“Masunod nawa ang kalooban mo, hindi ang sa akin” (Lucas 22:43).
Sikaping manatili sa Kanyang kalooban, at manatili ang Kanyang kalooban sa inyo. Kapag ang kalooban ng Diyos ay nasusunod sa lupa para nang sa Langit, ang habilin ni Hesus ay matutupad.

Isipin ang araw at ang mga sinag nito.

Ang araw ang sagisag ng kalooban ng Diyos, na ang Diyos mismo. Ang mga sinag ang kalooban ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

Lumakad ka patungo sa araw sa liwanag ng iyong sinag, na iba at natatangi sa bawat ibang sinag, at tuparin ang nag-iisa’t kahanga-hangang plano na ninanais ng Diyos na tuparin mo.

Ang kalooban ng Diyos ay iisa subalit nagkakaiba para sa bawat tao, katulad ng iisang araw na nagpapalabas ng mga di-mabilang na sinag.

Habang papalapit ang mga sinag sa araw, lalong nagkakalapit ang mga ito sa isa’t isa. Para sa atin din, habang papalapit tayo sa Diyos — sa pamamagitan ng lalong ganap na pagtupad ng kalooban ng Diyos, lalong nagkakalapit tayo sa isa’t isa… hanggang tayo’y maging isa.

Ang Munting Binhi

Napuna mo na ba kung paano sumisibol at nananariwang muli ang maikling damo sa isang di-dinaraanang lansangan na pinainit ng araw sa tagsibol?

Ganito ang nangyayari sa sangkatauhan sa paligid mo kung pananariwain mo ang mga tao sa banal na sinag ng pag-ibig sa halip na tingnan lamang sila sa paningin ng mundo.

Ang higit sa natural na pag-ibig sa iyong kaluluwa ay katulad ng isang araw na lumilikha ng isang palagiang pamumulaklak ng buhay. Ito ay isang buhay na maaring maging panulukang-bato sa pook na iyong ginagalawan. Wala ng iba pang kailangan upang maiahon ang daigdig at ibalik ito sa Diyos.

Ang kagandahan ng pananalita, ang kapinuhan ng kilos, ang talino sa sining, ang kahalagahan ng karunungan, ang karanasan ng maraming taón; ang lahat ng ito’y mga handog na hindi dapat ipagsawalang-bahala. Subalit anuman sa mga ito na puno ng buhay ay mahalaga para sa kahariang walang hanggan.

Ang isang katakam-takam na pirasong mansanas ay malinamnam, makulay at magandang tingnan. Subalit kung ito’y ibabaon, namamatay ito na di nag-iiwan ng bakas. Bagamat ang munting binhi ay hindi kaakit-akit, hindi masarap, at matabang sa panlasa, mamumunga ito ng mga bagong mansanas kung ibabaon ito sa lupa.

Ganito ang buhay na nasa Diyos, ang buhay Kristiyano, ang maliwanag na landas ng Simbahan. Dakila at katangi-tangi, ang Simbahan ay natutukuran ng mga haliging ito — ang mga lalaki at babae na pinararatangan ng pagiging wala sa tuwid at ng kahangalan sa
mga nagdaang panahon. Sa kanyang matinding galit, ang prinsipe ng mundo ay nagmamadaling kumilos upang sila’y durugin hanggang sa kahulihulihan.

Subalit nananatili silang matatag sa pagsubok. Pinadalisay sila ng Ama upang sa gayon, sa kanilang pagkakaugnay sa puno, mamunga sila ng masagana. Itinampok Niya sila, maluwalhati, sa kaharian ng buhay.

Ikaw at ako, ang kartero, ang magsasaka, ang diyanitor, ang mangingisda, ang manggagawa, ang batang naglalako ng pahayagan, at lahat ng iba pa — mga taong nabigo sa kanilang mga pangarap, mga inang punung-puno ng suliranin, mga magkasintahang malapit nang ikasal, mga hapong matatanda na naghihintay na lamang ng kamatayan, mga masisiglang batang lalaki, ang bawat isa, tayong lahat ay mga kagamitang panangkap para sa sambayanan ng Diyos.

Sapat na sa atin ang magkaroon ng isang puso na pinananatili ang apoy ng pag-ibig na mataas, matuwid, at nakatuon sa Diyos.

Chiara Lubich
Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol
Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.