Home2024“Ang lahat ng inyong ginagawa nawa’y gawin ninyo nang may pagmamahal.” (1...

“Ang lahat ng inyong ginagawa nawa’y gawin ninyo nang may pagmamahal.” (1 Corinto 16:14)

Hindi mahalaga kung kaya nating magbigay ng marami o ng kaunti. Ang mahalaga’y kung paano tayo nagbibigay, kung gaano kalaki ang pagmamahal na ibinibigay natin kahit sa pinakamaliit na bagay na ginagawa natin para sa ibang tao.

Sa buwang ito, ang pananalita at karanasan ni Apostol San Pablo ay maaari tayong gabayan at maging tanglaw sa ating landas.2

Ipinoproklama niya ang isang malakas na mensahe sa atin tulad ng ginawa niya sa mga Kristiyano sa Corinto; ipinapahayag niya na ang pagmamahal sa kapwa, agape at walang pag-iimbot na pag-ibig na matatagpuan sa magkakapatid ay nasa sentro ng Mabuting Balita.

Ang ating Kataga ng Buhay ang pangwakas na bahagi ng liham na ito. Madalas itong tumutukoy sa kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa at ipinapaliwanag ang iba’t ibang munting pagkakaiba nito: ito ay matiyaga, mabait, nagmamahal sa katotohanan at hindi naghahanap ng sarili nitong interes…3

Ang ganitong tugunang pagmamahal na isinasabuhay sa Kristiyanong komunidad ay gamot na humihilom sa pagkakahiwa-hiwalay na laging sumisira rito, at isang tanda ng pag-asa para sa buong sangkatauhan.

“Ang lahat ng inyong ginagawa nawa’y gawin ninyo nang may pagmamahal.”

Kapansin-pansin na sa salitang Griyego, pinayuhan tayo ni San Pablo na kumilos dahil tayo’y “nasa pag-ibig,” na para bang itinuturo tayo sa isang permanenteng kalagayan ng pagiging  ̶  isang tirahan sa Diyos na Pag-ibig.

Sapagkat paano natin tatanggapin ang isa’t isa, paano tayo magiging bukas sa bawat taong nakakasalamuha natin kung hindi natin kinikilala na ang Diyos ang nagkusang magmahal sa atin ano man tayo, kasama ang ating mga kahinaan at kabiguan?

Isang panibagong kamalayan sa pag-ibig ng Diyos ang nagbibigay-daan sa atin na huwag matakot na magbukas sa iba, na kinikilala ang kanilang mga pangangailangan at nakikiisa sa kanila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga materyal at espirituwal na bagay.

Tingnan natin kung paano ito ginawa ni Hesus dahil siya ang ating modelo.

Siya ang laging unang nagbibigay ng: “…magandang kalusugan sa maysakit, pagpapatawad sa mga makasalanan, buhay sa ating lahat. Pinakita Niya ang malaking pagkakaiba ng makasariling pag-imbak ng mga bagay sa pagiging bukas-palad; tinutulan niya ang labis na pagtuon sa mga personal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng atensyon sa iba, at ang pagnanais na magkaroon sa pamamagitan ng kultura ng pagbibigayan. Hindi mahalaga kung kaya nating magbigay ng marami o ng kaunti. Ang mahalaga’y kung paano tayo nagbibigay, kung gaano kalaki ang pagmamahal na ibinibigay natin kahit sa pinakamaliit na bagay na ginagawa natin para sa ibang tao. Ang pag-ibig ay mahalaga dahil alam nito kung paano lumapit sa iba kahit na ang tanging maibibigay natin ay ang kakayahang makinig o maglingkod. Tunay na mahalaga ang ‘maging pag-ibig’ sa bawat taong nasa tabi natin.

“Ito ang pinakadirektang paraan upang makapasok sa kanilang puso at pasiglahin ang kanilang loob.” 4

“Ang lahat ng inyong ginagawa nawa’y gawin ninyo nang may pagmamahal.”

Itong Salita ng Diyos ay nagtuturo sa atin na lumapit sa iba na may paggalang, na walang kasinungalingan, na marunong maging malikhain, na binibigyan ng halaga ang kanilang mga pinakamagandang mithiin, upang ang bawat tao’y makapag-ambag sa kapakanan ng lahat.

Tinutulungan tayo nito na pahalagahan ang lahat ng mga praktikal na aspeto ng pang-araw-araw nating buhay: “… mula sa mga gawain sa bahay, trabaho sa pabrika o sa lupa, mga tungkulin sa opisina o paaralan, hanggang sa mga tungkulin bilang mamamayan, mananampalataya at yaong pampulitika na maaari nating gampanan. Ang lahat ng ito’y maaaring maging masigasig at mapagmalasakit na serbisyo.” 5

Isipin natin ang isang serye ng mga larawan na nagpapakita ng mga simpleng pagkilos na nagmula sa liwanag ng Mabuting Balita. Narito ang dalawang halimbawa.

Isinulat ito ng dalawang magulang: “Nang sabihin sa amin ng isang balisang kapitbahay na ang kanyang anak ay nasa bilangguan, pumayag kaming bisitahin siya. Nag-ayuno kami bago ang araw ng aming pagbisita at umasang mabibigyan kami ng grasya upang malaman ang dapat naming sabihin sa kanya. Pagkaraa’y binayaran namin ang kanyang piyansa upang makalaya siya sa kulungan.”

Isang grupo ng mga kabataan sa Buea, sa timog-kanlurang bahagi ng Cameroon, ay nag-organisa ng paglilikom ng mga pangunahing pangangailangan at pondo para tulungan ang mga napilitang lumikas dahil sa patuloy na digmaan. Binisita nila ang isang lalaki na nawalan ng braso habang tumatakas sa kanyang tahanan. Lubhang mahirap ang pamumuhay niyang may ganitong kapansanan at nagkaroon ng malubhang epekto ito sa kanyang buhay. Sabi ni Regina, “Sinabi niya sa amin na ang pagbisita namin ay nagbigay sa kanya ng pag-asa, kagalakan at kumpiyansa. Naramdaman niya ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan namin.” Dagdag pa ni Marita, “Pagkaraan ng karanasang ito, kumbinsido ako na walang maliit kung ginawa ito nang may pagmamahal. Walang ibang kailangan: ang pag-ibig ang nagpapagalaw sa mundo. Subukan mo!”

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay


1 Sa buwang ito, ang Kataga ng Buhay na ating iminumungkahi ay pareho sa pinili ng isang grupo ng mga Kristiyano mula sa iba’t ibang Simbahan sa Germany upang isabuhay sa buong taon.

2 Cf. Awit 119:105.

3 Cf. 1 Corinto 13.

4 Chiara Lubich, Kataga ng Buhay, Oktubre 2006.

5 Ibid.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read