HomeArchives2016Tinawag Upang Maging Sambayanan

Tinawag Upang Maging Sambayanan

Sa pagpapatuloy ng ating serye ng mga pagninilay hango mula sa akdang Tinawag Upang Maging Sambayanan, narito ang ilang mga kaisipan at karanasang naglalahad ng ikalawa sa 12 punto ng Espiritwalidad ng Pagkakaisa: Ang Kalooban ng Diyos.

Ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo ay mga salitang dapat isabuhay. Sinabi ni Hesus sa atin, “Ang mga salita na aking ipinahayag sa inyo ay espiritu at buhay” (Jn 6:63). Sa gayon ay maaari nating unawain ang Kanyang mga salita gaya ng “Gawin mo sa iba ang ibig mong gawin nila sa iyo” (Lc 6:31) at isabuhay ito ngayundin, sa ating kasalukuyang sitwasyon, sa pinakamalapit nating kapwa. Hindi sapat na aralin ang salita ng Diyos, talakayin ito, kabisaduhin ito at manalangin ukol dito; ang pinaka-mahalaga sa lahat ay maaari natin itong isabuhay.

Maaaring ibahagi din natin sa isa’t isa nang may kababaang-loob ang ating mga kongkretong karanasan tungkol sa pagsasabuhay ng Ebanghelyo sa mga payak at pang-araw-araw na pangyayari sa ating buhay. Maaari nating ibahagi pati na rin ang mabubuting epekto o bunga ng ating mga karanasan ng Ebanghelyo. Matutuklasan natin na ang Kataga ng Buhay ay maaaring isabuhay ng lahat ng tao at sa bawat sitwasyon.

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating mga karanasan ng Ebanghelyo, tinutulungan natin ang isa’t isa na higit pang pahalagahan ang Salita ng Diyos, at natututunan natin mula sa isa’t isa ang iba’t ibang paraan na maaaring isagawa ang Kataga ng Buhay. Kung gayon, ito ay isang paraan upang ating “maisabuhay nang sama-sama ang mga salita ni Hesus” at sama-samang tumungo sa Diyos sa pagsasabuhay


Ang mga salita ng Ebanghelyo ay “mga kataga ng buhay;” maaari silang isabuhay kaagad. Halimbawa, ang “Ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili” (Mt 19:18) ay maaaring gawin kaagad, sapagkat madalas ay may isang kapwa na malapit sa amin. Gayundin, ang “Anuman ang inyong gawin sa isa sa aking mga pinakamaliit na kapatid na ito ay ginawa ninyo sa akin” (Mt 25:40) ay kaagad-agad na maaaring isabuhay. Dagdag pa rito, ang mga salita ng Ebanghelyo ay itinakda para sa lahat.

Natuklasan namin na tunay ngang ang Salita ng Diyos ay isang tanglaw mula sa langit na makapagbibigay liwanag sa sangkatauhan. Ang Kanyang mga salita ay isang bagay na ang lahat ng tao, bata man o matanda, nakapag-aral o hindi, ay maaaring isabuhay. Ang idinulot ng mga salitang ito sa amin at sa mga taong nasa aming paligid ay isang uri ng rebolusyon!

Dapat kong aminin na hanggang sa sandaling iyon, bagaman ako ay isang Kristiyano at debotong Katoliko, hindi ko isinabuhay nang mabuti ang salita ng Diyos; ang Ebanghelyo ay hindi naging patakaran ng aking buhay. Ngunit ngayon, dahil sa pagsasabuhay ng Ebanghelyo ay nagbago ang aking pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Gayundin ang nangyari sa aking mga kaibigan.

“Upang si Kristo ay manirahan sa akin, nararapat na ang aking kaisipan ay ang Kanyang kaisipan, ang aking damdamin at aking kalooban ay ang Kanyang damdamin at Kanyang kalooban. At ipinahahayag niya ang Kanyang kalooban, kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng Ebanghelyo, sa pamamagitan ng Kanyang inspirasyon at sa pamamagitan ng mga may katungkulan. Itinatakwil ko ang aking sarili at ang natatamo ko’y Ikaw, o Diyos: ako’y nakakamtan Mo, at Ika’y nakakamtan ko. Isang pambihirang pakikipagpalitan.”

Igino Giordani

Pagsuko ng pagiging nasa takdang oras 
Sa palagay ko’y kailangan kong aminin na kung may isang bagay na hindi ko maaaring isuko, ito ay ang pagtupad sa mga gawain sa takdang oras. Habang ang pagiging nasa oras ay isang paraan upang magmahal, nagiging isang balakid ito kung hindi ko ito kayang isantabi para mahalin ang aking kapwa.

Tuwing aalis ako ng bahay, tila palaging nais ng aking asawa na asikasuhin ko ang isang gawain para sa kanya. Nangyari ito kamakailan lang. Habang ako’y paalis na, tinawag niya ako at ninais kong ipagwalang-bahala ang kanyang pakiusap at sagutin siya sa paraang nang-uuyam.

Pumasok sa aking isip ang Kataga ng Buhay: “Kung ang iyong kanang mata ang siyang sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon” (Mt 5:29). Sa pagkakataong iyon, ang pinahihiwatig ay aking dila. Napahinto ako at naalaalang ang aking asawa ay si Jesus na dapat kong mahalin. Pinakinggan at minahal ko siya sa sandaling iyon. Isinantabi ko ang pagiging nasa oras, at naranasan ko ang taimtim at puspos na katahimikan sa aking puso!

M.P.

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read