Marahil ay maraming tao ang liliko mula sa malawak na daan patungong kawalan at magbabalik loob sa Diyos sa pamamagitan ng makipot na daan… ang mga pamilyang pinaghiwalay ng samaan ng loob, na may mga pusong naging bato dahil sa hindi pagkakaunawaan at galit, at pinamanhid ng diborsiyo, ay muling mabubuo at magkakasundo.
Ang mga sanggol ay isisilang sa isang mundong pinamamahalaan ng makatao at makalangit na pag-ibig, upang maitaguyod ang isang bagong sangkatauhan, at magbigay ng pag-asa para sa isang maka-Kristiyanong kinabukasan.
Ang mga pabrika, karaniwa’y pagtitipon ng mga taong “alipin” ng kanilang trabahong nakababagot, o kung hindi naman ay lubos na hindi makatao ang pamamaraan ng paggawa, ay magiging lugar ng kapayapaan kung saan ang lahat ay mag-aambag ng kaniyang kakayahan para sa kabutihan ng lahat.
Ang mga paarala’y lulusong sa hangganan ng kanilang panandaliang kaalaman, at gagawing hakbangan ang lahat ng disiplina upang abot na pagnilayan ang mga katotohanang walang hanggan, na sumisilip sa pagpapahayag ng mga misteryong sa silid aralan nagliliwayway at natututunan, at maaaninag sa mga payak na paraan, simpleng disiplina, at kahit sa mga bilang…
At ang mga inihalal na kinatawan sa gobyerno ay magiging tagpuan ng mga taong hindi nagtutungalian para sa sariling interes, bagkus para sa kabutihan ng lahat, ng hindi nag-iimbot maging sa kapwa kinatawan o maging sa bayan.
Mamamalas natin ang isang mundong nagiging mahabagin, na waring sa panaginip, ang langit ay bumaba sa lupa, at ang pagsasang-ayon ng tanang nilikha ay ang sasalamin sa pagkakaisa ng mga puso.
Makakamit natin ito… Pero ito’y isang pangarap! Ito’y parang pangarap! Ngunit Ika’y (Hesus) wala nang iba pang hiniling pa kundi ito, noong Ikaw ay nanalangin: “Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit” (Mt.6:10)
Chiara Lubich
Isinalin mula sa aklat na Unity, pahina 31, hanggang 32.