Ang mga kulubot sa noo ng maliit na matandang babae, yaong nanginginig at hukot na paraan ng paglakad, yaong mga maiikling pananalita na puno ng karanasan at karunungan, yaong magkasabay na maamong tingin ng isang bata at isang babae — subalit mas mabuti sa alin man sa mga ito… Ito ay isang kagandahang hindi natin nakikilala.
Masaya siyang kumakamot sa lupa
at malakas na sumusugod laban
sa mga sandata.
Tinatawanan niya ang takot
at di mahahadlangan;
hindi rin umuurong sa harap ng tabak.
Sa likod niya’y maingay ang lalagyang-pana,
kumikislap ang sibat at diyabelin.
Sa kanyang panginginig at galit,
nilalamon niya ang lupa;
hindi siya tumitigil sa tunog ng trompeta.
Sa bawat ihip ng trompeta
sumisigaw siya ng “Aha!”
Kahit sa malayo’y naaamoy niya ang labanan,
ang dagundong ng mga kapitan at ang sigawan.
(Job 39:21-25)
Kung bubuklatin natin ang Banal na Kasulatan at babasahin kung paano inilalarawan ng Diyos ang ilang hayop sa Lumang Tipan, mababatid natin na walang makata o pintor ang umawit tungkol sa mga ito o inilarawan ang mga ito sa ganoong kalinaw at napakainam na paraan.
Kinailangan ang mata ng kanilang manlilikha upang pumukaw ng ganoong maringal na paglalarawan. Marahil hindi nasanay ang ating mata na makakita ng kagandahan, o kaya’y nakikita lang nito ang kagandahan sa isang bahagi ng buhay ng tao, ng buhay na likas, sapagkat hindi natin sinanay ang kaluluwa.
Kapag pumupunta sa lungsod ang isang batang babaeng taga-lalawigan, nagsusuot siya ng mga damit na kakaiba ang kulay, na may di-pagkakatugma na masakit sa mata. Ito ay sa kabila ng kanyang pagiging palaging malapit sa kalikasan, na mayaman sa mga bakas ng Diyos. Para sa kanya, magaganda ang mga kulay na ito, at ang pinakamahusay na gawa ng sining ay hindi gaanong mahalaga, kung mayroon man, sapagkat hindi niya nauunawaan ang mga iyon.
Subalit nasaan ang pinakadakilang kagandahan sa mata ng Diyos? Ito ba’y nasa batang tumitingin sa iyo nang may mga matang maliit at walang malay, masigla at malinaw tulad ng kalikasan, o nasa dalagang kumukislap tulad ng kasariwaan ng isang namumukadkad na bulaklak, o nasa matandang kulubot na ang balat, maputi na ang buhok, hukót na, halos wala nang magawa, marahil naghihintay na lang sa kamatayan?
Ang isang butil ng trigo ay maganda at puno ng pag-asa kapag ito ay mas maselan kaysa isang dahon ng damo. Kasama ito ng iba pang butil na pumpaligid at bumubuo sa ulo ng trigo. Naghihintay itong mahinog at makalaya, nag-iisa at nagsasarili, sa kamay ng magsasaka o sa kalalilam ng lupa.
Subalit maganda rin ito kapag ito ay hinog. Sapagkat mas mabuti ito sa ibang butil, pinipili ito sa mga iyon, upang ibaon sa lupa (ngayong mayroon na itong buhay sa sarili nito) at magbigay-buhay sa ibang halamang trigo. Ito ay maganda. Ito ang napili para sa mga darating na trigong aanihin.
Subalit habang nalalanta sa ilalim ng lupa, pinapaliit nito ang sarili hanggang maging halos wala. Iniipon nito ang lahat ng sangkap nito at unti-unting namamatay, nabubulok upang magbigay-buhay sa isang munting halaman. Ang halamang ito ay kaiba sa binhi, subalit nakukuha ng halaman ang buhay nito mula sa binhi. Marahil ang binhi ay mas maganda sa ganitong kalagayan.
Iba’t ibang uri ng kagandahan.
Gayunman ang bawat isa ay higit na maganda kaysa iba.
Ang huli ang pinakamaganda.
Ganito kaya ang pagtingin ng Diyos sa mga bagay-bagay?
Ang mga kulubot sa noo ng maliit na matandang babae, yaong nanginginig at hukot na paraan ng paglakad, yaong mga maiikling pananalita na puno ng karanasan at karunungan, yaong magkasabay na maamong tingin ng isang bata at isang babae — subalit mas mabuti sa alin man sa mga ito… Ito ay isang kagandahang hindi natin nakikilala.
Ito ang butil ng trigo na namamatay at nagsisimulang magkaroon ng bagong buhay. Ang ganitong buhay ay kaiba sa dati. Ito ay nasa bagong langit.
Sa aking palagay, ganito ang pagtingin ng Diyos. Ang daang patungo sa Langit ay higit na kaakit-akit kaysa sa iba’t ibang hakbang sa kahabaan ng landas ng buhay. Sa huli, itong landas lang ang kailangan upang mabuksan ang pintong iyon.
Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations”


