HomeArchives2016Tinawag Upang Maging Sambayanan: Ang Kalooban ng Diyos

Tinawag Upang Maging Sambayanan: Ang Kalooban ng Diyos

Sa pagpapatuloy ng ating serye ng mga pagninilay hango mula sa akdang Tinawag Upang Maging Sambayanan, narito ang ilang mga kaisipan at karanasang naglalahad ng ikalawa sa 12 punto ng Espiritwalidad ng Pagkakaisa: Ang Kalooban ng Diyos.

Laging sinunod ni Hesus ang kalooban ng kanyang Ama sa langit. Idinalangin niya, “Hindi aking kalooban ngunit ang Iyo ang susundin” (Lc 22:42). Gaya Niya, nais din nating isabuhay ang kalooban ng ating Ama sa bawat sandali ng ating buhay. Mahal tayo ng Diyos at mayroon siyang plano ng pag-ibig para sa atin. Kaya hindi natin isinusuko ang ating sarili sa pagtupad ng kalooban ng Diyos, sa halip ay talagang ninanais nating gawin ang kalooban ng Diyos.

 

Sa pagtupad nito sa bawat sandali, ipinahahayag natin ang ating pagmamahal para sa Diyos at inilalaan sa Kanya ang pangunahing puwesto sa ating buhay. Ito ang daan patungo sa isang kabanalang bukas para sa lahat: sa mga kabataan at matatanda; sa may higit man o kakaunting angkin na kakayahan; sa mga intelektwal at manggagawa; sa mga laiko, relihiyoso, at kaparian; sa mga may katungkulan sa pamahalaan at sa mga ordinaryong mamamayan.

Ito ang ating paraan upang isabuhay ang Ama Namin: “Sundin ang loob Mo.” Habang higit nating isinasabuhay ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyang sandali, higit tayong napapalapit sa isa’t isa. At si Maria ay maaaring maging ating modelo sa pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos, sapagkat ang kanyang buong buhay ay isang patuloy na pagtalima at pagbigkas ng “oo” sa Diyos.

Mula sa salaysay ng mga pangunahing karanasan ni Chiara Lubich: 

Minsan nang buklatin namin ang isang kopya ng libro ng Ebanghelyo, natuklasan namin ang mga salitang ito: “Hindi lahat ng taong nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ang papasok sa kaharian ng langit, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama sa langit” (Mt 7:21); gayundin, “Sinuman ang taglay sa kanyang puso ang aking mga utos at isinasabuhay ang mga ito ay ang nagmamahal sa akin” (Jn 14:21).

At matapos ay naunawaan namin: kung hangad namin ang Diyos bilang aming “mithiin,” kailangan naming gawin ang Kanyang kalooban, sapagkat ang ibigin ang Diyos ay hindi isang usapin ng damdamin; sa halip, ito’y isang kusang pagpapasya. Kaya sinikap naming gawin ang Kanyang banal na kalooban sa paraang ito’y ibinunyag sa amin ng mga pangyayari, sa pamamagitan ng kanikaniyang mga tungkulin, sa pamamagitan ng mga may katungkulan at dulot ng inspirasyong nabubunyag sa kasalukuyang sandali.

Ang hindi paglisan – kahit minsan – mula sa kalooban ng Diyos ay naging paraan upang ipahayag namin sa Kanya, sa paraang kongkreto, na Siya’y aming minamahal.1“At ang ating mga pagkakamali, ang ating mga kahinaan? Handog sa atin ni Santa Catalina ng Siena ang ilang nakapupukaw na mga salita: ‘Ang lahat na pinahihintulutan ng Diyos ay para sa ating pagpapakabanal.’”2

Mumunting Karanasan Oras ng pagtulog 

Gumagabi na noon, at nagbabasa ako ng isang libro. Dumating ako sa isang kapanapanabik na bahagi ng aklat, at sumagi sa aking isip na oras na ng pagtulog. Ninais kong ipagpatuloy ang pagbabasa, subalit alam kong kinailangan kong gawin ang kalooban ng Diyos sa bawat sandali (“Hindi ang aking kalooban, kundi ang Iyong kalooban ang susundin.” Lc 22:42). Sa sandaling iyon, ang Kanyang kalooban para sa akin ay magkaroon ng sapat na oras ng pagtulog nang sa susunod na araw, maaari akong maging listo at magagampanan ko nang mabuti ang Kanyang kalooban. Kung kaya agad akong pumanhik sa kama nang hindi nagbabasa ng kahit isa pang salita. (Maureen)

Higit na mahalaga kaysa sa telebisyon 

Nanonood ako noon ng larong futbol sa TV. Sinabi ng aking ina na dahil masama ang pakiramdam ko, dapat akong bumalik sa aking kwarto at magpahinga. Nais ko talagang panoorin ang natitirang bahagi ng laro ng futbol. Ngunit alam kong ito ang kalooban ng Diyos, kaya bumalik ako sa aking kwarto. (Tommy, 11)

Ilang Gabay na Tanong para sa Pagninilay: 

Ano ang mga karaniwang sitwasyon kung saan maaaring isabuhay ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyang sandali? Paano mo nauunawaan ang plano ng pagibig ng Diyos para sa iyo? Anu-ano ang maaaring maging hamon sa pagtupad ng kalooban ng Diyos mula umaga hanggang gabi? Pang-araw-araw na pagsusuri ng konsensiya: Ginawa ko ba ang kalooban ng Diyos sa araw na ito?

Panalangin Ang Mabuhay sa Kasalukuyan

Hesus, pahintulutan mo akong bumigkas lagi na tila ito ang huling salitang aking sasabihin. Pahintulutan mo akong kumilos lagi na tila ito ang huling gawaing aking tutupdin. Pahintulutan mo akong magtiis lagi na tila ito ang huling pagdurusang aking maiaalay sa Iyo. Pahintulutan mo akong manalangin lagi na tila ito ang kahuli-hulihan kong pagkakataon sa lupa upang makipag-usap sa Iyo.3

Isinalin ni John Paul Yumul mula sa librong “Called to Be Community: Making the Church a Home and School of Communion”

1 C. Lubich, May They All Be One, New City Press, New York, 1984, p. 12.
2 North American Gen 3 magazine, Vol. 9, bilang 5-6, p. 5.
3 Living City, Nobyembre 2011, Vol. 50, bilang 11, p. 22.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read