Home2021JanuaryAng nananatili sa akin at ako sa kanya ang siyang namumunga nang...

Ang nananatili sa akin at ako sa kanya ang siyang namumunga nang sagana.” (Juan 15:5)

Taun-taon, ang mga Kristiyanong kasapi sa iba’t-ibang Simbahan sa buong mundo ay nagdaraos ng isang linggong pananalangin[1] kung saan hinihiling nila sa Ama ang biyaya ng pagkakaisa ayon sa ninanais ni Hesus.

Ninanais Niya ito “upang maniwala ang sanlibutan” (Juan 17:21). Binabago ng pagkakaisa ang mundo – hatid nito ay pagbabahaginan, kapatiran at pakikiisa. Ito ay isang biyaya ng Diyos at, dahil dito, mahalagang hingin sa Ama nang may sigasig at tiwala.  

Napatunayan ito ng isang grupong nagsasabuhay ng Kataga ng Buhay sa bansang Espanya. May ilang taon na rin na sa tuwing sasapit ang Linggo ng Pananalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano, nadarama nila ang pangangailangang magdasal upang makamtan ang biyaya ng pagkakaisa at bumuo ng tulay para makasalamuha ang iba. Sinulat ni Margarita: “Nakipag-ugnay kami sa mga opisyal para sa ekumenismo sa aming diyosesis at sa mga pinuno ng Simbahan sa aming lugar, at ibinahagi sa kanila ang aming mga nasasaisip. Pagkatapos, nagtipon kami bilang mga kapwa Kristiyano upang magdasal, sa iba’t ibang gusaling simbahan namin. Halimbawa, isang araw, ginamit namin ang simbahang Katoliko at sa susunod, ang simbahang Orthodox naman. Sa bawat pagtitipon, puno ang aming mga simbahan ng kaligayahang nanggagaling sa presensya ng Diyos. Siya ang nagbubukas ng daan tungo sa pagkakaisa.”

Para sa taong 2021, ang komunidad sa Grandchamp, Switzerland, na nakatalaga sa ganitong gawain ng muling pagkakasunduan ng mga Kristiyano, ay nagmungkahi ng mga angkop na kataga mula sa Mabuting Balita ayon kay Juan, upang magsilbing liwanag sa lakbaying ito:

“Ang nananatili sa akin at ako sa kanya ang siyang namumunga nang sagana.”

Ito’y isang mapaghamong paanyaya na hinihinging tayo ay mabuhay at magsikap na itaguyod ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa natatanging panahong ito, sa buong taon at sa buong buhay natin. Ang pagkakahati-hati natin ay tulad sa isang malubhang sugat na dapat hilumin, una sa lahat, sa pamamagitan ng awa’t tulong ng Diyos at ng ating pagtatalaga ng sarili upang kilalanin at igalang ang bawat isa, at sama-samang maging saksi sa Mabuting Balita.

Ipinapakita sa atin ng mga salita ni Hesus ang nararapat nating gawin: una sa lahat, dapat tayong “manatili” sa Kanyang pag-ibig.

Samakatuwid, kailangan nating palakasin ang ating personal na ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng ating buhay sa Kanya, at pagtitiwala sa Kanyang awa’t pagmamahal. Sa katunayan, si Hesus mismo ay tapat na “nananatiling” kasama natin lagi.

Gayundin, inaanyayahan tayo ni Hesus na manindigan kasama Niya sa pagtatalaga ng ating buhay bilang isang handog sa Ama. Mungkahi Niya na tularan natin Siya sa banayad na pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat taong kasama natin sa maliit o malaking bahagi ng ating maghapon. Hinihingi Niyang gawin natin ito nang may kagandahang-loob at walang tinatagong motibo, upang tunay na “mamunga nang sagana.”

“Ang nananatili sa akin at ako sa kanya ang siyang namumunga nang sagana.”

Ang pahayag na ito ni Chiara Lubich, ang nagtatag ng Kilusang Focolare, noong Oktubre 2002 sa Geneva sa pagdiriwang ng ika-485 na anibersaryo ng Reformation[2] ay malakas na tumitimo sa kalooban natin: “Kay laking pagmamahal ang kailangan ngayon ng mundo! Sinabi ni Hesus na makikilala ng mundo na tayo ay sa Kanya, at sa pamamagitan natin, kikilalanin Siya ng mundo, kung tayo ay may pagmamahalan at pagkakaisa. “Makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko, kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa.” (Juan 13:35). Ito ang aming naunawaan: ang kasalukuyang panahon ay humihingi ng pagmamahal mula sa bawat isa sa atin. Tinatawag tayo sa pagkakaisa, pagsasama-sama at pagbabahaginan. Tinatawagan din ang ibat-ibang Simbahan na muling buuin ang pagkakaisang nabuwag sa mga nakaraang siglo. Ito ang pagbabagong hinihingi sa atin ng Langit. Ito ang una at mahalagang hakbang na aakay sa atin tungo sa kapatiran ng lahat ng tao. Maniniwala lamang ang mundo kung tayo ay nagkakaisa. Sinabi ni Hesus: “Maging isa nawa silang lahat… upang maniwala ang sanlibutan.“ (Juan 17:21). Ito ang nais ng Diyos! Nawa’y bigyan Niya tayo ng biyaya upang ito’y mapaghandaan natin kahit na hindi natin masaksihan ang katuparan nito.”[3]

Letizia Magri


[1] Sa Hilagang Hemisphere, ito ay idinaraos mula ika-18-25 ng Enero; at sa Timog na Hemisphere ibang petsa ang pinipili malapit sa kapistahan ng Pentecostes.

[2] Ang Reformation Day (Reformationstag) ay taun-taong ipinagdiriwang tuwing ika- 31 ng Oktubre upang gunitain ang pagpapahayag ni Martin Luther ng 95 theses.

[3] C. Lubich sa L’Unità , Città Nuova, 2015, p. 87

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read