Home2022“Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang mabuting balita sa lahat...

“Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng nilikha.” (Marcos 16:15)

Sa Mabuting Balita ayon kay Marcos, ang mga huling salita ni Hesus na Muling Nabuhay ay matatagpuan sa talata na tumutukoy sa pagpapakita ni Hesus sa mga apostol pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay.

Sila’y nasa hapag-kainan, kung saan madalas nating nakikita sila na kasama ni Hesus bago pa man ang Kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Ngunit sa pagkakataong ito, makikita sa munting komunidad ang mga tanda ng kabiguan. Labing-isang apostol na lamang ang natitira, sa halip na labindalawa na ninais ni Hesus na kasama Niya, at nang ipako Siya sa krus, ikinaila siya ng ilan sa Kanyang mga tagasunod at marami ang tumakas.

Sa tiyak at di mapag-aalinlanganang pagtatagpong ito, pinagsabihan sila ng Panginoong Muling Nabuhay sa pagiging sarado ng kanilang puso sa sinabi ng mga taong sumaksi sa Kanyang muling pagkabuhay,1 ngunit kasabay nito, kinumpirma Niya ang Kanyang pagpili sa kanila. Sa kabila ng kanilang kahinaan, muli Niyang inihabilin sa kanila ang pagpapahayag ng Mabuting Balita, Mabuting Balita na Siya mismo, sa pamamagitan ng Kanyang buhay at mga salita.

Pagkatapos nitong taimtim na pananalita, bumalik ang Panginoong Muling Nabuhay sa Ama, ngunit kasabay nito, “nananatili” Siyang kasama ng Kanyang mga alagad, at nagpapatunay sa lahat ng kanilang pinapahayag sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda.

“Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng nilikha.”

Samakatuwid, ang komunidad na isinugo ni Hesus upang magpatuloy ng Kanyang misyon ay hindi isang grupo ng mga taong perpekto. Sa halip, sila’y mga taong tinawag upang “manatili” sa Kanya,2 upang maranasan ang Kanyang presensya, at ang Kanyang matiyaga at mahabaging pag-ibig. Pagkatapos lamang nila maranasan ito sila sinusugo upang “ipahayag sa lahat ng nilikha” na malapit ang Diyos sa kanila.

At tiyak na hindi nakasalalay ang tagumpay ng kanilang misyon sa sarili nilang kakayahan, kundi sa presensya ng Panginoong Muling Nabuhay na ihinahabilin ang Kanyang sarili sa Kanyang mga alagad at sa komunidad ng mga mananampalataya, kung saan lumalago ang Mabuting Balita ayon sa kung gaano ito isinasabuhay at ipinapahayag.3

Kung gayon, ang magagawa natin bilang mga Kristiyano ay sumaksi sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating buhay at mga salita. Maaari tayong lumabas sa sariling mundo nang may tapang at pagkabukas-palad, upang makapaghandog sa lahat, nang may paggalang at pangangalaga, ng mga kayamanan ng Panginoong Muling Nabuhay na nagbubukas sa ating mga puso sa pag-asa.

“Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng nilikha.”

Ito’y may kinalaman sa palagiang pagsaksi kay Hesus at hindi sa ating sarili; sa katunayan, hinihiling sa atin na “kalimutan” ang sarili, na “maglaho” upang Siya ay makilala. Kailangan nating gumawa ng puwang sa ating sarili para sa kapangyarihan ng Kanyang Espiritu, na humihimok sa atin patungo sa kapatiran:

“… Dapat kong sundin ang Espiritu Santo na, sa tuwing makakatagpo ako ng isang kapatid, hinahanda ako upang ‘makiisa’ sa kapatid na ito, upang mapaglingkuran siya ng lubos. Siya ang nagbibigay sa akin ng lakas na mahalin silang maituturing kong kaaway. Pinapayaman ng Espiritu Santo ang aking puso sa pagkahabag upang matutong magpatawad at maunawaan ang kanilang mga pangangailangan. Siya ang nagpapasigasig sa akin na magpahayag ng mga pinakamagandang bagay sa aking kaluluwa kapag napapanahon ito… Sa pamamagitan ng aking pagmamahal, naipapahayag at naibabahagi sa iba ang pag-ibig ni Hesus… Sa pamamagitan nitong pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso, malayo ang ating mararating, at maibabahagi natin ang ating natuklasan sa marami pang tao… hanggang sa ang mga ito, na labis na naantig ng pagmamahal ng Diyos sa atin, ay nanaising ‘makiisa’ sa atin, sa pagbibigay ng tulong, mithiin, proyekto, at pagkalinga sa isa’t isa. Sa gayon lamang natin maibabahagi ang salita ng Diyos, at ito’y magiging isang regalo, sa pagkatugunan ng pagmamahal.”4

“Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng nilikha.”

“Sa lahat ng nilikha.” Ang mga salitang ito’y nagpapabatid sa atin na kabilang tayo sa napakalaking mosaic ng Nilikha na higit nating pinapahalagahan at binibigyan ng pansin ngayon. Ang mga kabataan ang madalas na nangunguna sa bagong landas na ito ng sangkatauhan. Sa istilo ng Mabuting Balita, pinapatunayan nila, sa pamamagitan ng mga gawa, ang kanilang ipinapahayag sa pamamagitan ng mga salita.

Ibinahagi ni Robert, mula sa New Zealand, ang kanyang karanasan sa Internet: “Ang isang aktibidad na kasalukuyang ginagawa sa aming teritoryo ay sumusuporta sa pagsasaayos ng daungan ng Porirua sa katimugang bahagi ng rehiyon ng Wellington sa New Zealand. Sama-sama sa inisyatibang ito ang mga lokal na awtoridad, ang Katolikong komunidad ng mga Māori, at ang lokal na tribo. Layunin namin na masuportahan ang tribong ito sa kanilang pagnanais na manguna sa pagsasaayos ng daungan, upang matiyak na malinis ang dumadaloy na tubig at upang pahintulutan ang pag-ani ng mga shellfish at ang nakagawiang pangingisda nang walang pangamba sa polusyon. Naging matagumpay ang mga inisyatibang ito at lumikha ng isang tunay na diwa ng komunidad. Ito ang hamon: ang maiwasan na ito’y maging isang pangyayaring lumilipas at mapanatili ang isang pangmatagalang programa na nagbibigay ng tulong at suporta, at tunay na nagsusulong ng pagbabago sa larangang ito.”5

Letizia Magri


1 Cf. Marcos 16: 9-13

2 Cf. Marcos 3: 14-15

3 Cf. Vatican II Documents, Dei Verbum, 8

4 C. Lubich, Kataga ng Buhay, Hunyo 2003

5 Para sa kumpletong artikulo, tingnan ang http://www.unitedworldproject.org.workshop

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read