Mga Tanda ng Kanyang Pagliligtas
Inihahayag ng salita ng Diyos ang Kanyang pagkilos sa ating personal at pangkalahatang kasaysayan, at inaanyayahan tayong buksan ang ating mga mata sa mga tanda ng Kanyang plano ng kaligtasan. Kumikilos na ito sa mga taong gumagawa ng pagbabago sa mundo.
“Makikita ng buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.” (Isaias 52:10)
Noong ipinatapon ang bayan ng Israel sa Babilonia, nawala sa kanila ang lahat: ang kanilang lupain, ang kanilang hari, ang kanilang templo, at samakatuwid, ang kakayahang sumamba sa kanilang Diyos, na naglabas sa kanila sa Ehipto.
Ngunit pagkatapos, ang tinig ng isang propeta ay nagbigay ng isang nakakagulat na pahayag: oras na para bumalik sa kanilang tahanan. Muli, mamamagitan ang Diyos nang may kapangyarihan at aakayin ang mga Israelita sa disyerto patungong Jerusalem, at masasaksihan ng lahat ng tao sa mundo ang kamangha-manghang pangyayaring ito.
“Makikita ng buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.”
Maging sa kasalukuyan, ang balita’y nakababahala: mga taong nawawalan ng trabaho, kalusugan, katiwasayan, at dignidad; nasa panganib ang kinabukasan ng mga kabataan dahil sa digmaan at kahirapang dulot ng pagbabago ng klima sa kanilang mga bansa; mga taong nawalan ng lupa, kapayapaan, at kalayaan.
Itong kalunus-lunos na senaryo na sakop ang buong mundo ay nakakagulat at iniiwan tayo sa dilim. Sino ang magliligtas sa atin mula sa pagkasira sa lahat ng inakala nating hawak natin? Tila walang batayan ang pag-asa. Gayunpaman, ang mensahe ng propeta ay para rin sa atin:
“Makikita ng buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.”
Inihahayag ng salita ng Diyos ang Kanyang pagkilos sa ating personal at pangkalahatang kasaysayan, at inaanyayahan tayong buksan ang ating mga mata sa mga tanda ng Kanyang plano ng kaligtasan. Sa katunayan, kumikilos na ito sa iba’t ibang paraan: makikita ito sa sigasig sa pagtuturo ng isang guro, sa pagiging tapat at patas ng isang negosyante, sa kalinisang-budhi ng isang tagapangasiwa, sa katapatan ng isang mag-asawa, sa yakap ng isang bata, sa pagkalinga ng isang nars, sa pagpapasensya ng isang lola, sa lakas ng loob ng mga kalalakihan at kababaihan na mapayapang tumututol sa krimen, sa mabuting pagtanggap ng isang komunidad.
“Makikita ng buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.”
Papalapit na ang Pasko. Ihahayag muli ang matiyaga at maawaing presensya ng Diyos sa kasaysayan ng tao sa kalugud-lugod na kawalang-sala ng sanggol na si Hesus. Mapapatotohanan natin ito sa pamamagitan ng ating mga desisyon na maaaring salungat sa marami sa mga kasalukuyang kalakaran sa lipunan:
“[…] sa isang mundong tila paralisado ng materyalismo at pagkamakasarili at kung saan ang alitan at ang batas ng mga pinakamalakas at walang prinsipyong tao ang nananaig, ang sagot ay pagmamahal sa kapwa. Ito ang gamot na makapagpapagaling dito. […] Ito’y katulad ng isang alon ng kasiglahang mula sa Diyos na nagniningning at kumakalat, na pumapasok sa mga ugnayan ng mga indibidwal at grupo, at unti-unting binabago ang lipunan.” [1]
Katulad ng bayan ng Israel na nagsimula ng kanilang paglalakbay sa isang takdang panahon, ito ang panahon kung saan maaari rin tayong gumawa ng isang mahalagang hakbang upang iabot ang kamay sa mga nangangailangan ng kalinga at presensya – ang mga bata’t matanda, ang mga dukha at mga dayuhan, ang mga walang trabaho at ang mga walang tirahan, ang mga may sakit at mga bilanggo. Dapat tayong sumaksi sa banayad ngunit malakas na presensya ng pag-ibig ng Diyos sa ating piling.
Ngayon, nagiging limitasyon sa pagbabahagi natin nitong mensahe ng pag-asa ang mga hangganan ng mga bansa, na kadalasa’y nagiging mga pader o malulungkot na linya ng labanan, ngunit gayon din ang mga mga limitasyon ng kultura at karanasan ng tao sa buhay. Bukod pa rito, maaaring magmula sa mga digital na komunidad, na kadalasang binubuo ng mga kabataan, ang isang epektibong kontribusyon sa pagdaig sa karahasan, kalungkutan, at pagwawalang-bahala sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Tulad ng isinulat ng makatang taga-Congo na si Henri Boukoulou: “O, pag-asang mula sa Diyos! Masdan ang desperadong hikbi ng hangin kung saan nakaukit ang mga unang pangungusap ng pinakamagandang tula ng pag-ibig… At bukas, mayroong pag-asa!” [2]
Letizia Magri at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Mayo 1985
[2] AA.VV., Poeti africani anti-apartheid, Edizioni dell’Arco, 2002


