Home2021Nakikiisa sa Lahat

Nakikiisa sa Lahat

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw, at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Minsan, ang isang buhay na patuloy na naayon sa pananamplataya – na isinasaalang-alang ang kabilang buhay at nakaantabay sa kamatayan na pintuan nito – ay tila hiwalay sa mga alalahanin ng mundo. Tayong mga Kristiyano kung minsa’y sinisisi dahil sa kakulangan ng pagtuon sa mga alalahanin ng mundong ito, na kadalasa’y naglalarawan sa kapakanan ng sangkatauhan.

Sa katunayan, kung palagi tayong nabubuhay sa kamalayan ng ‘hindi pagkaalam ng araw o oras’ [ng ating kamatayan], mas madali tayong nakatuon sa ‘ngayon’ na kaloob sa atin, sa mga alalahanin ngayon, sa kasalukuyang sandali na binibigay sa atin ng Diyos. Sa pamamagitan ng buo nating pagkatao, maaari tayong mabuhay sa kasalukuyan at tanggapin ano man ang hatid nito sa atin: kagalakan at kalungkutan, pagsisikap at mga bunga. Ito ang paraan kung paano tayo tunay na namumuhay dito sa mundo.

Subalit kung walang tayong kamalayan na darating din ang oras na kailangan na nating lisanin ang mundong ito, maaari tayong magkaroon ng isang mababaw na paraan ng pamumuhay na batay sa mga ilusyon, pangarap, at mga bagay na inaasam ngunit marahil ay hindi natin makakamit.

Ang pamumuhay sa kasalukuyan, samakatuwid, ay hindi humahantong sa paglimot sa hinaharap natin sa lupa o sa paglimita sa kakayahang magplano para sa sariling nating kapakanan, gayundin para sa kapakanan ng iba tulad ng ating mga anak at pamilya, ang pamayanang ating ginagalawan, at ang sangkatauhan. Hindi rin ito nakakalimot sa nakaraan kasama ng pamana nitong mga kaisipan, kabayanihan at tagumpay.

Maaari lamang tayong maging tunay na Kristiyano kung mayroon tayong pag-ibig para sa lahat ng tao. Likas sa atin ito at ito’y ating karapatan. Bilang mga anak ng Diyos, nakikibahagi ang mga Kristiyano sa pinakadakilang pag-ibig, na ang pagmamahal mismo ni Kristo para sa Ama.

Alam ng mga Kristiyano na sila ay bahagi ng sangkatauhan, tulad ng maliliit na piraso ng isang kahanga-hangang mosaic na binubuo. Ang kanilang pag-ibig ay umaapaw sa sangkatauhan ng nakaraan, ng kasalukuyan at ng hinaharap.

May paggalang sila sa pamana ng mga nakaraang henerasyon, isang paggalang na may kamalayan na ang pamanang ito ay ipinagkatiwala sa kanila, na may kababaang-loob ng mga may kailangang matututunan dito, at na may kamalayan na kailangan nilang ipasa ito sa mga susunod na henerasyon na pinayaman pa ng kanilang sariling pagpupunyagi.

Kung mapagtanto ng mga Kristiyano na sa kanilang buhay nais ng Diyos na isipin nila ang kinabukasan, ginagawa nila ito nang buong puso, hindi para sa kanilang sarili kundi dahil sa pagmamahal sa mga susunod sa kanila, kilala man nila ito o hindi.

Ang kamalayan ng pakikiisa sa lahat ng sangkatauhan, sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa hinaharap, ang pagmamahal na ito para sa iba tulad ng para sa sarili, ay para sa mga Kristiyano ang lakas na nagtutulak sa kanila na maging marapat at malakas para sa pagbuo ngayon ng isang magiging mas magandang kinabukasan.

Tiyak na ang isang nabubuhay na nakatuon sa kabilang buhay at nabubuhay dito sa lupa na alinsunod sa buhay na iyon, na may pag-ibig para sa lahat, ang siyang nagiging ganap na Kristiyano at ganap na tao. Hindi lamang ito ang hinihintay ng ating panahon at ng sangkatauhan, ngunit, higit sa lahat, ang inaasahan ng Diyos mula sa atin.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 51-53.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read