Home2026July“Ang binhing nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at...

“Ang binhing nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawan ito, kaya’t ito ang namumunga.” (Mateo 13:23)

Lumikha ng Espasyo para Lumago

Ang pakikinig at pag-unawa ay nagtutulad sa atin sa lupang tumatanggap sa binhi ng Salita ng Diyos na maaaring magpahayag ng lakas nito at magbunga ng mabuti. Ang pagiging handang makinig ay lumilikha ng espasyo para sa buhay ng Diyos, na may awa na laging sumasaatin at may tiyaga ng manghahasik na nakakaalam at gumagalang sa oras na kinakailangan para mahinog ang binhi.

“Ang binhing nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawan ito, kaya’t ito ang namumunga.” (Mateo 13:23)

Matapos magsalita sa pamamagitan ng mga talinghaga sa maraming tao sa baybayin ng Lawa ng Tiberias, bumaling si Hesus sa Kanyang mga alagad at ipinaliwanag ang malalim na kahulugan ng Kanyang mga salita. Ang pangunahing tema ng kuwento ay ang Salita ng Diyos, na inihambing sa isang maliit at marupok na binhi. Maaaring pigilin ito ng mga bato, tinik, at mga ibon sa pagsibol, pag-uugat, at pagbunga ng hinog na mga uhay, ngunit alam ng matalinong manghahasik ang kakaibang sigla nito.

Sa pamamagitan ng mga larawang ito, inihahayag ni Hesus ang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Salita na saganang ibinibigay ng Diyos, ngunit may mga tumatanggap nito na, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hinahayaan itong mahulog sa lupa nang hindi nagbubunga. Sa puso ng tao, ang mababaw at labis na alalahanin sa mundo ay nananaig at sumisira sa higit sa natural na buhay, na nais ng Diyos na pag-alabin sa Kanyang mga nilalang.

Tayo rin, tulad ng mga alagad, ay inaanyayahan ni Hesus na pumasok sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos, at kasabay nito, tayo’y personal na hinahamon na pumili: anong uri ng “lupa” ang nais nating maging?

“Ang binhing nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawan ito; kaya’t ito ang namumunga.”

Ang pakikinig at pag-unawa: tila ito ang nagpapatulad sa atin sa lupang tumatanggap sa binhi ng Salita ng Diyos na maaaring magpahayag ng lakas nito at magbunga ng mabuti. Napakahalaga ng pagiging handang makinig sa iba: ito ang lumilikha ng espasyo para sa buhay ng Diyos, na may awa na laging sumasaatin at may tiyaga ng manghahasik na nakakaalam at gumagalang sa oras na kinakailangan para mahinog ang binhi.

Ang mga salita ng Diyos, gaya ng isinulat ni Chiara Lubich, “ay nagbibigay-liwanag hindi lamang sa isip, kundi pati na rin sa buong pagkatao natin, dahil ang mga ito’y liwanag, pag-ibig, at buhay. Nagbibigay sila ng kapayapaan — ang tinatawag ni Hesus na tanging Kanya: ‘ang aking kapayapaan’ — kahit sa mga sandali ng kaguluhan at paghihirap. Nagbibigay sila ng lubos na kagalakan kahit sa gitna ng pagdurusa na kung minsa’y bumabalot sa ating kaluluwa. Nagbibigay sila ng lakas, lalo’t higit kapag tayo’y balisa o pinanghihinaan ng loob. Pinapalaya nila tayo dahil binubuksan nila ang landas patungo sa Katotohanan. […] Maaari pa tayong magkaroon ng mas masidhing pagmamahal sa Salita ng Diyos at tanggapin ito nang mabuti kapag ipinapahayag ito sa atin sa mga simbahan, o kapag binabasa natin ito, pinag-aaralan o pinagninilayan… Ngunit higit sa lahat, tayo’y tinatawag upang isabuhay ito. […] Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng isang salita ni Hesus, isinasabuhay natin ang buong Mabuting Balita. Sa bawat isa sa Kanyang mga salita, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang buong sarili. Siya mismo ay nabubuhay sa atin […] at binabago ang ating paraan ng pag-iisip, pagkilos at lahat ng ating ninanais sa buhay.” [1]

“Ang binhing nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawan ito; kaya’t ito ang namumunga.”

Ikinuwento ito sa atin ni Wambil mula sa Mexico: “May panahon noon na parang nabitag ako sa isang malalim na hukay. Nasa isang mapang-abusong relasyon ako, sinubukan kong tumakas at ayusin ang lahat nang mag-isa. Dahil sa impluwensya ng social media at lahat ng binibigay sa akin ng mundo, madalas ang paghahanap ko sa mga bagay na hindi ginagabayan ng Diyos. Sa kabila ng lahat ng aking pagsisikap, wala akong nadamang kasiyahan at walang patutunguhan ang buhay. Alam ko na ang pag-ibig ay isang pangkalahatang wika. Nang magsimula akong magboluntaryo, nakahanap ako ng kaganapan na tanging sa Diyos lamang magmumula. Sa paglipas ng panahon, natuklasan ko ang isang lugar kung saan maaari akong makinig sa Kanyang salita at lumago ang aking ugnayan sa Kanya. Lubos akong nagpapasalamat.” Kahit na pakiramdam natin tayo’y parang tuyo at mabatong lupa, ang Salita ng Diyos mismo ang mabisa, gaya ng ipinahayag ni propeta Isaias: “Sapagkat kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit, at hindi bumabalik doon nang hindi dinidiligan ang lupa, at ito’y pinasisibulan at pinapayabong, […] magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig; hindi ito babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng aking ninanais, at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito” (Isaias 55:10-11).

Pinapalakas tayo ng pag-asang ito, sa panahong nangingibabaw ang takot at tensyon, pinapagyaman din natin ang tiwala sa mga taong kasama natin sa buhay. Naniniwala tayo sa kanilang kakayahang magkaroon ng mabuting bunga, na lumilikha ng mga pagkakataon para sa pakikinig at pag-uusap, upang maglakad nang sama-sama patungo sa isang mas magandang kinabukasang puno ng kapatiran.

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

[1] C. Lubich, Word of Life, Marso 2003

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read