Home2020October-November“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.” (Mateo 5:4)

“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.” (Mateo 5:4)

Sino ang hindi nakaranas tumangis? Sino ang hindi nakakita ng kapwa na lumuluha sa tindi ng dalamhati? Sa panahong ito, hatid sa atin ng mass media ang iba’t ibang larawan ng paghihirap na nagaganap sa buong mundo. At dahil nakakasanayan na nating makita ang mga ito, maaaring magwalang-bahala na lamang tayo sa nakikitang dagat ng pighati sa paligid natin.

May mga pagkakataong lumuha[1] si Hesus at nasaksihan din Niya ang pagluha ng Kanyang bayang naghihirap dahil sa pananakop ng mga banyaga sa kanilang lupain. Maraming tao ang lumapit sa Kanya – ang mga maysakit, mga dukha, mga biyuda, mga ulila, mga makasalanan, mga taong iniiwasan ng iba: ninanais nilang marinig ang Kanyang mga Salita at mapagaling ang katawan at kaluluwa. 

Sa Mabuting Balita ayon kay Mateo, si Hesus ang Mesiyas na tumutupad sa mga pangako ng Diyos sa Israel. At dahil dito, inihahayag Niya:

“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”

Hindi winawalang-bahala ni Hesus ang ating mga pagtitiis at paghihirap. Nais Niyang hilumin ang ating mga puso mula sa pait ng pagkamakasarili. Nais Niyang ibsan ang ating kalungkutan at bigyan tayo ng lakas sa lahat ng ating ginagawa.

Ito ang sinulat ni Chiara Lubich, ang tagapagtatag ng Focolare Movement, tungkol sa mga katagang ito ng Mabuting Balita:

“Sa mga salitang ito, hindi sinasabi ni Hesus sa mga taong malungkot na tanggapin na lamang ang paghihirap sa pamamagitan ng pagpangako ng gantimpala sa hinaharap. Iniisip Niya ang kasalukuyan. Sa katunayan, narito na ang Kanyang kaharian, kahit na hindi pa ito nasa lubos na kaganapan. Narito na ang kaharian ng Diyos: kay Hesus na napagtagumpayan ang kamatayan sa Kanyang muling pagkabuhay pagkatapos ng labis na pagdurusa. Narito rin ang kaharian Niya sa atin, sa ating mga puso bilang Kristiyano: ang Diyos ay nasa atin. Nananahan ang Banal na Santatlo sa atin. Kaya’t maaari na natin maranasan ang kaligayahang ipinangako ni Hesus. May mga paghihirap pa rin subalit mayroon tayong panibagong sigla upang harapin ang mga pagsubok sa buhay at tulungan ang ibang nagpupunyagi: mayroong panibagong lakas para malagpasan ang mga paghihirap, at makita at tanggapin ang mga ito bilang daan ng kaligtasan tulad nang ginawa ni Hesus.”[2]

“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”

Maaari tayong matuto kay Hesus kung paano maging saksi at instrumento ng magiliw at malikhaing pagmamahal ng Diyos para sa isa’t isa. Ang Kanyang itinuturo ang simula ng bagong mundo kung saan nahihilom ang mga ugnayan na pinaka-ugat ng ating sama-samang pamumuhay. Inaakit nito ang presensya ng Diyos sa ating piling, isang walang hanggang bukal ng kaaliwan na papahirin ang bawat luha.

Ito ang karanasang ibinahagi nina Lena at Philippe ng Lebanon sa kanilang mga kaibigan na ngayon ay naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng mundo:

“Mga minamahal naming kaibigan,

Salamat sa inyong napaka-espesyal na pagbati noong Pasko ng Pagkabuhay. Maayos naman kami at nag-iingat upang hindi mahawa sa virus. Gayunpaman, kami ay mga frontliners sa Parrainage Liban,[3] kaya’t hindi kami maaaring laging manatili sa loob ng bahay. Lumalabas kami tuwing ikalawang araw upang tugunan ang mahigpit na pangangailangan ng ilang pamilya. Kailangan nila ng pera, damit, pagkain, gamot, atbp. Bago pa man nagka-COVID 19, mahirap na ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa. At ngayon, tulad sa ibang bahagi ng mundo, mas lumala pa. Subalit ‘di nagkukulang ang awa’t tulong ng Maykapal. Noong nakaraang linggo, isang lalaking taga-Lebanon na nakatira na sa ibang bansa ang nagpadala ng pera sa amin. Nagbilin siya kay Lena na siguraduhing labindalawang pamilya ay kumakain ng tatlong beses sa isang araw sa buong buwan ng Abril. Ito ay napakagandang pagpapatunay na ang Diyos ay hindi mahihigitan sa kagandahang-loob.”

Letizia Magri

[1] Cf. Juan 11:35; Lucas 19:41

[2] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Nobyembre 1981

[3] AngParrainage Liban” ay isang samahan na tumutulong sa mga pamilyang nangangailangan sa Lebanon, na hindi alintana ang lahi o relihiyon. Ang layunin nito ay ang tulungan ang mga tao upang magkaroon ng kakayahang itaguyod ang sarili. Nagsimula ito noong 1993, salamat sa pangunguna ng isang pangkat ng mga pamilya na nagsisikap magsabuhay ng Kataga ng Buhay at tumutulong sa isang ina na may limang anak na ang asawa ay nasa bilangguan. Mula noon, nakatulong na ito sa higit sa 200 pamilya. Pinopondohan ito ng halos isang daang mga indibidwal at negosyo na sumusuporta sa gawaing ito.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read