Home2021Gumagawa nang May Ganap na Pakikipag-isa

Gumagawa nang May Ganap na Pakikipag-isa

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Mainam na igugol ang oras natin sa ganap na pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos sa kasalukuyang sandali. Subalit minsan, nag-aalala tayo tungkol sa nakaraan o sa kinabukasan. Nag-aalala tayo tungkol sa mga sitwasyon o sa mga tao kahit na wala naman tayong magagawa para sa kanila sa kasalukuyan.

Dito tayo nahihirapan sa pag-ugit sa bangka ng ating buhay. Kailangan ng lubos na pagsisikap upang manatili tayo sa landas na nais ng Diyos para sa atin sa sandaling iyon. Sa mga panahong ito, kailangan natin ng lakas ng kalooban, pagpupunyagi, lalo na ng pagtitiwala sa Diyos, at kung minsan hanggang sa kabayanihan.

May magagawa ba ako para lutasin ang isang kumplikadong sitwasyon o para sa isang minamahal na may karamdaman o nasa panganib? Kung gayon, pagtutuunan ko ng pansin ang mahusay na paggawa ng nais ng Diyos para sa akin sa kasalukuyan: ang pag-aaral, ang paggawa ng mga gawaing-bahay, ang panalangin, ang pag-aalaga ng mga bata … Diyos na ang bahala sa iba pang bagay. Aaliwin Niya ang mga naghihirap at ipapakita ang paraan upang maayos ang nagkabuhol-buhol na sitwasyon.

Sa ganitong paraan, tinutupad ang gawain ng dalawang may ganap na pakikipag-isa. Hinihingi nito ang malaking pananampalataya sa pagmamahal ng Diyos para sa kanyang mga anak. At sa kabilang banda naman, nagbibigay ito ng pagkakataon sa Diyos na pagkatiwalaan tayo na gawin ang ating parte. Ang pagtitiwalang ito sa isa’t isa ay nakagagawa ng mga himala. Ating matatanto na may Iba na nakagawa ng hindi natin kayang gawin, at nagawa Niya ito nang mas mabuti kaysa sa atin.

Kung gayon, ang pagtitiwala natin ay gagantimpalaan. Ang limitado nating buhay ay nagkakaroon ng bagong dimensyon: nararamdaman nating mas malapit tayo sa walang-hanggang buhay na ating inaasam. Ang ating pananampalataya ang nagpapasigla at nagbibigay ng bagong lakas sa ating pagmamahal. Hindi na natin makikilala ang kalungkutan. Dahil naranasan na natin ito, magkakaroon tayo ng mas malalim na kamalayan bilang mga anak ng isang Diyos, na isang Ama na kayang gawin ang lahat.

Chiara Lubich


Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 36-37

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read