HomeKATAGA NG BUHAY“Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita...

“Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya.” (Lucas 10:33)

Maging Malapít at Magbahagi sa Iba

Alam ni Hesus na ang bawat tao’y ‘nasusugatan’ ng kasalanan at ang Kanyang misyon ay: pagalingin ang mga puso sa pamamagitan ng nag-uumapaw na awa’t pagpapatawad ng Diyos, upang sila rin ay magkaroon ng kakayahang maging malapít at magbahagi sa iba.

“Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya.” (Lucas 10:33)

Nasa subway si Martine sa isa sa mga pangunahing lungsod sa Europa; nakatutok sa kani-kanilang cellphone ang lahat ng mga pasahero. Naisip niya na kahit konektado ang mga tao dahil sa teknolohiya, ang totoo’y nahihiwalay sila sa kani-kanilang mundo, ‘Hindi na ba tayo marunong humarap sa isa’t isa?’

Naging pang-araw-araw na karanasan na ito, lalo na sa mga lipunang mayaman sa materyal na bagay ngunit lubhang dukha sa pakikipag-ugnayan ng mga tao. Gayunpaman, pinapahayag lagi ng Mabuting Balita ang orihinal at malikhaing mensahe nito na ‘gawing bago ang lahat ng bagay.’[1]

Sa mahabang pakikipag-usap ni Hesus sa dalubhasa sa batas na nagtanong sa Kanya kung ano ang gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan,[2] sumagot si Hesus sa pamamagitan ng tanyag na talinghaga ng Mabuting Samaritano: nakita ng isang saserdote at isang Levita, [3] mga respetadong tao sa lipunan noong panahong iyon, ang isang lalaki na hinarang at binugbog ng mga tulisan, na nakahandusay sa tabing daan, ngunit siya’y dinaanan lang nila.

“Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya.”

Para sa dalubhasa sa batas na maalam sa kautusan ng Diyos na mahalin ang kapwa,[4] nagbigay si Hesus ng halimbawa ng isang dayuhan na itinuturing na isang rebelde at kaaway. Nakita ng lalaki ang sugatang manlalakbay at hinayaan niya ang kanyang sarili na magmalasakit, isang damdaming nagmumula sa kaloob-looban natin, mula sa kaibuturan ng puso ng tao. Kaya’t huminto siya sa kanyang paglalakbay, nilapitan ang lalaki at inalagaan ito.

Alam ni Hesus na ang bawat tao’y ‘nasusugatan’ ng kasalanan at ang Kanyang misyon ay: pagalingin ang mga puso sa pamamagitan ng nag-uumapaw na awa’t pagpapatawad ng Diyos, upang sila rin ay magkaroon ng kakayahang maging malapít at magbahagi sa iba.

‘… Upang matutong maging maawain tulad ng Ama, at ganap tulad niya, dapat nating tingnan si Hesus, ang buong pagpapahayag ng pag-ibig ng Ama… Ang pag-ibig ang ganap na mahalaga na nagbibigay ng kahulugan sa lahat ng bagay… at matatagpuan ang pinakamataas na pagpapahayag nito sa pagiging maawain. Tinutulungan tayo nito na makitang bago ang mga taong kasama natin araw-araw, sa ating pamilya, sa paaralan, sa trabaho, na hindi naaalala ang kanilang mga pagkakamali. Tinutulungan tayong huwag husgahan, bagkus patawarin ang mga pagkakasala ng iba sa atin. Sa katunayan, kalimutan ang mga ito.’ [5]

“Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya.”

Ang kahuli-hulihan at matatag na tugon ni Hesus ay isang malinaw na paanyaya: ‘Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.’[6] Ito ang inuulit ni Hesus sa sinumang tumatanggap sa Kanyang Salita: ang maging kapwa sa pamamagitan ng paggawa ng unang hakbang na ‘damhin’ ang mga sugat ng mga nakakatagpo natin araw-araw sa landas ng buhay.

Upang isabuhay ang pagiging malapìt sa iba na tinuturo ng Mabuting Balita, una sa lahat, kailangan nating hilingin kay Hesus na pagalingin tayo sa pagkabulag ng pagtatangi at pagwawalang-bahala, na pumipigil sa atin na tingnan ang mundo sa labas ng ating sarili. Samakatuwid, mula sa Samaritano, matututuhan natin ang kakayahang magmalasakit sa iba na nag-udyok sa kanya na itaya ang sarili niyang buhay. Tularan natin ang kanyang pagiging handa na gawin ang unang hakbang patungo sa iba, ang kanyang pagiging handa na makinig sa kanila, na akuin ang kanilang paghihirap, malaya sa paghuhusga at sa pagiging balisa sa pag-iisip na ito’y ‘pag-aaksaya lang ng panahon.’

Ganito ang nangyari sa isang kabataang babaeng mula sa Korea: ‘Sinubukan kong tulungan ang isang kabataang hindi ko gaanong kilala na mula sa ibang kultura. Kahit na hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin o kung paano gawin ito, nagkaroon ako ng lakas ng loob na subukan siyang tulungan, at hindi ko akalain na sa pag-aalok ng tulong, nadama kong gumaling ang mga sugat sa loob-looban ko.’

Ibinibigay sa atin nitong Kataga ng Buhay ang gintong susi upang isabuhay ang pagpapakataong Kristiyano. Ipinababatid nito sa atin ang ating iisang pagkatao, kung saan makikita ang larawan ng Diyos, at ito’y nagtuturo sa atin na buong tapang na lampasan ang mga balakid sa pagiging ‘malapìt’ sa pisikal at pangkulturang aspeto nito. Mula sa pananaw na ito, nagiging posible na palawakin ang mga hangganan ‘natin’ hanggang sa abot-tanaw ng ‘lahat’ at muling tuklasin ang mga batayan ng buhay sa lipunan.

Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay

[1] Ihambing sa Pahayag 21:5

[2] Ihambing sa Lucas 10:25-37

[3] Kaanib sa tribo ni Levi, ang tribo ng mga saserdote (pari) ng Israel

[4] Ihambing sa Deuteronomio 6:5; Levitico 19:18

[5] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Hunyo 2002

[6] Lucas 10:37

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read