninyo, gumagawa ako ng isang bagong bagay! Ito’y lumalabas na; hindi ba ninyo ito napapansin?”
Ipinaaalaala sa atin ni Isaias ang tapat na pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang bayan na nananatili at hindi nagbabago sa makabagbag-damdaming panahon ng pagkatapon ng mga Hudyo sa Babilonya. Kahit na tila hindi na matutupad ang mga pangako ng Diyos kay Abraham at nasa krisis ang kasunduan o tipan sa pagitan ng Diyos at ng bayan ng Israel, natatangi ang mga Hudyo na patuloy na nararanasan ang presensya ng Diyos sa kasaysayan.
Tinutugunan nitong aklat ng propeta ang mga katanungang may kaugnayan sa buhay na mahalaga pa rin ngayon: Sino ang may hawak ng paglalahad at kahulugan ng kasaysayan? Maaari rin nating itanong ito sa ating sarili. Sino ang may hawak ng aking kapalaran? Ano ang kahulugan ng nararanasan ko ngayon o ng naranasan ko sa nakaraan?
“Masdan ninyo, gumagawa ako ng isang bagong bagay! Ito’y lumalabas na; hindi ba ninyo ito napapansin?”
Ang Diyos ay kumikilos sa buhay ng bawat tao at patuloy na gumagawa ng ‘mga bagong bagay.’ Kung hindi natin laging napapansin o nauunawaan ang kahulugan at saklaw nito, ito’y dahil sumisibol pa lang ang mga ito o dahil hindi tayo handang kilalanin kung ano ang Kanyang ginagawa. Marahil hindi tayo humihinto upang pagmasdan ang maliliit na usbong ng buhay na isang tunay na tanda ng Kanyang presensya dahil tayo’y ginugulo ng lahat ng nangyayari sa ating paligid o dahil pumapasok ang libu-libong alalahanin sa puso’t isipan natin na nagpapabigat sa atin. Gayunpaman, hindi Niya tayo pinababayaan at patuloy na nililikha at muling nililikha ang ating buhay.
“Tayo ang ‘bagong bagay,’ ang ‘bagong nilikha’ na ginawa ng Diyos… Hindi na natin binabalikan ang nakaraan at kung minsa’y pinagsisisihan ang mga nangyari sa atin o nasisiraan ng loob dahil sa ating mga pagkakamali: lubos tayong naniniwala sa pagkilos ng Diyos na maaaring magpatuloy sa paggawa ng mga bagong bagay.”[1]
“Masdan ninyo, gumagawa ako ng isang bagong bagay! Ito’y lumalabas na; hindi ba ninyo ito napapansin?”
Nabubuhay tayo kasama ang marami pang ibang tao; maaaring sila’y miyembro ng ating komunidad o mga kaibigan o kasamahan sa trabaho. Lumapit tayo sa kanila at subukang magtulungan na hindi nawawalan ng pag-asa na magbabago at magiging mas mabuti ang lahat.
Ang taong 2025 ay espesyal dahil ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay sa Simbahang Orthodox ay pareho sa petsa ng kapistahang ito sa iba pang mga denominasyong Kristiyano. Nawa itong sama-samang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ay maging patotoo sa pagiging handa ng mga simbahan na patuloy na pag-usapan ang mga hamon na kinakaharap ng sangkatauhan at itaguyod ang sama-samang pagkilos.
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, maghanda tayong mamuhay nang may lubos na kagalakan, pananampalataya at pag-asa. Si Kristo’y muling nabuhay kaya’t, ‘tumawid man tayo sa disyerto,’ patuloy nawa tayong samahan sa ating paglalakbay ng Diyos na gumagabay sa kasaysayan at sa ating buhay.
Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Marso 2004.


