Home2019Ang Huling Pagsusulit

Ang Huling Pagsusulit

MIKECHIE ESPARAGOZA
MIKECHIE ESPARAGOZA

Kung ikaw ay isang mag-aaral, at nagkataon na nalaman mo ang mga tanong sa huling pagsusulit, maituturing mo ang iyong sarili na talagang mapalad, at pag-aaralan mong mabuti ang mga sagot.

Ang buhay ay isang pagsubok at kailangan ding kumuha ng isang pagsusulit sa katapusan nito. Subalit dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig, sinabi na ng Diyos sa sangkatauhan kung ano ang mga magiging katanungan. “Sapagkat ako’y nagugutom at pinakain ninyo ako; ako’y nauuhaw at pinainom ninyo ako” (Mateo 25:35). Ang mga kawanggawa ang magiging paksa para sa pagsusulit. Makikita ng Diyos sa mga gawang iyon kung talagang minahal natin Siya sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya sa ating kapwa.

Marahil ito ang dahilan kung bakit malimit gawing simple ng Santo Papa, ang Kinatawan ni Kristo, ang buhay Kristiyano sa pagbibigay-diin sa mga kawanggawa.

NGUYEN NGUYEN
NGUYEN NGUYEN

At ginagawa natin ang kalooban ni Hesus sa Langit at ang kalooban ng Kanyang Kinatawan sa lupa kung ating papagbaguhin at gagawing isang patuloy na kawanggawa ang ating buhay. Sa katunayan, hindi ito mahirap, at walang kalakihang pagbabago sa dati na nating ginagawa. Ito lang ang dapat isaalang-alang: ilagay sa antas na higit sa natural ang bawat isa sa ating mga ugnayan sa iba.

Ano man ang ating bokasyon — mga ama o ina, mga magsasaka o empleyado, mga mambabatas o pinuno ng mga bansa, mga mag-aaral o manggagawa — mayroon laging pagkakataon upang pakainin ang mga nagugutom sa buong maghapon, sa tuwiran o di-tuwirang paraan, turuan ang mga mangmang, pagtiisan ang mga nakayayamot na tao, payuhan ang mga nag-aalinlangan, manalangin para sa mga buhay at patay.

Kung papanibaguhin natin ang ating hangarin sa tuwing gumagawa tayo ng isang bagay para sa ating kapwa, sino man iyon, ang bawat araw sa ating buhay ay makatutulong upang ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan. Magtitipon tayo ng kayamanan na hindi mawawasak ng kahit na anumang mapanirang kulisap.

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol mula sa aklat na “Meditations” ni Chiara Lubich

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read