Iba’t iba ngunit handog sa isa’t isa
Sa loob ng isang taon, ako na isang Prayleng Menor ay tumira sa bahay kasama ang isang paring Heswita. Madalas naming ipaalala sa isa’t isa at sabihing, “Panatilihin natin si Hesus sa ating piling.” Kapag ako’y matutulog na, sasabihin ko, “Panatilihin natin si Hesus sa ating piling.” Natatandaan kong kanyang sinabi na nais niyang laging panatilihin si Hesus sa aming piling sa kahabaan ng araw, at sinabi ko sa kanyang nais ko rin itong gawin.
Subalit likas lamang na habang nakilala at naranasan namin ang mga limitasyon ng isa’t isa, naging mas mahirap panatilihin ang presensya ni Hesus. Minsan ay naiinis siya tuwing nalilimutan kong i-off ang kaisa-isang computer namin, o kapag ang aking teolohikal na pananaw ay salungat doon sa kanya. Sinikap kong makiisa sa kanya lalo na sa gitna ng mga nasabing talakayan, at sinubukan kong makiisa sa kanyang pag-iisip sa pamamagitan ng aking pagmamahal kay Hesus na pinabayaan sa mahihirap na sandaling iyon, kung saan tila kami’y hindi nagtutugma ng pananaw.
Presensya ni Hesus
Sa kabila ng lahat ng aming mga kahinaan, nagawa naming ipagpatuloy ang pagpapanatili ng presensya ni Hesus sa aming piling. Ilang taon din akong nanirahan ng may kasamang isang paring Pransiskanong Capuchin. Sinikap naming laging panatilihin si Hesus sa aming piling. Subalit noong isang beses, habang lumalalim ang gabi, ang pagkakaisa namin ay nasira dahil sa isang napakaliit na ‘di pagkakaunawaan.
Biglang nagkaroon ng masidhing klima ng katahimikan sa pagitan namin. Nagpunta ako sa aking kama na nagdurusa sapagkat nadama kong ang pagkakaisa namin ay nasira. Tila naglaho si Hesus sa aming piling. Kinabukasan, gumising ako nang maagang-maaga. Masama pa rin ang pakiramdam ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Habang nasa kusina ay nagsimula akong magnilay tungkol sa Ebanghelyo.
Sa sandaling iyon, dumating ang paring Capuchin sa aking kinaroroonan. Nagsimula siyang magsabi, “Alam kong mabuti ang hangad mo kagabi…” Agad kong naunawaang nais niyang muli kaming magkaayos, at ninais ko rin ito.
Kaagad naming niyakap ang isa’t isa bilang tanda ng aming pagpapatawad, at sinabi namin sa isa’t isa, “Ang mahalaga ay panatilihin lagi si Hesus sa ating piling.” Ang tila di makabasag-pinggan na katahimikan sa pagitan namin ay agad na naglaho. Nadama ko noon ang isang pambihirang kasiyahan at kapayapaan na muling patuluyin si Hesus sa aming piling, at alam kong nadama niya rin ito.
(Fr. T.E. )
Bakit kapag kasama ko ang mga taong ito…?
Habang ako’y nasa Toronto at nagtatrabaho para sa diyalogo sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon, nakilala ko ang isang grupo ng mga Muslim. Isang gabi, isa sa mga ito ang dumating sa aming bahay para maghapunan, at kasama niya ang isang pangkat mula sa moske; isa sa mga ito ay ang kanyang anak na babae. Lingid sa aming kaalaman, ang kanyang anak na babae pala ay napalayo mula sa pananampalataya sa limang haligi ng Islam.
Kumain kami nang sama-sama, marami kaming napag-usapan at nagkaroon ng napakagandang klima ng presensya ni Hesus sa aming piling. Nang walang pahiwatig ay napahinto ang anak na babae at biglang sinabi: “Papa! Bakit kapag kasama ko ang mga taong ito, pakiramdam ko’y nais kong bumalik sa aking pananampalataya sa Diyos?”
Lubos na naantig ang kanyang ama at hindi ito nakapagsalita, sapagkat ilang taon na rin niyang ipinagdarasal ang sandaling ito. Tumingin siya sa akin at sinabi: “Ikaw ang magpaliwanag, dahil hindi ko ito kaya.”
Nang dahil sa ganitong pangyayari, naroon ako’t ipinaliliwanag ang presensya ni Hesus sa ating piling sa isang babaeng Muslim, ngunit ginamit ko ang katagang “Diyos sa ating piling.” Bumalik siya sa kanyang pananampalataya, at namangha akong kapag si Hesus ay nasa ating piling, hindi mo kailanman malalaman kung ano ang mangyayari…(T.G.)