Home2020August“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?” (Rm 8:35)

“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?” (Rm 8:35)

Di-pangkaraniwan sa yaman ang nilalaman ng liham ni San Pablo sa mga taga-Roma. Isinasaad nito ang lakas na dulot ng Ebanghelyo sa buhay ng mga tumatanggap nito at ang ribolusyon na bunga ng pahayag na ang pagmamahal ng Diyos ang magpapalaya sa atin.

Naranasan ito ni Pablo at nais bigyang-patotoo ito sa pamamagitan ng salita at gawa.  Dahil sa katapatan nya sa tawag ng Diyos, tumungo siya sa Roma kung saan nag-alay ng kanyang buhay para sa Panginoon.

“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?”  

Bago ang lahat ng ito, binigyang-diin ni Pablo na “ang Diyos ay panig sa atin.”[i] Para sa kanya, ang pagmamahal ng Diyos ay tulad sa tapat na pag-ibig ng isang lalaki sa kasintahang pinakasalan –  siya na malaya nyang pinili – sya na habangbuhay niyang pinag-aalayan ng kanyang sarili. 

Ang Diyos ay hindi isang hukom, bagkus tayo ay Kanyang ipinagtatanggol.

Kaya’t walang makapaghihiwalay sa atin sa Kanya dahil sa ugnayan natin kay Kristo, ang minamahal Niyang Anak.

Walang paghihirap, maliit man o malaki, sa ating kalooban o sa paligid, ang di-kakakayaning lampasan ng pag-ibig ng Diyos. Sa katunayan, ayon kay Pablo, sinumang sumasampalataya sa Diyos sa panahon ng paghihirap at ipinauubaya ang sarili sa Kanya ang higit na nagwawagi.[ii]

Sa panahon ngayon ng mga superheroes na nais sakupin ang ating kaisipan sa pamamagitan ng kapalaluhan at kapangyarihan, ang mungkahi ng Ebanghelyo ay kababaan ng loob at pagiging bukas sa kaisipan ng iba.

“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?”  

Upang unawain at isabuhay ang mga katagang ito, makakatulong ang isang mungkahi ni Chiara Lubich. Sabi niya: “Tiyak na naniniwala tayo, o kaya sinasabi nating naniniwala tayo sa pag-ibig ng Diyos. Subalit sa harap ng mga pagsubok tulad ng pagkakasakit o tukso, hindi laging matibay ang ating pananampalataya. Madali tayong panghinaan ng loob at pangunahan ng pagdududa. ‘Mahal ba talaga ako ng Diyos?’ Subalit hindi tayo dapat mag-alinlangan. Huwag tayong mag-atubili, sa halip, buong pananalig nating ipaubaya ang sarili sa pagmamahal ng Ama. Lampasan natin ang kadiliman at kahungkagan sa pamamagitan ng pagyakap sa ating krus at gawin ang lahat upang mahalin ang Diyos, sa pagtupad  sa Kanyang kalooban at pagmamahal sa kapwa. Kung gagawin natin ito, madarama natin, ang lakas at ligaya ng muling pagkabuhay kasama ni Hesus. Mararanasan natin na tunay na ang lahat ay magbabago kung ipapaubaya natin ang ating sarili sa pag-ibig ng Diyos:  ang negatibo ay magiging positibo, ang kamatayan ay magiging bukal ng buhay, at isang kamangha-manghang liwanag ang sisikat sa karimlan.” [iii]

 “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?”

Kahit sa nakapanlulumong trahedya ng digmaan, kung may isang patuloy  na naniniwala sa pag-ibig ng Diyos, makapagbibigay siya ng kahit kaunting liwanag sa sangkatauhan. “Dito sa Balkans, patuloy ang walang-kabuluhang digmaan sa aming bansa. Ang mga sundalong nangunguna sa pakikipaglaban ay nababalot ng takot at poot dahil nasaksihan nila ang kamatayan ng mga kaanak at kaibigan. Ang tangi kong magagawa ay mahalin sila isa-isa. Sa mga sandali ng katahimikan, na totoong napakadalang, kinakausap ko sila at inaalam ang kanilang nararamdaman. At kahit ang karamihan sa kanila ay walang relihiyon, napag-uusapan din namin ang Diyos. Minsan, iminungkahi kong mag-anyaya ng isang pari upang mag-misa. Sumang-ayon silang lahat at ilan sa kanila ay nakapag-kumpisal muli makalipas ang dalawampung taon. Nadama ko at nasabing ang Diyos ay nasa aming piling.”


[i]  Rm. 8:31

[ii] cf. Rm. 8:37

[iii]C.Lubich, Kataga ng Buhay Agosto. 1987

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read