Home2026December“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.”...

“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.” (Marcos 1:3)

Paglakad sa Landas ng Ating Kapatid

Isang praktikal na paraan ng paghahanda para sa Panginoon, at pagtulong sa iba na makilala Siya, ay ang ating personal na paninindigang alisin ang mga hadlang sa katarungan sa lipunan, sa kapakanan ng lahat, at sa pagkakasundo at kapayapaan sa pagitan ng mga lahi at mga indibidwal.

“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.” (Marcos 1:3)

Ang Mabuting Balita ayon kay Marcos ay nagsisimula sa mga salitang ito ni propeta Isaias. Tinutukoy ng ebanghelista si San Juan Bautista, kahit na hindi pa siya lumalabas sa Ebanghelyo. Para bang sinasabi nito na ang pinahayag ng propeta ay higit pa sa mismong propeta. Tunay na ang mensahe ay mas dakila kaysa sa naghahatid nito, at hindi limitado sa isang beses na matupad ito. Lumalampas ito sa orihinal na situwasyon noong isulat ito, sa iba’t ibang siglo, hanggang sa umabot ito sa bawat isa sa atin at magpahayag ng isang bagay tungkol sa misteryo ng Diyos — sapagkat Siya ang laging gumagawa ng unang hakbang at nagpapahayag ng Kanyang presensya sa ating buhay.

Dumarating din ang Panginoon upang salubungin tayo ngayon, sapagkat Siya ang Salita. Siya ang Salita ng Ama, at sa Kanya lamang nagtatagpo ang mensahe at ang tagapaghatid ng mensahe sa misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Diyos — na ating pinaghahandaang ipagdiwang nang may kagalakan at pag-asa ngayong Disyembre.

“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.”

Itong Kataga ng Buhay ay nag-aanyaya sa atin na iwasan ang hindi pagkilos at sa halip ay maging aktibo habang hinihintay natin ang Panginoon. Sinabi Niya tungkol sa Kanyang sarili: “Ako ang daan” (Juan 14:6), at tinatawag Niya tayong makipagtulungan sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagtangal ng lahat ng hadlang — sa atin at sa ating paligid — na maaaring makapigil dito. Kasama rito ang mga hadlang na dulot ng ating limitadong pananaw o ng ating mahinang kalooban. Kailangan nating magkaroon ng lakas ng loob na pumili sa sarili nating daan o sa daan na pinili Niya para sa atin, sa sarili nating kalooban o sa Kanyang kalooban, sa planong binuo natin… o sa planong nagmula sa Kanyang makapangyarihang pag-ibig.

Isang praktikal na paraan ng paghahanda para sa Panginoon, at pagtulong sa iba na makilala Siya, ay ang ating personal na paninindigang alisin ang mga hadlang sa katarungan sa lipunan, sa kapakanan ng lahat, at sa pagkakasundo at kapayapaan sa pagitan ng mga lahi at mga indibidwal.

“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.”

Maraming daan na ginagamit ang Diyos para makarating sa atin: hindi lang isa ang paraang ginagamit Niya. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pag-ibig sa ating kapwa ay ipinapakita Niya ang isang espesyal na paraan upang makilala Siya: ‘Sinasabi ko sa inyo, anumang ginawa ninyo sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ginawa ninyo ito sa akin.’ (Mateo 25:40).

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Chiara Lubich: ‘Para sa atin, ang ating kapwa ay, kung baga, ang sakramento[1] na umaakay sa atin patungo sa Diyos,’ [2] at: ‘Para sa atin, ang pagmamahal sa kapwa ay matagpuan ang Diyos; ang pagtahak sa “landas ng ating kapwa” ay makarating sa Panginoon.’ [3]

Samakatuwid, ang paghahanda ng daan upang makilala ang ating kapwa ay nangangahulugang pag-aalis ng ‘sama ng loob sa mga kamag-anak o kakilala, hindi matuwid na pananaw sa ibang lahi, pagwawalang-bahala sa mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin, at kakulangan ng pagmamahalan sa loob ng pamilya.’ [4]

Subukan nating gawin ito: pinaparanas nito sa atin ang panibagong pagkilala sa Diyos at ang katuparan ng mensahe ng Diyos sa ating buhay.

“Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang dadaanan.”

Mayroong isang grupo ng mga kabataan sa Brazil na nais makatulong sa pagbuo ng isang mas nagkakaisang mundo. Matagal-tagal na rin silang nagtitipon kada dalawang linggo upang magbahagi kung paano sinisikap na isabuhay ng bawat isa sa kanila ang mga salita ng Mabuting Balita.

Ikinuwento sa atin ni Camila: ‘Isang araw sa eskwela, nagtanong ang guro kung sino ang gustong tumabi kay Beatriz, isang batang babaeng mahirap na madalas ay mukhang gusgusin. Sa totoo lang, walang gustong tumabi sa kanya.’ Nahirapan din ako, dahil alam kong kakailangin ko siyang tulungan sa kanyang takdang-aralin at alagaan siyang mabuti. Ngunit sa loob-loob ko, naramdaman kong hinihikayat ako ni Hesus na gawin ito. Kaya, pagkatapos mag-ipon ng lakas ng loob, pumayag ako. Mula noon, nakaramdam ako ng labis na kagalakan at nakita kong masayang-masaya si Beatriz.’

Claudio Cianfaglioni at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


[1] Ang nakikitang tanda o sagisag ng biyaya (grasya) ng Diyos.

[2] C. Lubich, “L’Amore al Fratello,” ed. F. Gillet, Città Nuova, Rome 2012.

[3] Ibid.

[4] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Disyembre 2005.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read