Home2021Bawat Sandali sa Kalooban ng Diyos

Bawat Sandali sa Kalooban ng Diyos

Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nais naming ibahagi sa aming mga mambabasa ang salin sa Filipino ng aklat ni Chiara Lubich tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagninilay na ito ay hango sa librong “Here and Now” o “Discovering the Present: Meditations on Living in the Present” ng New City Press. Nawa’y matulungan tayo nito na harapin ang bawat araw at sa bawat sandali, tupdin ang kalooban ng Diyos.

Ang Magsimula Muli

Ang magsimula muli. Ito ang dapat na nasa aking isipan upang maging gabay ko sa buong maghapon.

Kapag maayos ang lahat, hindi ito nangangahulugang maganda ang takbo ng buhay. Maganda ito kapag – malungkot man o masaya, sa mabuting kalusugan man o sa karamdaman – inaalay natin ang lahat sa Panginoon, habang nagsusumikap na maging katulad Niya.

KUNJ PAREKH

Sinulat ni San Pablo: Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. Nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala ng pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.” (Ph 3:13-14)

Isang napakagandang pangungusap. Dapat nating lubos na maunawaan ang bawat salita nito. May mga taong hindi kinalilimutan ang nakaraan, ngunit hindi sila nagpapatuloy. Hindi man lang nila iniisip na makaabot hanggang sa katapusan. Ang iba nama’y kinalilimutan ang nakaraan at laging nagsisimula muli. Subalit ang paglimot sa nakaraan at ang masigasig na pagpapatuloy hanggang sa katapusan ay katangian ng isang taong banal tulad ni San Pablo.

Ngunit ano ang makakapigil sa atin na pagsikapang gawin din ito?

Hindi Maghihintay ang Panahon

Madalas sabihin ni Santa Catalina ng Siena: “Huwag mong hintayin ang panahon… dahil hindi ka hihintayin ng panahon.” Tulad ng maraming ibang kasabihan, isa ito sa hindi natin dapat makalimutan. Mahalin natin ang Diyos sa kasalukuyang panahon, na buong pusong tinutupad ang Kanyang kalooban.

Ang Panahong Nananatili

“Kay bilis ng paglipas ng panahon,” madalas nating ibulalas, nagugulumihanan habang pinagmamasdan natin ang mabilis na paglipas ng mga araw. “Nananatili pa rin ang panahon!” ang sasabihin natin kung may kamalayan nating ginugol ang bawat oras at bawat sandali sa ganap na pagtupad sa Iyong kalooban.

Chiara Lubich

Isinalin ni Jose Aranas mula sa aklat na Here and Now: Meditations on Living in the Present. Manila: New City Press, 2014, pp. 30-35

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read