HomeArticlesPagninilayAng Kakaibang Katangian ng Buhay sa Kasalukuyan

Ang Kakaibang Katangian ng Buhay sa Kasalukuyan

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Ang “Maliliit” na Bagay

“Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay.” (Lucas 16:10)

Itinuturo sa atin ng Bibliya na gawing mabuti ang maliliit na bagay. Ito ang nagiging malinaw na katangian ng mga taong buong pusong tumutupad sa nais ng Diyos para sa kanila sa kasalukuyang sandali.

Kung nabubuhay tayo sa kasalukuyan, nabubuhay ang Diyos sa atin. At kung ang Diyos ay nasa atin, ang pag-ibig ay nasa atin din. Ang mga nabubuhay sa kasalukuyan ay mapagpasensiya, matiyaga, mahinahon, hindi natatali sa mga bagay-bagay, may pusong-dalisay, at maawain. Nabubuhay ang pag-ibig sa kanila sa pinakamataas at pinaka-totoong pagpapamalas nito. Talagang minamahal nila ang Diyos ng buong puso, kaluluwa at lakas. Sila ay naliliwanagan at ginagabayan ng Espiritu Santo; kaya’t hindi sila mapanghusga o nag-iisip ng masama sa ibang tao bagkus nagmamahal sila sa kapwa tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sarili. May sapat silang lakas ng loob na “iharap ang kabilang pisngi” at “lumakad ng isa pang milya” (Mateo 5:41) – alalaong baga’y ang magsabuhay ng “kabaliwan” ng Mabuting Balita.

Madalas nakakakita sila ng pagkakataon upang ibigay kay Cesar ang kay Cesar (Mateo 22:21), dahil sinisikap din nilang gawin ang kanilang mga tungkulin bilang mga mabuting mamamayan…

Sinumang nagsasabuhay ng kasalukuyang sandali ay nasa daan ni Kristo, nasa kanyang buhay at nasa kanyang katotohanan. Ito ang nagbibigay ng lubos na kasiyahan sa kaluluwa, na naghahangad ng kaganapan sa bawat sandali ng buhay.

Ang mahalaga ay kung paano natin ginagawa ang mga bagay

Para sa ating mga Kristiyano, ang mahalaga ay kung paano natin ginagawa ang bawat bagay at hindi kung gaano karami ang ating ginagawa.

 Ang Hesus ng kasaysayan ay hindi nagbago ng mundo. Bagkus parang nabigo siya.

Ang mahalaga ay ang tupdin ang plano ng Diyos sa atin – walang labis, ngunit wala ring kulang.

Saan man tayo, magtrabaho tayo na ninanais ang kanyang kalooban, na bumubuklod sa atin sa kasalukuyang panahon. Tinutulungan tayo nito na isagawa, sa bawat detalye, ang kailangan nating makamit dito sa mundo.

Kung hiwa-hiwalay tayong kikilos, na hindi nagkakaisa, mararamdaman natin na wala tayong nakakamit. Subalit kung tayo’y nagkakaisa, makikita natin na ang ginagawa ng isa ay kaugnay sa ginagawa ng iba. Kung gayon, nagkakaroon ng kaganapan at bagong dimensiyon ang lahat ng ating ginagawa. Isang dimensiyon na hindi lamang pangkalahatan ngunit makalangit, dahil kung ikukumpara natin ang ating mga ginagawa sa Langit, napakaliit ng santinakpan (universe).

Lagyan natin ng pagmamahal ang lahat ng ating ginagawa: ang ating mga ngiti, ang ating mga trabaho, ang kotseng ating pinatatakbo, ang pagkaing inihahanda natin, ang aktibidad na isinasagawa natin, ang pagluha natin para kay Kristo sa naghihirap nating kapwa, ang instrumentong pangmusika na pinatutugtog natin, ang artikulo o liham na sinusulat natin, ang masayang pangyayari na ating ibinabahagi, ang mga damit na nilalabhan…

Lahat, tunay na ang lahat ay maaaring maging paraan upang ipakita ang pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa. Ang lahat ay ipinagkatiwala na sa ating mga kamay at puso upang tulad ng mga misyonero maaari nating dalhin ang Mabuting Balita sa mundo. 

Marangal na Katangian

Kung ang mga tao’y magsisimula – o magsisimula muli – na isabuhay ng mabuti ang kasalukuyang sandali, makikita natin na, sa paglipas ng panahon, ang kanilang mga kinikilos ay nagkakaroon ng isang marangal na katangian, kahit na hindi nila binalak na gawin ito. Makikita natin ang kanyang tangi at higit sa natural na sandigan: ang pagmamahal sa Diyos.

Ang masayang katangiang ito, na mababakas sa bawat kilos nila, ay nagbibigay kulay sa kanilang buhay. Dahil dito, ang kanilang kalooban ay nagkakaroon ng direksyon.

Maraming mga bagay ang maaari nating masabi tungkol sa kanila: sa pagdarasal, sila ay nakababad sa Diyos; kapag kasama mo sila, sila’y malaya at masaya; sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, mahusay sila; mahigpit sila sa kanilang sarili; sa lahat ng tao, sila’y isang kapatid; sa mga taong ipinagkatiwala sa kanila, mahigpit sila; mahabagin sila sa mga nagkakamali at kumbinsido sila sa kanilang kawalan at ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos; dahil madalas na hindi nakukuntento sa kanilang mga nagawa, sila’y laging handang mangarap at magsimula muli.

Tunay na malaking tulong sa atin ang palagiang pagsisimulang muli, malaking tulong sa atin na pinahina ng orihinal na kasalanan. Binibigyan tayo nito ng kamalayan sa pagkakaugnay ng mga bagay sa ating buhay, kahit na napakarami ang ating ginagawa. Binibigyan tayo nito ng kamalayan ng kabanalan, na maliit sa simula, ngunit pagkaraa’y higit na lumalago.

Dahil sa banal ang taong hindi na nabubuhay sa sarili lamang, sa sariling kalooban, bagkus nabubuhay na sa kalooban ng Iba (ang Diyos).

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 16-21.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read