Sa sentro ng Mabuting Balita ay ang katotohanang ang Diyos ay wagas na Pagibig, at ang bawat isa sa atin ay minamahal ng Diyos nang lubos at walang kondisyon.
Ang pagtanggap ng personal na pagibig ng Diyos ay isang pagkakatuklas na magpapanibago ng ating buhay. Mahal ako ng Diyos, mahal ka ng Diyos! Mahal tayo ng ating Tagapaglikha. Mahal ako ng Diyos ng sansinukob.
Paulit-ulit na sinabi ng mga sinaunang Kristiyano, “Ating napagtanto at tayo’y naniwala sa pag-ibig ng Diyos para sa atin” (1 Jn 4:16). Ang Espiritwalidad ng Komunyon ay nagsisimula sa pangunahing karanasang ito: ang muling pagtuklas at pagtanggap sa personal na pag-ibig ng Diyos. “Sapagkat minahal ng Diyos ang mundo ay ibinigay niya ang Kanyang kaisa-isang Anak…” (Jn 3:16). Kung gayon, ang pag-ibig ng Diyos ay nararapat na maisapuso ng bawat Kristiyano.
Ipinauunawa ng ating pagkatuklas sa pagibig ng Diyos na tayong lahat sa mundong ito ay magkakapatid, at minamahal ng ating mapagmahal na Ama ang bawat taong nakakasalamuha natin.
Subalit ang pag-ibig ng Diyos ay nanghihimok din ng isang tugon ng pag-ibig. Hinihimok tayo nito sa isang malalim at taimtim na pagpili sa Diyos bilang sentro ng ating buhay. Ito ang ibinubunyag ng Bibliya sa atin: “Mahalin ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong-isip, at nang buong lakas.” (Mc 12:30).
Nais nating isigaw at ibahagi ang Mabuting Balita ng pag-ibig ng Diyos sa lahat. Sa Espiritwalidad ng Pagkakaisa, hindi wastong itago para sa ating sarili ang pagkatuklas sa pag-ibig ng Diyos. Nararapat natin itong ibahagi sa iba.
Mula sa salaysay ng mga pangunahing karanasan ni Chiara Lubich:
“Nasa paaralan pa ako noon. Dumaan ang isang pari… ninais niya akong kausapin. Hiniling niyang ialay ko ang isang oras ng aking araw para sa kanyang mga panalangin. At aking sinagot, “Bakit hindi ang buong araw?” Sa kanyang pagkamangha sa pagiging bukas-palad ng isang kabataan… sinabi niya sa akin, “Tandaan mong mahal na mahal ka ng Diyos.” Ito’y tila isang nakabubulag na liwanag.
“Mahal na mahal ako ng Diyos. Mahal na mahal ako ng Diyos!” Ibinahagi ko ito sa aking mga kaibigan: “Mahal na mahal ka ng Diyos. Mahal na mahal tayo ng Diyos.” “Mula sa sandaling iyon, saanman ay nakita kong naroroon ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang pagibig: sa umaga, hapon at gabi, sa aking pagkasigasig, sa aking mga pagpapasya, sa pangyayaring maliligaya at nakapapawi ng ligalig, sa mga sandali ng kalungkutan, pagkabagabag at pagsubok. Siya ay laging naroon, sa alinmang dako, at ipinapaliwanag niya ang mga bagaybagay sa akin.
“At ano ang kanyang ipinapaliwanag? Na ang lahat ay pag-ibig. Ang aking buong pagkatao at ang lahat ng ukol sa akin. Ang kabuuan ng ating pagkatao at ang lahat ng ukol sa atin. Na ako ay Kanyang anak at Siya ay aking Ama. Walang makatatakas sa Kanyang pag-ibig, kahit na ang aking mga pagkakamali, sapagkat pinahihintulutan Niya ang mga ito. Niyayakap ng Kanyang pag-ibig ang mga Kristiyanong tulad ko; niyayakap nito ang Simbahan, ang mundo at ang sansinukob. Ako’y pinapatnubayan Niya, at iminumulat Niya ang aking mga mata upang makita na ang lahat ng bagay at ang lahat ng tao ay pantay-pantay bilang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig.”