Pagtitiwala sa Kanyang Nakapagpapagaling na Pakikipagkaibigan
Alam Niya ang lahat: alam Niya ang mga kaloob na natanggap natin mula sa Kanya, at alam Niya ang ating mga kahinaan at sugat na maaaring sariwa’t hindi pa humihilom sa kaloob-looban natin. Ngunit pinapanibago Niya ang Kanyang pagtitiwala, hindi sa ating mga kalakasan, kundi sa ating pakikipagkaibigan sa Kanya.
“Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” (Juan 21:17)
Dinala tayo ng huling kabanata ng Mabuting Balita ayon kay Juan sa Galilea kung saan si Pedro, Juan at ang iba pang mga alagad ay bumalik sa kanilang trabaho bilang mangingisda. Buong magdamag sila sa Lawa ng Tiberias ngunit, sa kasamaang-palad, hindi nagbunga ang kanilang pagsisikap.
Ang Panginoon na Muling Nabuhay ay nagpakita sa kanila sa ikatlong pagkakataon at hinikayat silang ihagis muli ang kanilang mga lambat, at sa pagkakataong ito, nakahuli sila ng maraming isda. Inanyayahan sila ng Panginoon na samahan Siya sa dalampasigan at ibahagi ang kanilang pagkain, ngunit kahit nakilala Siya ni Pedro at ng iba pang alagad, hindi sila nangahas na makipag-usap sa Kanya.
Si Hesus ang gumawa ng unang hakbang at nagbigay kay Pedro ng isang mahirap na tanong, “Simon na anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Taimtim ang tono ng pananalita ni Hesus habang patuloy na hiniling ng tatlong beses[1] kay Pedro na pangalagaan ang Kanyang mga tupa.
“Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.”
Gayunpaman, alam ni Pedro na ipinagkanulo niya ang Panginoon, at ang alaala ng kalunos-lunos na karanasang ito ay humahadlang sa kanya na magbigay ng positibong sagot sa tanong ni Hesus. Mapagpakumbaba siyang tumugon, “Alam mong minamahal kita.”
Habang sila’y nag-uusap, hindi nagkaroon ng sama ng loob si Hesus kay Pedro dahil sa pagkakanulo nito; ni hindi Niya binanggit ang mga pagkakamaling nagawa ni Pedro. Lumapit si Hesus sa paraang mapapagaan ang loob ni Pedro, at ang pakikipagkakaibigan ni Hesus ang nagpagaling sa kanyang pusong nagdurusa. Ang tanging hiling Niya ay muling buoin ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa isa’t isa.
Tumugon si Pedro sa pamamagitan ng pagpapakita hindi lamang ng kamalayan sa kanyang kahinaan kundi pati na rin ng walang hanggang pagtitiwala sa mapagtanggap na pagmamahal ng kanyang Guro at Panginoon:
“Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.”
Ito rin ang tinanong ni Hesus sa bawat isa sa atin: Mahal mo ba ako? Gusto mo ba akong maging kaibigan?
Alam Niya ang lahat: alam Niya ang mga kaloob na natanggap natin mula sa Kanya, at alam Niya ang ating mga kahinaan at sugat na maaaring sariwa’t hindi pa humihilom sa kaloob-looban natin. Ngunit pinapanibago Niya ang Kanyang pagtitiwala, hindi sa ating mga kalakasan, kundi sa ating pakikipagkaibigan sa Kanya.
Ang pagkakaibigang ito ang nagbibigay ng lakas ng loob kay Pedro upang magpatotoo sa kanyang pagmamahal kay Hesus hanggang sa pag-aalay ng kanyang buhay.
“Lahat tayo’y nakararanas ng mga sandali ng kahinaan, pagkadismaya, at panghihina ng loob… kagipitan, mga masakit na pangyayari, karamdaman, kamatayan, pagsubok, mga hindi pagkakaunawaan, tukso at kabiguan… Kapag sa tingin ng tao hindi niya malampasan ang ilang hamon na pisikal o espirituwal at umaasa na lang siya sa kanyang sariling lakas, napipilitan siyang magtiwala sa Diyos. At namamagitan ang Diyos dahil naaakit Siya sa pagtitiwalang ito. Kaya Niyang gawin ang lahat ng bagay na tila mas makapangyarihan dahil ang mga ito’y nagmumula sa kamalayang tayo’y maliit at walang kakayahan.” [2]
Araw-araw, maaari tayong magpakatotoo sa harap ng Diyos at hingin ang Kanyang nakapagpapagaling na pakikipagkaibigan. Sa ganitong nagtitiwalang paghahabilin ng sarili sa Kanyang awa, maaari tayong bumalik sa malapìt na ugnayan natin sa Panginoon at ipagpatuloy ang ating paglalakbay kasama Siya.
“Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.”
Itong Kataga ng Buhay ay maaari ring maging isang personal na panalangin habang kinikilala natin ang hangganan ng ating lakas ngunit nagtitiwala sa Diyos at nagpapasalamat sa Kanya para sa lahat ng mga tanda ng Kanyang pag-ibig:
“Mahal kita dahil pumasok ka sa buhay ko higit pa sa hangin sa aking baga, higit pa sa dugo sa aking mga ugat. Pumasok ka kung saan walang makapasok, noong walang makatulong sa akin, noong walang makapag-aliw sa akin… Gawin mong makapagpasalamat ako sa iyo – kahit kaunti – sa panahong natitira sa akin, para sa pag-ibig na ito na ibinuhos mo sa akin, at pinilit akong sabihin sa iyo na mahal kita.” [3]
Maari nating sundin ang istilo ng pagmamahal ni Hesus sa ating mga ugnayan sa pamilya, lipunan at Simbahan. Minahal ni Hesus ang lahat, Siya ang unang nagmahal at “naghugas ng paa”[4] ng ating mga kapatid, ang lahat nang may kababaang-loob at pagtitiyaga, na hindi nanghuhusga, bukàs sa paghingi at pagtanggap ng kapatawaran, lalo’t higit sa pinakamaliit at pinakamahina. Sa paggawa nito, matututo tayong tanggapin ang isa’t isa, na nauunawaan kung paano magkaagapay na maglakbay sa buhay.
Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Ihambing sa Mateo 16:18-19
[2] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Hulyo 2000
[3] C. Lubich, ‘Gratitude,’ Essential Writings, 2007
[4] Ihambing sa Juan 13:14


