Kasama sa Paglalakbay
Sa kadilimang kinakaharap ng sangkatauhan sa ating panahon, marami ang nagtatanong kung nasaan ang Diyos. Maaaring hindi natin laging alam ang sagot, ngunit hinihimok tayo nito na huwag sumuko sa paghahanap natin kay Hesus, na ituon ang ating tingin sa isang kasama sa paglalakbay na madalas nating hindi nakikita, na kilalanin Siya na maipapakita ang Kanyang sarili kung isinasabuhay natin ang pagmamahal sa isa’t isa.
“Manatili ka sa amin, sapagkat malapit na ang gabi.” (Lucas 24:29)
Ang daan patungo sa nayon ng Emmaus ay nagsasalaysay ng isang paglalakbay ng dalawa sa mga alagad ni Hesus. Bigo sa kanilang mga pangarap, mga plano, at mga matinding sandaling naranasan nila kasama ang Panginoon, pabalik sila noon sa kanilang mga tahanan upang balikan ang dati nilang buhay, ang buhay bago nila nakilala si Hesus. Tatlong araw pa lamang ang lumipas mula noong ipako Siya sa krus, at nanaig ang pagkabigo, takot, at pagdududa sa Kanyang mga tagasunod.
Paalis na sila noon sa Jerusalem, ang lugar ng kanilang hindi natupad na pangarap. Inilalayo nila ang kanilang sarili kay Kristo at sa Kanyang mensahe, at “malungkot” sila dahil tila nakapagdesisyon na silang talikuran ang landas ng kanilang guro.
Ito ang kwento nating lahat, kapag naliligaw tayo ng landas, sa mga sitwasyong pinipilit tayong magdesisyon sa iba’t ibang bagay, at madalas, pinaniniwalaan natin na ang pagtalikod, pagsuko, o pag-iisip na wala na tayong magagawa ang tanging sagot sa ating pagkabalisa.
“Sino sa atin ang hindi nakakakilala sa bahay-tuluyan sa Emmaus? Sino ang hindi pa nakalakad sa daang ito sa gabing tila nawala na ang lahat sa atin? Si Kristo’y namatay sa atin… Wala nang Hesus na nabubuhay sa mundo.” [1]
“Manatili ka sa amin, sapagkat malapit na ang gabi.”
Sa paglalakbay, isang lalaki ang sumama sa kanilang dalawa, na tila walang kamalayan sa mga pangyayaring naganap. Nagsimula siyang magtanong, na naglabas ng lahat ng kanilang pinagdadaanang pait at kawalan ng pag-asa sa buhay. Una, nakinig siya sa kanila, at pagkatapos ay sinimulang ipaliwanag ang Banal na Kasulatan: ito’y isang pag-uusap, isang pakikipagtagpo na nag-iiwan ng marka, kaya’t, kahit hindi pa nila nakikilala si Hesus, hiniling nila sa Kanya na manatili sa kanila dahil sumasapit na ang gabi.[2]
Ito marahil ang isa sa pinakamagandang panalangin na matatagpuan sa mga aklat ng Mabuting Balita. Ito ang unang panalangin ng mga alagad sa Nabuhay na Mag-uli, at nakakaantig ang paanyayang ito na maaari nating lahat ipaabot sa Kanya, upang Siya’y manatili sa atin at sa piling natin.
Namulat ang mga mata ng dalawang alagad sa paghahati ng tinapay, at ang kagalakan pagkatapos nilang makilala Siya ang magtutulak sa kanila na bumalik sa Jerusalem upang ipahayag sa kanilang mga kaibigan ang naganap na muling pagkabuhay ni Hesus.
“Manatili ka sa amin, sapagkat malapit na ang gabi.”
“Marahil wala nang mas makapagpapaliwanag sa karanasan nating mga focolarina mula pa sa simula, ang pamumuhay kasama si Hesus sa piling natin, kaysa sa mga salitang ito,” isinulat ni Chiara Lubich. “Si Hesus ay palaging si Hesus, at kahit na Siya’y naroon lamang sa espiritu, kapag Siya’y naroon, paliwanag ng Banal na Kasulatan, nag-aalab ang Kanyang pag-ibig sa ating mga puso: ang Kanyang buhay. Kapag nakilala na natin si Hesus, sabik tayong sabihin sa Kanya: ‘Manatili Ka sa amin, Panginoon, dahil malapit na ang gabi’: kay dilim ng gabi kung wala Ka. (…)” [3]
Ang gabi ay simbolo ng kadiliman, ng hindi nalalaman, ng kawalan ng liwanag na hindi natin matatagpuan dahil hindi tayo naniniwala sa Kanyang presensya, na patuloy na sumasaatin, palagi. Binabalot ng gabi ang ating daigdig, na nasugatan at sinira ng mga tunggalian ng magkakapatid, ng mga digmaang patuloy na isinasagawa dahil sa pagnanasa sa kapangyarihan at pera.
Milyun-milyong tao ang nakararanas ng gabing ito. Wala na silang boses para sumigaw laban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan.
At paano natin makikilala ang presensya ni Hesus, na hindi palaging nagpapakita gaya ng inaasahan natin? Paano natin mauunawaan na Siya’y lumalakad kasama natin at hinahangad na tulungan tayong makilala ang mga palatandaan ng Kanyang presensya? At higit sa lahat, paano tayo makakalikha ng mga bagay para maipakita Niya ang Kanyang sarili at manatili sa atin?
Ito ang mga tanong na maaaring hindi natin laging alam ang sagot, ngunit hinihimok tayo nito na huwag sumuko sa paghahanap natin kay Hesus, na ituon ang ating tingin sa isang kasama sa paglalakbay na madalas nating hindi nakikita, na kilalanin Siya na maipapakita ang Kanyang sarili kung isinasabuhay natin ang pagmamahal sa isa’t isa.
Ang daan patungong Emmaus ay simbolo ng lahat ng daan sa ating buhay; ito ang daan ng pakikipagtagpo sa Panginoon, ang daan na nagpapanumbalik ng kagalakan ng ating puso. Ibinabalik tayo nito sa komunidad upang sama-samang magpatotoo na si Kristo’y muling nabuhay.
Patrizia Mazzola at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] François Mauriac, Vita di Gesù, Mondadori, Milano, 1950, p. 156.
[2] Ihambing sa Lucas 24:17-29.
[3] Chiara Lubich, Scritti Spirituali/3, Città Nuova, Roma 1979, p. 67.


