Home2022Bawat Sandali sa Maluwalhating Liwanag ng Diyos

Bawat Sandali sa Maluwalhating Liwanag ng Diyos

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw, at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Maganap Nawa ang Kalooban Mo

Sa isang taong hindi masyadong nagmamahal sa Diyos, ngunit kahit paano’y may takot sa Kanya, ang mga salitang ‘Maganap nawa ang iyong kalooban’ ay nagpapahiwatig ng pagsuko. Samantalang naiintindihan ng sinumang tunay at taos-pusong nagmamahal sa Diyos na ang kalooban ng Diyos ang pinakadakila’t pinakamatayog na maaaring gawin.

Walang nang hihigit pa sa pagsunod sa ganitong Ama, na gumagabay sa atin sa bawat sandali, na nangungusap sa atin sa marami at iba’t ibang paraan. Nakikipag-usap Siya sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayari sa buhay, sa pamamagitan ng mga turo, ng ating mga tungkulin, mga inspirasyon, pagdurusa, sa pamamagitan ng mga nangyayari at sa pamamagitan ng mga alituntunin at batas. Ang lahat ng ito’y tulad ng mga nota ng isang himig, na binubuo sa langit at pinatutugtog sa lupa ng isang tumatalimang alpa ng pusong nagmamahal sa Diyos.

Ang Diyos, na nagmamahal sa bawat isa nang may pag-ibig na walang-hanggan, ay naghanda para sa ating lahat ng magkakaiba at maka-Diyos na paglalakbay. Banal man at makamundo, kalunus-lunos at kapana-panabik, pagdiriwang at pagluksa, isang napakagandang larawan ang nabubuo rito, na higit nating mauunawaan sa kabilang buhay kapag nakikita na natin ang lahat sa maluwalhating liwanag ng Diyos.

Ang Tunay na Kahulugan ng Panahon

Mayroong mga pagkakataon sa ating buhay kung saan pinahahalagahan natin ang bawat sandali. Halimbawa, maaaring masugid nating subaybayan ang bawat kilos at sulyap, bawat salita at paghahangad, ng isang mahal sa buhay na malapit nang sumakabilang-buhay. Pinahahalagahan natin itong huling yugto ng buhay, dahil nasa harap natin ang kamatayan. Sa katunayan, ang buhay na walang-hanggan ang nagbibigay ng tunay na kahulugan sa panahon.

Marahil dapat nating pahalagahan, sa ganitong paraan, ang bawat sandali ng ating buhay. Dapat nating samantalahin ang kasalukuyang panahon, isabuhay ito sa pagmamahal para sa Diyos, at, sa gayon, gawin itong sandaling nananatili magpakailanman.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas at Jonas Lardizabal mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, p. 47, 56.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read