Home2026AugustPanatag sa Piling Niya

Panatag sa Piling Niya

Kapag ang lahat ng bagay sa paligid mo ay nagsasabi sa iyo na si Hesus ay wala o napakalayo, madalas Siyang nagpapakita sa iyo sa hindi inaasahang paraan. Sa piling Niya, matatagpuan natin ang liwanag at lubos na kagalakan.

“Huwag kayong matakot, ako ito.” (Mateo 14:27).

Maaaring maranasan ng mga Kristiyano itong sandali ng kadiliman hindi lamang bilang isang komunidad, kundi pati na rin bilang mga indibidwal. Ikaw rin, tulad ng sinumang Kristiyano, ay maaaring nakaranas ng malubhang pagdududa sa pananampalataya. Maaaring nagsimula kang mag-alinlangan sa lahat ng iyong pinaniniwalaan. Maging ang mga santo ay dumaan sa ganitong uri ng mga pagsubok. Si Santa Teresa ng Lisieux ay isang halimbawa, dahil nagsimulang tuksuhin siya ng mga kaisipang nagpapahalaga sa mga materyal na bagay na lumalason sa lipunan noong panahong iyon, kahit na noong siya’y naghihingalo na. Napakahirap ng mga sandaling ito. Marahil naranasan mo rin ito, at naramdaman mong nag-iisa ka sa iyong pagsubok, iniisip na kailangan mong lumaban, nang walang tumutulong sa iyo, laban sa mistulang pasalungat na hangin. Gayunpaman, kapag ang lahat ng bagay sa paligid mo ay nagsasabi sa iyo na si Hesus ay wala o napakalayo, madalas Siyang nagpapakita sa iyo nang hindi inaasahan, sa gitna ng mga paghihirap, tulad ng ginawa niya sa mga alagad. Nakita ni Hesus na mararanasan nila ang mga sandali ng kadiliman at liwanag, kaya, bago Siya namatay, tiniyak Niya sa kanila: “Kayo’y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso.” [1]

Si Hesus na lumalakad sa tubig ay malinaw na hari ng sangnilikha, ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Ngunit ang pagpapakitang ito ay maaaring makagambala sa iyo. Maging ang mga alagad ay nagsabi, “Multo!” Ang unang reaksyon sa mga pagpapakita ng Diyos ay palaging takot. Sinasabi pa nga na sa mismong takot na pinupukaw nito, maaaring makita ang pagkakaiba ng isang pangyayaring mula sa Diyos sa isang pangyayaring hindi natural at mula sa demonyo. Ngunit kung paanong ang presensya ni Hesus, na sa una ay nagdulot ng takot kay Pedro, at pagkatapos ay nagbigay inspirasyon sa kanya at nagdulot ng labis na pagtitiwala kaya’t hindi siya natakot na lumakad sa tubig upang maabot si Hesus, dapat gayundin ang mangyari sa iyo. Sa gitna ng anumang bagyo, makatitiyak ka na sasabihin Niya sa iyo: “Huwag kang matakot, ako ito.”

Sa sandali ng pagsubok, nais ni Hesus na ang buong Simbahan at bawat Kristiyano ay magkaroon ng lakas ng loob, na hindi sumusuko. Nais Niya silang magtiwala sa Kanya nang lubos, sa kabila ng ipinapakita ng buhay. Higit sa lahat, nais Niya silang mamuhay sa paraang lagi Siyang naroon sa kanilang piling. At ipinahiwatig Niya kung paano ito gagawin nang sabihin Niya: ‘Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, naroon ako sa piling nila.’ [2] Sapagkat kapag Siya ay naroroon, malayo ang panganib. Sa sandaling ‘sumakay [sina Hesus at Pedro] sa bangka, tumigil ang hangin.’

Simulan nating isakatuparan ang buhay ng Diyos na ibinigay sa atin, na sama-samang nagsusumikap na gawin ang lahat ng ating makakaya upang hindi Siya kailanman mawalay sa ating piling.

Ang magkaisa sa Kanyang pangalan ay nangangahulugang magkaisa sa Kanya, sa katotohanang Kanyang dala, sa Kanyang kalooban, na, higit sa lahat, ang Kanyang utos: ‘Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.’ [3]

Kung gagawin natin ito, kung handa tayong magmahalan gaya ng pagmamahal Niya sa atin, Siya’y sasaatin. At ano pa nga ba ang mas mainam na kasama natin sa buhay na ito? Bubuksan Niya para sa ating lahat ang daan patungo sa buhay na walang-hanggan.

Chiara Lubich

C. Lubich, Kataga ng Buhay, Agosto 1981

[1] Juan 16:22.

[2] Mateo 18:20.

[3] Juan 15:12.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Must Read