Ang Kaganapan ng Pag-ibig
Ibalik natin ang pag-ibig sa sentro ng ating buhay. Mahalin natin ang iba sa konkretong paraan, tulad ng pagmamahal sa kanila ni Hesus: Siya ang kaganapan ng pag-ibig, na lubusang ibinibigay ang sarili sa Diyos at sa sangkatauhan. Sa Kanya natin matututunan ang pinakamataas na sukat ng pagmamahal.
“Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa; kaya’t ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.” (Roma 13:10).
Maaari ba nating utusan ang isang tao na magmahal sa iba? Kung nauunawaan natin ang pag-ibig bilang isang damdamin, malinaw na imposible ito! Gayunpaman, kung nauunawaan natin ito bilang isang kaloob mula sa Diyos, magbabago ang mga bagay-bagay.
Sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, kung saan kinuha itong kataga ng buhay, ganap na inilarawan ni San Pablo ang ugnayan sa pagitan ng Kautusan at pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasabi na ang pag-ibig ay siyang katuparan ng Kautusan. Inihayag na niya ang pinagmumulan ng pag-ibig na ito: ‘Ipinapakita ng Diyos sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Kristo para sa atin’ (Roma 5:8). Ang Unang Sulat ni San Juan ay tumutukoy din sa pag-ibig: ‘Ito ang pag-ibig: hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at isinugo ang kanyang Anak bilang pantubos na handog para sa ating mga kasalanan’ (1 Juan 4:10).
“Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa; kaya’t ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.”
Wala sa atin ang makapagbibigay ng isang bagay na wala tayo. Malinaw itong naunawaan ni San Agustin at sa direkta niyang pagkausap sa Diyos, sinabi niya: ‘Ibigay ang iyong iniuutos, at iutos ang iyong nais.’ [1] Natanggap natin ang napakahalagang kaloob ng pag-ibig ng Diyos at tinatawag tayo hindi lamang upang sarilihin ito kundi upang ipasa ito sa iba. Mula sa pagiging mga tumatanggap ng pag-ibig ng Diyos, maaari tayong maging mga kinatawan nito: mula sa pagiging minamahal, tayo’y tinatawag upang maging mga nagmamahal, sa gayon, nakikibahagi tayo sa mismong buhay ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo: ang Nagmamahal, ang Minamahal at ang Pagmamahal.
Tinitiyak sa atin ni San Pablo na wala tayong utang sa ibang tao maliban sa pagmamahal na ito sa isa’t isa, sapagkat ang sinumang nagmamahal sa iba ay nakatupad na sa Kautusan.[2]
“Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa; kaya’t ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.”
‘Ang tunay na pag-ibig sa kapwa,’ sabi ni Chiara Lubich, ‘ay hindi nakakasama.’ Samakatuwid, tinutulungan tayo nito na isabuhay ang lahat ng utos ng Diyos, nang walang pinipili, dahil ang pangunahing layunin nito ay tulungan tayong maiwasan ang lahat ng uri ng kasamaan – sa ating sarili at sa ating mga kapatid – na maaaring mangyari sa atin.’ [3]
Sa ganitong paraan, ang mga hinihingi ng Kautusan ay nagiging isang kaloob ng pag-ibig ng Diyos sa halip na isang obligasyon: hindi nito pinipigilan ang ating pag-ibig, bagkus pinapalaya ito.
“Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa; kaya’t ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.”
Upang maabot ang antas ng pag-ibig na ito para sa ating kapwa, ang unang hakbang ay ang pag-iwas sa pananakit sa kanila. Gayunpaman, maaari natin itong dalhin pa sa mas mataas na antas at maging malikhain sa pag-ibig: Ipinaalala sa atin ni Papa Francisco: “Hindi sapat na hindi manakit sa ating kapwa; dapat nating piliing gumawa ng mabuti, samantalahin ang mga pagkakataon upang magpatotoo na tayo ay mga alagad ni Hesus.” [4]
Kung gayon, paano natin isasabuhay itong kataga ng buhay? Ibalik natin ang pag-ibig sa sentro ng ating buhay. Mahalin natin ang iba sa konkretong paraan, tulad ng pagmamahal sa kanila ni Hesus: Siya ang kaganapan ng pag-ibig, na lubusang ibinibigay ang sarili sa Diyos at sa sangkatauhan. Sa Kanya natin matututunan ang pinakamataas na sukat ng pagmamahal.
“Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa; kaya’t ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.”
Ikinuwento sa atin ni Doris, isang dalaga mula sa Scotland: ‘Sa aming palagiang pagbisita sa isang silungan para sa mga walang tirahan, pumapasok ako sa isang mundong ibang-iba sa akin. Alam ko na ang nararamdaman ko ay hindi gaanong mahalaga; ang mahalaga ay ang magmahal. Isang araw, isang lalaki na may bahid ng matinding kalungkutan sa mukha ang nagsabi sa akin na handa na siyang wakasan ang lahat, na gusto na rin niyang mamatay. Naupo lang ako at nakinig sa kanya, at pagkatapos, nagsalo kami sa isang sandwich at kape. Napagtanto ko na ang pakikinig at presensya ay isang paraan na ng pagpapakita ng pagmamahal. Nang oras na para umalis, niyakap niya ako nang mahigpit at ngumiti, at sinasabing ang ginagawa namin ay napakahalaga, hindi lamang para sa kanya, kundi para sa lahat ng naroon. Naramdaman ko ang hindi pambihirang kapangyarihan ng pagmamahal. Marahil, hindi ko siya ‘nailigtas,’ ngunit pinuno ako ng kagalakan ng kanyang pasasalamat, at iyon mismo ay makapangyarihan.’
Claudio Cianfaglioni at ang pangkat ng Kataga ng Buhay
[1] Confessions of St. Augustine 10,29,40
[2] Cf. Roma 13:8
[3] C. Lubich, Kataga ng Buhay, Setyembre 1993
[4] Papa Francisco, Pangkalahatang Panayam, 3 Enero 2018


