HomeArchives2016Tinawag Upang Maging Sambayanan

Tinawag Upang Maging Sambayanan

Sa pagpapatuloy ng ating serye ng mga pagninilay hango mula sa akdang Tinawag Upang Maging Sambayanan, narito ang ilang mga kaisipan at karanasang naglalahad ng ikaapat sa 12 punto ng Espiritwalidad ng Pagkakaisa: Pagmamahal sa Kapwa.

Ang uri ng pagmamahal na talagang nais ni Hesus mula sa atin ay ang mapagkapwang pagmamahalan. Ito ay isang pagmamahal na nagmumula sa magkabilang panig, pagmamahal na hindi lamang sumusulong ngunit bumabalik din. Sinabi ni Hesus sa atin, “Sa ganito ay makikilala ng madla na kayo ay aking mga alagad, kung magmamahalan kayo” (Jn 13:35). Sa gayon, ang pagmamahalan ay isang napakahalagang elemento ng isang espiritwalidad ng komunyon.

Iniutos pa nga sa atin ni Hesus na magmahalan tayo: “Narito ang aking utos: magmahalan sana kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Jn 15:12). At bago nito, sinabi ni Hesus sa atin, “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili” (Mc 12:31); ngunit sa Huling Hapunan, higit pa dito ang sadya Niya sa pagsasabing dapat maging mapagkapwa ang ating pagmamahal para sa isa’t isa, at ang sukat ng pagmamahal na ito ay kung paanong tayo ay Kanyang minahal: “gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”

Malaking pagsubok ang magmahal sa paraang tayo ay minahal ni Hesus, sapagkat nagmahal si Hesus hanggang sa sandaling nadama niyang Siya’y pinabayaan ng Kanyang Ama. “Walang pag-ibig na hihigit pa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan” (Jn 15:13).

“Sa ganitong pangyayari ay ating nakilala ang pag-ibig: na ibinigay Niya ang sariling buhay alang-alang sa atin, kaya nararapat nating ibigay ang ating sariling buhay alang-alang sa mga kapatid” (1 Jn 3:16).

Mula sa salaysay ng mga pangunahing karanasan ni Chiara Lubich: 
Tinanong namin ang aming mga sarili, “Mayroon bang ninanais si Hesus na ating gawin na katangi-tanging nakalulugod sa Kanya, at na kapag humarap tayo sa Kanya sa lalong madaling panahon, tayo’y kalulugdan Niya?” Muli, ibinigay sa amin ng Ebanghelyo ang kasagutan: “Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Jn 15:12)…

Naunawaan naming minahal kami ni Hesus hanggang sa sandaling namatay Siya para sa amin; samakatuwid, kinailangan naming maging handa na mamatay para sa isa’t isa … Buo ang aming kalooban na gawing batayan ng aming buhay ang tapat at mapagkapwang pagmamahalan, anumang landas ang aming patutunguhan…

Bago pumunta sa Misa o tumanggap ng komunyon, tatanungin namin ang aming sarili, “Handa ba tayong mamatay para sa isa’t isa?”… Kinailangang mauna ang pagmamahal sa lahat ng iba pang bagay: bago magtungo sa paaralan, bago magtungo sa trabaho, bago matulog sa gabi.[1]

Para sa Pagninilay: Ang magtungo sa Diyos nang sama-sama 
Isang hinihingi ni Hesus na ang ating pagmamahal ay iyong pampamayanan, at hindi lamang isang personal na pagmamahal sa Diyos o personal na pagmamahal para sa ating kapwa. Hindi ganap ang ating pagmamahal hanggang ito’y magiging mapagkapwang pagmamahalan.

Hindi sinasabi ni Hesus na sapat na ang mahalin ang ating kapwa. Sa halip ay Kanyang sinabi, “Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” Nais Niyang ang mapagkapwang pagmamahalan ay maging pangunahing aspekto ng ating buhay Kristiyano. Bahagi rin ito ng misteryo ng sama-samang pagtungo sa Diyos. Hindi tayo maaaring magtungo sa Diyos nang nag-iisa.

Hangga’t hindi nagiging mapagkapwa ang ating pagmamahalan, hindi masasabing ito ay ang perpektong, maka-Kristyanong pagmamahal na hinihingi ng Diyos sa atin.

Subalit ang ating pag-uugali ay labis nang nakaugat sa kaisipang magtungo sa Diyos nang personal at nag-iisa, at sa pananaw na ang ating kapwa ay pamamaraan lamang upang makamit ang ating pagpapakabanal; kung kaya’t mahirap alisin mula sa ating sarili ang ganitong lumang paraan ng pag-iisip.[2]
Fr. Pasquale Foresi

Kaugnay na Saloobin: Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi lubos na nauunawaan ang bagong kautusan. Tiyak na ipinahayag natin ang tungkol sa pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa, subalit ang pagmamahal sa kapwa ay nanatiling tila isang “patunay” ng ating tapat na pagmamahal sa Diyos. Gayunpaman, hindi ito ang isinaisip ni Hesus. Sa katunayan, para sa Kanya ay hindi sapat na mahalin natin ang iba, sa halip ang kailangan ay mahalin natin ang isa’t isa. Ang munting salitang “tulad” ay napakahalaga.

Hindi hinahayaan ni Hesus na ipagpasya natin kung ano ang sukat ng pag-ibig, sapagkat Siya mismo ang nagbigay sa atin ng sukat na ito. Bago Siya ipinako sa krus, sinabi Niya, “Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”

Kaya ang ating pagmamahalan ay pagmamahal na walang limitasyon. Hindi mo maaaring sabihin, “Iyon na, naabot ko na ang hangganan ng maibibigay kong pagmamahal, hindi na ako maaaring magmahal pa,” dahil si Hesus ay nagmahal hanggang sa sandali ng kamatayan. Ito ang hinihingi sa atin ni Hesus sapagkat sa ganitong uri ng pagsasabuhay ay higit nating mauunawaan ang tungkol sa Diyos.[3]
Giuseppe M. Zanghi

Isinalin ni John Paul Dominic Yumul mula sa librong Called to Be Community: Making the Church a Home and School of Communion.

[1] C. Lubich, May They All Be One, New City Press, New York, 1984, p. 13.

[2] Pasquale Foresi, Reaching for More, New City Press, New York, 1972, p. 81.

[3] Gen 2 Magazine, 2004, Bol. 25, bilang 1-2.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read